Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ni KZ Tandingan ngayong naatasan siyang mag-mentor ng aspiring P-Pop stars sa Top Class: The Rise to P-Pop Stardom.
Tinaguriang Soul Supreme, si KZ ang magsisilbing vocal mentor ng mga trainees sa upcoming talent competition ng TV5.
Ito ang unang beses na magiging mentor at coach si KZ, sampung taon matapos niyang manalo sa The X Factor Philippines noong 2012.
"Super excited [and] I'm very happy pero siyempre, may konting kaba," pahayag ni KZ sa press kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grand mediacon ng nasabing show na naganap noong Linggo, June 12, 2022, sa Glorietta Activity Center, Makati City.
Patuloy nito, "Kasi hindi naman ako sanay na talagang, like, nag-i-impart. More on kunyare, nagpapa-critique lang sa akin 'tapos sinasabi ko, 'Ganito iyan...'
"This is the first time na talagang may sit down, parang, explaining everything that I do sa trabaho ko, ganun."
Aminado si KZ na naging challenging para sa kanya ang maging mentor sa unang pagkakataon, lalo't tinitimpla pa niya kung paano ang kanyang magiging atake sa pagtuturo sa mga aspiring P-Pop stars ng Top Class.
Paliwanag ng singing champion, "'Pag ikaw kasi yung nagpe-perform, kung ano yung gusto mong ayusin, napi-pinpoint mo agad, naa-apply mo agad kasi ikaw naman mismo yun, e.
"But if you're trying to teach another person, or more on if you're trying to help another person improve their craft, mas kailangan talaga siya ng patience.
"Mas kailangan ilalagay ko ang sarili ko sa posisyon nila na, 'Kung ako ito, would I appreciate na naturuan ako in a harsh way, o mas ma-a-appreciate ko if tinuruan ako in a different way o ganito?' Parang ganun."
Patuloy niya, "Mas yun yung challenge, e. You have to be really patient. You have to challenge them, at the same time, not make them hate the lesson.
"Kasi di ba, hindi naman puwedeng hindi ka strict kasi hindi sila matututo."
Read also: TV5's Top Class introduces first batch of trainees
KZ TANDINGAN ON TOP CLASS TRAINEES
Nagbahagi naman na si KZ ng kanyang first impression sa 30 trainees ng Top Class.
Sa ngayon, wala pang ideya si KZ tungkol sa husay ng bawat trainee. Ngunit excited na siyang makita ang magiging improvement ng mga ito sa nasabing reality-talent search.
Aniya, "Nakasama ko na sila pero hindi pa ganun na sobrang tagal na, na talagang makikita mo na lahat.
"Andun pa lang kami sa mga lessons, may mga konti pa lang kaming challenges na binibigay sa kanila.
"But I don't think na talagang na-push na sila sa limit nila. So dun ako very excited kasi dalawa lang naman puwedeng mangyari dun, e.
"When you push them to their limits, it's either maggo-grow sila beyond sa kung sino man sila ngayon or magbe-break sila."
Iniiwasan din muna ni KZ ang magkumpara ng mga finalists, lalo't kasisimula lang ng mga ito ng lessons nila kasama siya.
"Mahirap po kasi silang i-compare kasi lalo na sa class ko, it's more on vocal performance.
"Kasi meron din silang other coaches na pag wala kami dun, meron din silang iba't ibang mga klase with their other coaches.
"Kunyare, meron silang vocal coach who works with them for technique. So hand in hand kami dun sa ibang coach.
"Ako yung vocal performance approach, vocal performance application of the technique.
"Parang mga ganun, so yun po yung mangyayari sa amin."
Ayon kay KZ, halos lahat ay marunong naman kumanta. Ngunit nasa 70 percent ng finalists ang masasabi nitong mahusay talagang kumanta.
Pero naniniwala si KZ na hindi dapat panghinaan ng loob ang iba pang contestant.
Paliwanag nito, "As a mentor, I believe na talo ng masipag at matiyaga ang talented na hindi na nagte-train mag-grow."
KZ TANDINGAN ON #PPOPRISE
Samantala, ikinatutuwa naman ni KZ ang biglaang paglaki ng P-Pop sa OPM industry.
Isa sa mga na-a-appreciate ni KZ sa paglaki ng P-Pop ay ang community ng fans na hindi nagbabangayan, bagkus nagsusuportahan.
Aniya, "I'm very happy and proud na literal talagang nangyayari yung #PPopRise na hashtag na hindi siya... Ang dami-daming mga P-Pop groups na ngayon, nagsisilabasan.
"But I never feel like there's competition... competition na pinagsasabong-sabong."
Para kay KZ, malaki ang naiambag ng five-member group na SB19 na kinabibilangan nina Stell, Pablo, Ken, Josh, at Justin sa pag-usbong ng P-Pop sa bansa.
Umaasa itong tuluy-tuloy na ang pag-angat ng P-Pop hindi lang sa bansa kundi maging sa international scene.
"'Pag nakikita mo kunyare, like, the OGs, yung pinaka-nag play ng foundation sa P-Pop, talaga naman SB19, di ba?
"Despite their stature, like who they are already in P-Pop, makikita mo talaga sa kanila how appreciative they are of the new P-Pop groups.
"And yung attitude na yun ay ginagaya din ng mga P-Pop groups sa kanila.
"So they are setting a very good example na ang nangyayari, yung ibang P-Pop groups nagko-cover ng kanta ng ibang P-Pop groups, parang ganun.
"So literal na ini-imbibe talaga nila yung, 'When the tide rises, it lifts all boats.' Kaya talagang literal na nagra-rise ang P-Pop."
Mapapanood ang Top Class sa TV5 tuwing Sabado, 5 p.m., simula June 18, 2022.
READ MORE: