Sing, dance, laugh and reminisce about Manila in I ♥ MLA: Eh Kasi Nga It’s More Fun In The Philippines

Kumanta, sumayaw at tumawa habang inaalala ang buhay Maynila sa I ♥ MLA: Eh Kasi Nga It’s More Fun In The Philippines concert nina Jon Santos, Bo Cerrudo at The Company. Itatanghal ang concert na ito sa buwan ng Nobyembre sa Music Museum.


A musical and comical impersonation that will take you on a trip down memory lane of Manila— ito ang promise ng mga performers sa mga manonood ng I ♥ MLA: Eh Kasi Nga It’s More Fun In The Philippines.


Isa ang PEP.ph sa mga nakapanood sa concert nina Jon Santos, Bo Cerrudo at ng The Company na ginanap noong November 7 sa Music Museum.

Ang bahagi ng kinita ng November 7 concert ay mapupunta sa Alay kay Inay Foundation.

Hindi pa man pormal na nagsisimula ang show ay nagtatawanan na ang mga tao dahil sa “makulit” na show reminders nila para sa audience.

Tulad na lamang ng “bawal po ang pagkuha ng larawan gamit ang cellphone, iPad, o camera habang tumatakbo ang palabas. Pero dahil alam naming gagawin ‘nyo pa rin, hinihiling namin na iwasan ang paggamit ng flash sa pagkuha ng larawan.”

THE COSTUME. Isang VTR ang nagbukas sa show, kung saan mapapanood ang iba’t ibang personalidad na in-impersonate ni Jon Santos.

Binanggit ng mga “personalidad” na ito ang mga bagay o ala-ala na hindi nila makakalimutang tungkol sa Maynila.

Matapos ang VTR, dito na nagbukas ang makukulay na ilaw kasabay ng dance number ng Whiplash, at ang opening act nina Jon, Bo at The Company.

Kapansin-pansin sa kanilang mga kasuotan ang paglalagay ng modern touch sa traditional Filipino outfit na barong at baro’t saya. Tulad na lamang ng suot ni Cecile Bautista, kung saan ang saya niya’y ginawang cropped skirt na nauuso sa mga kababaihan ngayon.

Mapupuna rin na masaya at matitingkad na kulay sa kanilang mga kasuotan. Halimbawa ay sa kanilang song and dance number sa kantang “Big, Beautiful Country” na original single ni Jose Mari Chan.

Dito’y nakadilaw na pang-taas sina Jon Santos, Jay Marquez at Moy Otiz, habang matingkad na blue Amerikana naman ang suot ni Bo. Iba’t ibang shade naman ng purple ang makikita sa mga kasuotan nina Cecile Bautista, Sweet Plantado at Annie Quinto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE IMPERSONATIONS. Kung isasama pati ang mga ipinakita sa VTRs, labing-isang personalidad ang in-impersonate ni Jon Santos para sa show na ito.

Ang mga in-impersonate niya sa mga VTR ay sina former First Lady Imelda Marcos, President Benigno “Noynoy” Aquino, former Presidents Joseph Estrada at Gloria Arroyo, Senador Miriam Defensor Santiago, TV hosts Kris Aquino at Kuya Kim Atienza, at Fil-Am international singer Apl De Ap, at Armida Siguion Reyna.

Pero kung ang live impersonation ang pag-uusapan— na isa sa mga highlights ng show— dalawa ang kanyang ginaya: sina Batangas Governor Vilma Santos at ang international singer na si Lady Gaga, na ginawa niyang karakter na “Be My Lady Gaga.”

Hindi na bago kay Jon na gayahin si Ate Vi. Kaya naman pag-akyat niya ng stage, agad niyang binati ang kanyang mga fans: “Ang mga solid Vilmanians, ang Liquid Vilmanians, at ang mga gaseous Vilmanians!”

“Oh, nandito din ang mga invisible Vilmanians!” pagtukoy niya sa ilang bakanteng upuan sa audience.

Samantala, noong maging si “Be My Lady Gaga” naman siya’y ang iba’t ibang bagay na nakikitang kakaiba ng mga banyaga ang kanyang ibinida.

Tulad na lamang ng paraan natin nang pagkain ng tinapay na may katernong kape.

Aniya, masyado daw malinis ang mga Pinoy pagdating sa pagkain dahil, “you wash the bread like that in the coffee before you eat it.

“But I find it weird because after you eat, you also drink… drinks it?”

Pero kahit pa raw may pagka-“weird” ang mga Pinoy, mahal na mahal niya ito dahil kilala siya nang marami.

“I crossed the street and they all shouted, ‘Gaga! Gaga! Magpapakamatay ka ba?’ Oh, they know me! I’m so happy!”

Pero hindi lamang ang husay ni Jon sa impersonation ang kanyang ipinamalas sa show na ito. Pinakita rin ng komedyante ang kanyang husay sa pagkanta at pagsayaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE BALLADEER. Mayroon din siyempreng “moment” ang balladeer na si Bo Cerrudo, na first time makasama ng The Company at Jon Santos sa iisang show.

Talaga namang madadala ka sa mga awiting kinakanta niya, dahil na rin sa buong-buo ang kanyang boses at malinaw na pagbigkas sa mga linya ng kanta.

Tulad na lamang nang awitin niya ang “Maalaala Mo Kaya” at ang “Dahil sa Isang Bulaklak,” habang ipinapakita ang larawan ng mga tanyag na artista noon tulad nina Eddie Rodriguez at Nida Blanca.

Ramdam din ang pagka-Pilipino ni Bo nang kanyang kantahin ang “Noypi” na original single ng dating banda na Bamboo.

Ginawa niyang ballad ang upbeat na kantang ito, na naging paraan para mas mapukaw ang damdaming makabayan ng mga manonood.

Kung alam mo ang kantang Noypi, mababatid mo na nagmintis si Bo sa isang linya ng kanta. Pero dito nakita na siya’y tunay na mang-aawit, dahil alam niya kung paano bawiin ang pagkakamaling iyon na hindi gaano napupuna ng mga tao.

Maaaring hindi pa rin siya gaano sanay sa mga song and dance numbers, dahil mayroong ilang mga performances ang grupo kung saan nagkakamali siya sa mga dance steps.

Hindi man siya sanay sa mga song and dance numbers, hahangaan mo pa rin si Bo dahil hindi mo maririnig sa kanyang boses na hiningal siya o nahirapan na sabayan ng sayaw ang kanta.

THE CROONERS. Wala nang makikipagtalo na iba ang husay ng The Company pagdating sa voice blending.

Magbigay ka ng isang awitin sa kanila at kaya nila itong gawing chorale type na kanta dahil sa blending ng kanilang mga boses.

Pero hindi na lamang sila umaawit ngayon, dahil kayang-kaya na rin nilang pasukan ng dance numbers at ilang comical acts ang kanilang mga performances.

Tulad na lamang nang awitin nila ang “Kanlungan,” kung saan habang kumakanta’y naka-upo sila sa mga kahoy na bangko at parang nagkukuwentuhan lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mapapansin din ito nang awitin nina Cecile Bautista, Annie Quinto at Sweet Plantado ang “Limang Dipang Tao,” na makikita ang eksenang nakasakay sila sa jeep at nagsasagutan.

Pero siyempre, kinilig pa rin ang marami nang kantahin na ng grupo ang hit singles nila na “Pakisabi Na Lang,” “Now That I Have You,” Muntik na Kitang Minahal,” at “Everlasting Love.”

Kung pinagsama-samang kantahan, kuwentuhan, kulitan, sayawan at tawanan ang hanap mo sa isang palabas, iyong magugustuhan ang I ♥ MLA: Eh Kasi Nga It’s More Fun In The Philippines.

Habang nakikinig sa musika, pinanonood ang mga comic acts, at nakiki-indak sa mga tugtugin ay mapapangiti ka rin habang inaalala ang mga bagay na minahal mo sa Maynila noon at ngayon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN