Remembering Maria Carpena: The Nightingale of Zarzuela and the first Filipino recording artist

by Jojo Gabinete
Mar 10, 2022
maria carpena
Noong Marso 8, 2022 ang ika-107 anibersaryo ng kamatayan ni Maria Carpena, ang tinaguriang Nightingale of Zarzuela at kinikilala bilang "first Filipino recording artist."

Ika-107 anibersaryo ng kamatayan ni Maria Carpena ng Sta. Rosa, Laguna noong Martes, Marso 8, 2022.

Pero iilan na lamang ang nakakaalaala sa mga kontribusyon ni Maria sa kasaysayan ng musika sa Pilipinas.

Tiyak na hindi na kilala si Maria at hindi alam ng karamihan sa mga mang-aawit na Pilipino na siya ang kauna-unahang recording artist ng bansa.

Bago pa binansagang Asia’s Nightingale si Lani Misalucha, si Maria ang kinikilala noon bilang Nightingale of Zarzuela dahil sa kanyang pambihirang boses.

Isinilang si Maria sa Sta. Rosa, Laguna noong October 22, 1886.

Bata pa siya nang magsimulang umawit bilang soprano sa choir ng simbahan ng Sta. Rosa de Lima.

Ang great-grandson ni Maria na si Dr. Bimbo Sta. Maria, na sumakabilang-buhay noong April 18, 2020, ang nagkuwento tungkol sa buhay ng kanyang lola sa isang documentary na ginawa noong April 2014.

FIRST FILIPINO RECORDING ARTIST

Ayon kay Sta. Maria, si Don Severino Reyes, pinuno ng Grand Compania de Zarzuela Tagala, ang nakatuklas sa talento sa pagkanta ni Maria.

Continue reading below ↓

Naimbitahan si Maria sa edad na labing-apat (14) para gumanap sa isang papel sa Teatro Zorilla.

Tutol sa pagkanta ni Maria ang kanyang amang si Camilio Carpena kaya itinakwil nito ang anak na napilitang lumuwas sa Maynila at nagpaampon sa mga madre ng Colegio de Sta. Rosa.

Nakilala ni Maria sa Maynila ang kanyang naging asawa na si Jose Alcantara na naging dahilan para hindi na siya bumalik sa bayang sinilangan niya.

Nagsimula sa Minda Mora, isang libretto ni Reyes ang singing career ni Maria dahil siya ang ipinalit sa lead actress na si Maxima Yatco na tinalikuran ang pagtatanghal.

Sa tuwa ni Reyes, isinulat niya noong 1898 ang Walang Sugat, isang zarzuela na pinangunahan ni Maria.

Noong 1909, nahalal na presidente ng Amerika si William Howard Taft na dating governor general ng Pilipinas (July 1901 hanggang December 1903) at sa mga hindi nakakaalam, ipinangalan sa kanya ang Taft Avenue sa Maynila.

Continue reading below ↓

Naimbitahan si Maria na pumunta sa Amerika at dito nangyari ang recording niya ng plaka ng "Ang Maya" para sa Victor Recording Company.

Mula noon, kinilala si Maria bilang "first Filipino recording artist" na hindi na masyadong napahahalagahan ngayon dahil nabaon na sa limot ang kanyang kasaysayan.

UNKNOWN AND UNRECOGNIZED

Nabiyuda si Maria sa edad na 18, binawian siya ng buhay dahil sa acute appendicitis sa edad na 28 at naulila niya ang kanyang mga anak na sina Florita at Jaime.

Pahayag at hinaing ni Sta. Maria sa documentary tungkol kay Maria, na tinatawag niyang "Lelang": “Malungkot ang kanyang kasaysayan dahil naputol ang isa sanang napakagandang career bilang isang zarsuelista.

"Malungkot hanggang sa kasalukuyan sapagkat hanggang ngayon, hindi nakilala ang isang Maria Carpena na napakalaki ang naging kontribusyon sa larangan ng musikang Pilipino.

“Hindi siya naging National Artist bagamat ang kanyang orchestra na Molina [Antonio Molina] ay ginawaran ng pagiging isang National Artist ng National Commission for Culture and the Arts.”

Continue reading below ↓

Noong 2009, sa inspirasyon at tulong ng history patron na si Danny Dolor, itinatag ni Sta. Maria ang Sentrong Pang-Sining at Kultura Alaala kay Maria Carpena, Inc. para hindi mawala at mabaon sa limot ang mga alaala ng kanyang lola.

Ani Sta. Maria, “At dahil nga sa itinakwil siya ng kanyang mga magulang, hindi nakauwi ang bangkay ni Maria sa Sta. Rosa.

“Noong taon din yun, 2009, naisipan ko na hanapin ang labi ni Maria. Ang sabi ng aking mga kamag-anak, halos imposible na ‘yan dahil halos isang daan taon nang namatay si Maria Carpena.

“Ni hindi namin alam kung saan siya nakalibing. Hindi nga namin alam na ganoon ang kanyang kasaysayan.

“Kung hindi pa dahil kay Ginoong Danny Dolor, hindi namin malalaman ang kanyang talambuhay ni Maria na nakatala sa Lopez Museum at maging sa library ng Cultural Center of the Philippines.”

FINDING MARIA'S FORGOTTEN GRAVE

Natukoy ang libingan ni Maria dahil sa pagsasaliksik ni Sta. Maria sa Internet.

Continue reading below ↓

“Napag-alaman ko na si Maria ay napalibing sa La Loma [Quezon City] kaya noong June 13, 2009, pumunta ako sa La Loma Cemetery, kasama ang aking mga kaibigan para hanapin si Maria Carpena.

“Nagulat ako pagdating ko sa La Loma, 54 hectares pala ang La Loma. It's like finding a needle in the hays pero ewan ko ba, buo ang aking loob at will para hanapin ang labi ni Lelang.

“Naniwala ako na matatagpuan ko siya. May nakita kaming libingan ngunit nang tingnan ko ang mga datos, mali.

“Ayon sa opisina ng La Loma Cemetery, totoong nalibing si Maria Carpena ngunit ito raw ay hinukay ng taong 1970 at hindi nila alam kung saan siya dinala.”

maria carpena

Continue reading below ↓

Malungkot na umuwi si Sta. Maria sa bayan nila sa Biñan, Laguna. Pero naisip niyang maraming dahilan para manatili sa La Loma Cemetery ang mga labi ni Maria kaya bumalik siya at ang kanyang mga kasama.

“Malungkot at halos sumuko na ako ngunit sa pag-uwi ko sa Biñan, Laguna, napag-isipan ko ang maraming dahilan na maaaring nandoon pa rin ang kanyang labi.

“Pumunta kami uli sa opisina ng La Loma Cemetery, this time, sinamahan kami ng kanilang mga empleyado.

“Dinala kami at ako’y excited dahil palagay ko, ito na. Makikita ko na si Lelang.

"Ngunit pagdating namin sa lugar, yun din ang nakita namin noong June 13, 2009. Sabi ko, talaga yatang hindi ko na makikita si Maria.

"Pero nang halos sumuko na ako, kung bakit parang naaakit ako sa isang lapida na maliit na hindi ko mabasa ang nakasulat.

“Tinanong ko sa sepulturero kung papaano ko ito mababasa. Kaagad siyang kumuha ng ilang piraso ng dahon na ipinahid niya sa lapida, at sobra po ang naging kilabot ko sapagkat habang ipinapahid ang dahon sa lapida, unti-unting lumabas ang pangalang Maria Carpena Alcantara.

Continue reading below ↓

"Halos isandaang taon, nakita ko ang labi ni Lelang…."

maria carpena

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Noong Marso 8, 2022 ang ika-107 anibersaryo ng kamatayan ni Maria Carpena, ang tinaguriang Nightingale of Zarzuela at kinikilala bilang "first Filipino recording artist."
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results