Gloc-9 open to reviving songs of Francis Magalona

Rapper-musician-composer Gloc-9 (in photo) received five nominations in the 2015 MYX Music Awards. Last year's big winner, Gloc-9 is now competing against Daniel Padilla, Julie Anne San Jose, Sarah Geronimo and Yeng Constantino in the Favorite Artist category.


Isa si Gloc-9 sa nanguna sa listahan ng mga nominado sa ginanap na announcement ng MYX Music Awards 2015 kamakailan sa K-PUB Restaurant sa Trinoma Mall, Quezon City. Kasama niyang nakakuha ng maraming nominasyon dito sina Sarah Geronimo, Daniel Padilla, Julie Anne San Jose, James Reid, Toni Gonzaga, at iba pa.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa multi-awarded rapper, nagpasalamat siya sa MYX sa pagsuporta sa mga artist na tulad niya.
“Lagi kong sinasabi na I’m very, very thankful sa MYX sa pag-recognize sa mga trabaho namin. Sana’y huwag silang magsasawa sa pagsuporta sa amin,” pahayag ni Gloc-9 na ang tunay na pangalan ay Aristotle Pollisco.
Ano’ng masasabi mo na kapag may mga award’s night sa music, parang lagi kang humahakot ng tropeo?
“Sobra-sobrang bait lang po talaga sa akin ng nasa Itaas at ng mga tao, dahil sa tiwala nila sa trabaho namin.
“And ang masasabi ko lang po ay sobra po akong nanliliit sa pagpapasalamat sa tiwalang ito and sana po ay masuklian ko ito ng mas mga bago pang trabaho in the future.”
Sa palagay mo, bonus ba ito o parang sukli sa iyo sa ipinakikita mong talento sa musika?
Sagot ni Gloc-9, “Hindi naman po, lagi ko pong sinasabi na hanggang ngayon po ang tingin ko sa sarili ko ay hindi pa rin nagbabago, na nagsimula bilang tagahanga ng musika. At hanggang ngayon po, ako’y fan pa rin ng musika.
“So, yun lang po talaga ang drive ko, bukod sa aking mga anak at aking pamilya.”
Parang lahat pinapasok mo na, album, concerts, gumagawa ka ng theme song sa pelikula at may commercial ka na rin. Makikita ka rin kaya namin na tumanggap ng acting projects?
“Iyon lang po ‘ata ang isang bagay na malayo-layo pang mangyari. Kung mayroon man po akong isang bagay na alam ko na hindi ko kayang gawin, isa po yata yun,” nakangiting pahayag niya.

Pero kung sakaling pinilit ka at maganda ang offer, kaya ba?
“Kung ito po ay mangangahulugan ng magandang kinabukasan para sa aking mga anak, baka subukan at kayanin ko,” sagot ni Gloc-9 sabay ngiti ulit.
Masasabi mo ba na ibang level ka na talaga, kasi si Daniel Padilla na ang katapat mo sa award? First time ba ito?
“Sa totoo lang hindi ko po matandaan. Pero lagi ko pong sinasabi kung mayroon man po talagang gusto yung mga taong iboto, e, ako po ay all for that and wala po akong kompetisyon na nasa isip.”
Sa mga ginagawa mong kanta, may part din ba na masasabing nandoon yung impluwensiya sa iyo ng idol mong si Francis Magalona?
“Lagi ko pong sinasabi na 80 percent na kung ano ako ngayon ay dahil kay Francis Magalona. Siya po ang nagturo sa akin kung paano i-handle ang lahat ng situations. Maging sa entablado or sa pagsulat ng kanta or sa pag-record ng kanta.
“So, kaya po lagi po akong nagpapasalamat at naging malapit po ako sa kanya,” wika pa ni Gloc-9.
Inusisa rin siya ng PEP kung saan kumukuha ng idea sa mga ginagawa niyang awitin.
“Napakadami pong kuwento ang puwede nating ikuwento dito sa bayan natin. And kung ang bagay rin lang na isusulat mo sa kanta ay mga bagay na nangyayari at alam ng mga kababayan natin, I’m sure makaka-connect sila.
“Bale, eto po yung nakikita natin sa paligid. Ito po iyong mga nababasa ko, nakikita ko, or nae-experience ko.”
Ano’ng dapat abangan ng fans mo, may forthcoming album ka bang ginagawa sa ngayon?
“Ako po’y sumusulat pa rin ng mga kanta at sana po’y mai-record ko na ito at maiparinig na sa kanila,” matipid na sagot pa ni Gloc-9.
Bilang tribute sa mga bayani nating SAF 44, pinag-iisipan mo ba silang gawan ng kanta?
“Sa totoo lang po, noong simula po na nangyari iyan, madami po akong Tweets and emails and messages na na-receive. Wala po akong… sa totoo lang po hindi ko po siya talaga pa pinagtutuunan ng pansin. Dahil ayaw ko pong lumabas na nakikisakay ako.
“Pero may isang pangyayari po, na naka-meet ako ng isang kaibigan natin, na yung manner niya nang pag-request sa akin ay isang bagay na hindi ko ma-balewala.
“Parang sinabi niya sa akin na mangiyak-ngiyak pa, ‘Baka puwede mo naman sulatan ng kanta ang mga kapatid namin na nasadlak sa ganoon.’
“So, noong gabi na yun medyo napaisip talag ako. Siguro po, baka makasulat ako,” seryosong paliwanag niya.
Sa tingin mo ba, sa estado mo ngayon ay malapit mo nang mapantayan si Francis M?
“Never ko po yatang iisipin na ganoon, dahil wala pong magiging pangalawang Francis M. Dahil nag-iisa lang ang Francis M. Lagi ko pong sinasabi na ako po’y tagahanga lamang ng rap music at ng musika and ako po’y mananatiling tagahanga lamang ng musika.”
Nabanggit pa ni Gloc-9 na hindi niya papangarapin kahit kailan na maka-level ang idolong Master Rapper, dahil para sa kanya, mananatili siyang alalay lamang ng idolo.
“Mayroon po akong kantang isinulat na Alalay ng Hari, dahil ako po’y mananatiling alalay lamang [ni Francis M].”
Inusisa rin namin si Gloc-9 kung posible ba niyang i-revive ang classic na kantang "Mga Kababayan Ko" ni Francis Magalona?
“Naiisip ko na din po ‘yan, gumawa ng mga remake ng kanta na ginawa ni Sir Kiko [Francis Magalona] at pag-uusapan po ‘yan ng mga labels in terms of publishing.
“Pero hindi po malayong mangyari. Posible po iyan.”
Samantala, makakaboto ang music fans sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, Instagram, at sa myxph.com hanggang March 22. Para sa detalye ng pagboto, pumunta lamang sa myxph.com. Ang mananalo MYX Music Awards ay base sa sixty percent ng boto na manggagaling sa fans at 40 percent naman ay buhat sa artist poll.
Magaganap ang MYX Music Awards sa Samsung Hall ng SM Aura Premiere sa March 25.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN