Makasaysayan ang matagumpay na four-hour Eraserheads reunion concert na may titulong #HulingElBimbo2022.
Ang Eraserheads ay binubuo nina Ely Buendia, Buddy Zabala, Marcus Adoro, at Raimund Marasigan.
Libu-libong fans ang dumagsa sa SMDC Festival Concert Grounds para mapanood ang Eraserheads, Huwebes ng gabi, December 22, 2022.
Wala pang official headcount ng crowd pero tila higit pa sa inaasahang 50,000 fans ang naki-jam sa four-piece band.
Mayroon ding guest performers at 18-piece orchestra na pinangunahan ng musical director na si Mel Villena.
Hindi nagpahuli ang mga artistang naispatan sa concert, at tulad ng ibang fans ay todo sa pagsabay sa kantahan ng Eraserheads.
Una na rito ang It's Showtime host na si Vice Ganda kasama ng partner na si Ion Perez.
Sa Instagram Stories ni Vice, makikitang todo-bigay siya sa pagkanta ng Eraserheads hit songs na "Torpedo" at "Ligaya."
Na-flash din si Vice sa big LED screens nang mahagip siya ng camera sa show.
Namataan din sa moshpit area ang magkasintahang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, o kilala sa uniname na KathNiel.
Hindi pa man nagbahagi ng litrato ang couple, hindi nakaligtas sa fans ang pag-attend nila sa concert.
Sweet ang KathNiel habang umiindak at nakikikanta sila sa rendition ng Eraserheads ng "Maling Akala."
Ang Kapuso actress na si Beauty Gonzalez ay namataan din sa concert.
Ang The Flower Sisters co-star ni Beauty na si Aiko Melendez ang nag-post ng concert photo ni Beauty.
Nagpasalamat si Aiko dahil niregaluhan daw ni Beauty ang dalawang anak niya ng tickets para sa reunion concert ng Eraserheads.
Kasama nga ni Beauty sina Andrei Yllana at Marthena Jickain sa litrato.
Isa pang nahagip ng camera sa show ay ang married couple na sina Karylle at Yael Yuzon.
Huli si Karylle na bigay-todo sa pagkanta ng "Pare Ko."
Sa Instagram Stories ni Karylle, makikitang may picture siya nang balikan niya ang ticket na naiwan niya kaya na-late raw sila ni Yael.
Makikitang may picture rin si Karylle kasama ng Eraserheads reunion concert director na si Paolo Valenciano.
Naalala pa ni Karylle na sa dating concert ay kasama rin niya ang It's Showtime co-host na si Jugs Jugueta.
Date night din para sa mag-asawang Bianca Gonzalez at JC Intal.
Tulad ng ibang concertgoers, nabighani si Bianca sa visuals, lighting, at stage design ng Eraserheads reunion concert.
Sa gitna ng stage ay may three-dimensional giant letter "E" na may ilaw sa loob at nag-iiba ng angle kada ilang kanta.
Nag-iiba rin ito ng "skin" na hango sa iba-ibang hayop na lalong nagpatingkad sa stage.
Konsepto ito ng director na si Paolo Valenciano at in-execute ng set designer na si Enzo Pizarro.
Kasama rin nina Bianca at JC ang newly engaged couple na sina Robi Domingo at Maiqui Pineda.
Kasama naman ni Sofia Andres ang kanyang ama sa concert. Ito raw ang nag-impluwensiya sa kanya sa pakikinig sa Eraserheads noong bata pa lang siya.
Isa pang Kapamilya star na spotted sa Eraserheads reunion concert ay si Jake Ejercito na nakasuot pa ng Eraserheads shirt.
Eksaktong 8:30 p.m. nagsimula ang show, at eksaktong 12 m.n. ito natapos.
Sinabayan ng bonggang five-minute fireworks display ang finale song na "Huling El Bimbo."
Halatang natuto ang concert organizers sa mga nagdaang concert sa SMDC Festival Grounds.
Dahil malayo ang entrance sa parking lot, may signages na nagsilbing guide para sa Eraserheads fans hindi lang mismo sa perimeter ng venue kundi pati na sa ibang kalapit na parking areas.
Maayos din ang daloy ng taong pumasok sa tatlong gate na binuksan para sa event.
Noong uwian na, may isang oras din inabot ang ibang concertgoers na naglakad palabas ng venue papuntang parking at public transportation areas dahil sa dami ng taong dumalo sa show.
Pero may mga marshals na ring nakaalalay at nagbibigay ng direksyon sa mga tao kung saan dapat dumaan.
Ang Eraserheads #HulingElBimbo2022 reunion concert ay iprinodyus ng WEU Event Management Services, Ant Savvy Creatives, at Entertainment Inc. kasama rin ng DVent Productions at Myriad Entertainment Corporation.
Ilan sa sponsors nito ay ang all-in-one banking app na Maya (dating Paymaya), Smart, at PLDT.