Kabilang ang Tawag ng Tanghalan Season 3 finalist ng It’s Showtime na si Julius Cawaling sa mga nakaranas ng malupit na hagupit ng pandemya.
Papalaot na sana ang grupo nila nina Mark Michael Garcia, Jek de Castro at Sofriono Vasquez bilang TNT F4 (final 4) nang biglang nagka-pandemya noong March 2020.
Pagkatapos ay nawalan ng franchise ang ABS-CBN, kaya kinailangang magbawas ng tao.
Bungad ni Julius, “Pero hindi naman ako natanggal. Kaya lang nagbawas po sila ng talents. Hanggang sa nag-expire na ang kontrata ko.
“Actually, parang two months before matapos ang kontrata ko noong 2022 nagpa-ano, nagpa-release na ako.
“Kasi nga po, parang survival of the fittest yun, e. Siyempre kailangan mong mabuhay kaya ang hirap magpaalam.
“Tanong ko noon, ‘Babalik pa ba sa normal ang lahat?’
“E, nagkaroon na ako ng opportunity na makapag-produce ng single sa RJA [Productions]. So, nag-isip po ako.
“Hanggang sa nagpaalam naman po ako nang maayos."
Nagsimulang kumanta si Julius bilang band vocalist sa iba’t ibang bansa for 20 years.
JULIUS THANKFUL FOR TAWAG NG TANGHALAN STINT
Very fulfilling daw ang pagkapasok niya sa Tawag ng Tanghalan.
Lahad niya, “Kung maaalaala ko yung time na yun, sobrang fulfilling. Then, nung December, nagkaroon po ng All-Star Grand Resbak. Yung Season 1 to 3, yung finalists, mga celebrities ang naglaban-laban.
“And sobramg sinuwerte, pumasok tayo sa final four. ‘Tapos, nung season three namam nag-top seven. Si Ethel [Booba] po ang nanalo,”
Ayon pa kay Julius, bago nagkaroon ng celebrity grand resbak, meron munang TNT celebrity.
“’Tapos, nagkaroon po ng all-star grand resbak. From season 1 to 3, nag-grand finalist, mag-semis, bukod sa Top Six, saka yung mga celebrities naglaban-laban.
"Kaya po All-Star Grand Resbak ang tawag nila. Umabot po ako hanggang final four. Yun na po ang pinaka-final."
Sina Roxanne Barcelo, Marlo Mortel, and si Matmat ang ilan sa mga sumali sa Celebrity Grand Resbak.
Kuwento pa ni Julius, "Out of 62 or 64 ata, apat lang ang dapat matira. Ang laking accomplishment na po iyan. Actually, yun po ang highlight.”
Pagkatapos ng grand finals ay left and right ang shows ni Julius with TNT F4 hanggang sa dumating na nga ang pandemya.
Aniya, “Bago mag-pandemic, naka-push na po yung grupo namin na F4 ng It’s Showtime. Parang may mga US tour na, mag-a-ASAP na.
"‘Tapos, kapag gini-guest na kami sa It’s Showtime, talagang TNT F4 ang pakilala sa amin.”
JULIUS RELEASES NEW SINGLE
Last April 14, Friday, ini-release ang pinakabagong awitin ni Julius under RJA Productions LLC, ang “Babalikan,” na kinompose ni Kiko Salazar.
Ang “Babalikan” ang ikatlong single ni Julius sa RJA Productions LLC.
Ang debut single niya ay ang “Ikaw Pa Rin” na may mahigit 100K streams sa Spotify. At ang ikalawang single niya ay ang “Tuwing Pasko Lang.”
Ano ang gusto niyang ma-achieve sa bago niyang single?
“Ay, naku po!” bulalas niya. “Lagi ko po talaga siyang pinapanalangin na maging soundtrack siya ng teleserye. Or kahit BL series or movie.”
Kung meron man siyang babalikan, sino o ano ito?
“Kung may babalikan ako, yung dating ako. Yung hindi ka nag-iisip ng mga bills. Yung bata ka na kahit ilang oras ka manood ng TV. Kasi wala ka namang binabayarang bils.
“And gusto kong balikan yung bago siya nag-pandemic. Gusto ko siyang balikan.
“Hindi naman ako nagre-regret. Nagpapasalamat pa rin ako kasi marami ring magandang nangyari.
"Ang gusto ko lang balikan ay kung ano kayang nangyari, kung hindi nagkaroon ng pandemic, sa nga naka-line-up sa amin (as TNT talents).”