Ate Gay successfully stages first major concert in Arena

Matagumpay na nairaos ng komedyanteng si Ate Gay ang kanyang unang major concert, ang Ako Naman… Ate Gay sa Arena, na ginanap noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 30, sa Mall of Asia Arena.


Labis ang pasasalamat ng komedyante at impersonator na si Ate Gay— Gil Morales sa totoong buhay—sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa kanyang first major concert, ang Ako Naman… Ate Gay sa Arena, na ginanap noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 30, sa Mall of Asia Arena.

Hindi raw inakala ni Ate Gay na marami ang manonood sa kanya at halos mapuno niya ang Arena.

Ikinatuwa pa niya na ang mas maraming nabiling tickets ay iyong nasa mahal na areas gaya ng patron at lower box seats.

Ayon kay Ate Gay, dahil sa concert na ito ay isa-isang natupad ang kanyang mga pangarap—ang magkaroon ng major concert sa isang malaking venue; ang makagawa ng music video ng “The Door,” ang pinasikat niyang declamation piece na ginawang kanta; at siyempre ang makasama sa isang entablado ang kanyang idolong si Superstar Nora Aunor, na special guest niya sa concert.


GRAND ENTRANCE. Tulad ng kanyang pangako, kakaiba ang naging entrance ni Ate Gay sa stage para sa kanyang opening number.

Galing sa upper box area tila naka-harness siya na nakakabit sa pulley at dahan-dahang umusad mula sa likurang parte ng audience patungo sa stage.

Pagdating ng stage ay change outfit siya, suot ang gold see-through sequinned na damit na aniya ay pantapat sa seksing damit na suot ng international singer na si Jennifer Lopez sa concert nito noong Nobyembre 26 sa Arena rin.

Ang hairdo naman niya ay ginaya niya sa ayos ng buhok ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez, na nag-concert din sa naturang venue noong Nobyembre 16.

Medley ng dance hits ang kinanta ni Ate Gay sa opening na kinabibilangan ng “Conga, at “Gangnam Style.”

Kasama niya rito ang SexBomb, Bailes de Luces, at Philippine Island Assassins habang ibinabato-bato sa ere si Ate Gay ng mga lalaking dancers.

Pagkatapos ng kanyang opening ay kaagad na napuno ng tawanan ang buong Arena nang sabihin ni Ate Gay na, “Puwede ko nang sabihing magandang gabi, Arena! Kita n’yo naman ang damit ko Jlo, ang buhok ko Regine… pero ang mukha, Vic Sotto!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon naman ng sandaling pahinga si Ate Gay sa pagpasok ng kanyang guests mula sa X Factor Philippines ng ABS-CBN—ang grand winner na si KZ Tandingan at ang runners-up na sina Gabriel Maturan at Daddy’s Home.

Nagpasikat sa bosesan ang Daddy’s Home nang kantahin nila ang “Through The Fire.” Hindi naman nagpatalbog si Gabriel sa kinanta niyang “Go The Distance.” Siyempre palakpakan ang lahat sa bersyon ni KZ ng “For Once In My Life.”


LIFE IN THE ENTERTAINMENT SCENE. Pagsalang ulit ni Ate Gay sa stage ay inalala naman niya ang panahon noong nagtatrabaho pa siya bilang miyembro ng Singing Cooks and Waiters kung saan daw siya unang na-discover.

Nakadamit pang-Singing Cooks and Waiters, nakasama niya sa segment na ito ang mga kaibigan niyang impersonators na sina Le Chazz, Tami Brown, Boobay, at Petite.

Pagkatapos ay nag-change outfit ulit si Ate Gay sa mismong stage para sa riot sa katatawanang number bilang pag-alala sa kanyang pagpasok sa comedy bars at sa entertainment scene mismo.

“Halos naikot na ni Ate Gay ang iba’t ibang kilalang comedy bars sa Metro Manila, gaya ng Musicbox, kung saan siya nagsimula. Nandiyan din ang The Library, Metrobar, Punchline, Laffline, 22nd Street.

Nakasama niya rito ang stand-up comedians at performers na sina Anton Diva, Kim Idol, at Talentadings duo.

Talaga namang hagalpakan ang mga tao sa mash-ups songs na kinanta nila, kung saan pinaghahalo ang ilang kantang halos magkakapareho ng tono.

Dito nga pinatunayan ni Ate Gay ang bansag sa kanyang Mash-up Queen.

Ilan sa mash-up songs nila ay ang pinagsamang “Just The Way You Are” ni Bruno Mars at “Kawawang Cowboy” ni Fred Panopio; “If I Were A Boy” ni Beyonce at “Ako’y Isang Pinoy” ni Florante; “Bituing Walang Ningning” ni Sharon Cuneta at “Lupang Hinirang”; “Kung Mawawala Ka” ni Ogie Alacasid at “Nanghihinayang” ng Jeremiah.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Meron pa ngang mga kanta na sinamahan ng theme songs ng TV commercials.

Pumasok naman ang sunod na guest sa concert ang The Company na bumanat ng acapella ng medley ng mga novelty at folk songs gaya ng “Buchikik” at “Si Felimon.”


SERIOUS SINGING. Ang sumunod na bahagi ay ipinakita ni Ate Gay na hindi lang siya magaling magpatawa kundi magaling ding kumanta. Dedicated daw ang bahaging ito kay Nora Aunor.

Seryoso nga ang pagbirit ni Ate Gay sa ilang mahihirap na kantang inawit din ng Superstar noon gaya ng “All By Myself,” “The Greatest Performance of My Life,” “This is My Life,” at “I Will Survive.”

Hindi pa nagpaawat si Ate Gay sa pakikipag-showdown naman niya sa guest niyang Aegis band. Binigyan pa niya ng challenge ang Aegis na kantahin ang “Pearly Shells” ni Ate Guy.


SEXY AND NAUGHTY. Naghalo naman ang tawanan, tilian at iba’t ibang reaksyon ng mga audience sa sumunod na bahagi ng concert na pwedeng sabihing “bold, sexy and naughty.”

Naka-costume pa ng Darna si Ate Gay at sinamahan siya ng apat na matipunong lalaki bilang kanyang leading men.

Ipinakita nga ni Ate Gay ang iba’t ibang bersyon ng pagsigaw ng “Darna!” ng mga artistang nakaganap na ng Darna gaya nina Vilma Santos, Nanette Medved, at Sharon Cuneta.

May bersiyon din siya ng Darna ni Nora Aunor, kung sakaling ginampanan ng Superstar ang naturang Pinay superhero.

Naisingit pa niya ang sagutan nina Nora at Jaclyn Jose sa isang pelikula kung saan nagtagisan daw ang dalawa sa underacting.

Tinapos ni Ate Gay ang segment na ito sa kanyang Darna dance kung saan ibinato at iwinasiwas siya ng mga dancer sa ere.

Sagana nga ang number na ito sa lifting at action sequences kasama ang SexBomb dancers.

Naiwan naman sa stage ang SexBomb para sa kanilang sexy dance performance kung saan hinatak pa nila si Dr. Manny Calayan at sinayawan sa stage.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


MISYU. Nakakaaliw din ang “Misyu beauty pageant” sa concert kung saan naging Miss Nepal si Ate Gay; kasama sina John “Sweet” Lapus as Miss Switzerland, Michelle O’Bombshell as Miss USA, at ang reigning Miss International Queen 2012 na si Kevin Balot bilang Miss Philippines.

Nagtagisan nga silang apat sa pagrampa at Question and Answer portion. Itinnghal namang winner si Ate Gay, na nakatanggap ng pinakamalakas na palakpak sa audience.

Magkasunod namang lumabas ang dalawang pang guests na sina Allan K at Aiza Seguerra.


ATE GUY’S MOMENT. Bago ang finale ay umakyat naman sa stage si Nora Aunor para samahan si Ate Gay.

Nagpasalamat si Ate Gay sa kanyang idolo sa pagpayag nitong maging special guest niya at pinanood ang buong show. Kung hindi raw dahil kay Ate Guy ay wala raw siyang trabaho.

Tinugon din naman ni Nora ng pasasalamat si Ate Gay. Aniya, “Salamat naimbitahan ako ni Ate Gay kasi idol ko rin siya.

“Kahit medyo bastos [yung isang bahagi ng concert], hindi bastos ang dating kasi ang cute niya.”

Sabi naman ni Ate Gay, “Natuwa ang nanay ko kasi nakasama ko ang idol niya at idol ko.”

Pagkatapos nito ay nagyakapan sila.

Pagbaba ni Ate Guy sa stage ay inawit na ni Ate Gay ang ilan pang kantang inawit ng Superstar kabilang na ang “Handog” at “Minsan Ang Minahal Ay Ako.”

Sa likod naman niya ay ipinapakita sa big screen ang mga larawan ni Ate Gay simula noong kanyang pagkabata hanggang sa present pictures niya.

Bilang finale song ay inawit ni Ate Gay ang “Bongga Ka, Day!”

Sa kabuuan malaking tagumpay ang concert na ito para kay Ate Gay. Nagawa niya ang layuning pasayahin at aliwin ang kanyang mga manonood.

Ang Ako Naman… Ate Gay sa Arena ay sa direksiyon nina Andrew de Real at Philip Lazaro. Produced ito ng That’s Ntertainment Productions ni Joed Serrano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN