Nagbabalik ang Pinoy hip-hop rap band na Crazy as Pinoy, na nagsimula sa "RapPublic of the Philippines" contest ng Eat Bulaga! noong taong 2000.
Ang original name ng banda ay Triangulo, at mentor nila ang yumaong Master Rapper na si Francis Magalona nang manalo sila sa Eat Bulaga!.
Sina Lordivino Ignacio, Muriel Anne Jamito, at Jeffrey Pilien ay piniling makilala sa kanilang screen names bilang sina Bassilyo, Sisa, at Crispin, respectively. Ang screen names nila ay hango sa nobela ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal, ang Noli Me Tangere.
Ilan sa hit songs nila ay ang “Panaginip,” “Huwad,” “Crazy Dance,” at “Lord Patawad."
Matagal din silang hindi napanood at narinig na magkakasama, hanggang sa muli silang ni-launch bilang rap band sa BLVCK Creative Studio noong May 16, 2023.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ng grupo na tiyempo namang naisabay ang pagbabalik nila sa pag-ariba ng hit Kapuso prime-time series na Maria Clara at Ibarra sa Netflix.
Tulad ng renewed appreciation ng viewers sa mga karakter ng Noli Me Tangere na sina Basilio, Sisa, at Crispin na napanood sa Maria Clara at Ibarra, umaasa ang Crazy As Pinoy members na magustuhan muli ang kanilang brand of music.
Ang goal nila ay gumawa ng mga bagong kanta na tatak-Pinoy pero kayang makipagsabayan sa kung ano ang trend ngayon.
"Grabe po yon!" mabilis na sagot ni Sisa patungkol sa Maria Clara at Ibarra.
Dagdag niya, "Sobra po, hindi rin namin in-expect na naging matunog ang pangalan ni Maria Clara, Sisa.
"Nag-usap-usap kami na, 'Kuya, ano ba to? Calling na ba to?' Parang tinatawag kami, parang senyales po na dapat na talaga kaming bumalik sa mainstream."
Ayon kay Crispin, hindi naman sila talaga na-disband noon kundi nag-lie-low lang sa music scene.
Saad niya, "Buo na po talaga kami. Nagpaplano kami last November na ibalik namin ang ginagawa namin na kumpleto kaming tatlo.
"Tapos, yun nga, natawag din kami dito sa BLVCK.
"Unang tinawag si Bassilyo, kinausap siya ni Sisa, yun na, napunta na kaming tatlo rito. Nag-usap na rin.
"Akala ni Engineer Louie is si Sisa lang ang kumakanta. Tapos, ibinigay niya na may grupo siya. Yun na, pinatawag kami at napasok na kami sa BLVCK label.”
Excited din si Sisa na makabalik sila sa OPM scene.
“Last year po, noong magkakasama po kami, nagplano po kaming lahat na makabalik muli sa industriya, hindi naman po kami nagkahiwa-hiwalay.
"Nagkaroon lang po kami ng kanya-kanyang ginagawa, pero still, ang Crazy as Pinoy ay buo pa rin," sabi ni Sisa.
Biro pa niya, "Nangyari lang po na si Bassilyo, na-busy sa kanyang acting career, artista na,” biro pa niya.
Si Bassilyo ay bahagi ng FPJ's Batang Quiapo, ang ongoing prime-time series sa Kapamilya Channel.
- Moira dela Torre’s sister takes a swipe at Jason Hernandez; Jason reacts
- Eat Bulaga!, bubulaga na sa TV5 ngayong 2023?
- Coco Martin and Julia Montes reel-to-real romance: A timeline
ON HOW CRAZY AS PINOY JOINED BLVCK ENTERTAINMENT
Si Sisa ay isa sa artists sa ilalim ng talent management company na BLVCK Entertainment, na pag-aari ng mag-asawang Grace at Louie Cristobal. Dati nang naiulat na ang managing partner ng kumpanya ay si Bobet Vidanes.
Read: Bobet Vidanes no ill will with It's Showtime hosts: "Wala naman akong kaaway na artists."
Kuwento ni Sisa: "Nong ako po ay magtrabaho sa BLVCK Entertainment, parte rin po kasi ako ng BLVCK Entertainment, dun po nag-start na nagkaroon kami ng agony.
"Bakit ako nagtrabaho, kasi may mga plan na kaming bumalik. Nong time na yon, nagkakaroon ng struggle kung paano namin itutuloy. Kasi, alam naman po natin na lahat ng galaw ngayon ay may bayad na.
"Magpapagawa ka ng beat, kailangan may pera ka. Lahat ng gagawin mo, kailangan meron kang pondo.
"Medyo ganun kami nang konti, medyo nag-alangan kami. Lalo na po si Bassilyo kasi siya po ang nagpi-finance sa amin."
Naisip daw ni Sisa na ayaw niyang "masagasaan" ang isa pang bandang kinabibilangan niya.
“And then, ilang beses po ako tinatanong ni Sir Louie, ano ang plano ko, anong kanta ang gusto kong gawin.
"Sabi ko na lang po kay Sir Louie noon at Ma’am Grace, 'Kausapin niyo po si Bassilyo.'
"Pero, hindi ko po sinasabi na, 'Baka puwede niyo po kaming hawakan, kasi medyo struggling kami.'"
Hanggang sa nagkasundo sila na ang BLVCK Entertainment na ang magma-manage ng Crazy As Pinoy.
Ang reunion performance nila ng "Pangarap" sa Wish 107.5 ang nagpatibay ng plano nilang magbalik. Mayroon na itong 21 million views sa YouTube simula nang mailunsad ito noong Pebrero 2023.
Ito ang inspirasyon ng kanta nilang "Panaginip 2023," na may bagong areglo, sa ilalim ng BLVCK Music.
ON FAMOUS OPM BANDS
Sa pagbabalik nila sa OPM scene, maraming mga bagong banda ang namamayagpag tulad ng Ben&Ben.
Aktibo pa rin ang mga sikat na OPM bands tulad ng Parokya Ni Edgar at kamakailan ay nag-reunion pa ang Eraserheads.
Bilib din daw ang Crazy As Pinoy sa mga ito.
Sabi ni Bassilyo, “Natutuwa po ako, sa totoo lang, kasi yung mga kanta nila magaganda.
"Ibig sabihin, yung mga ginagawa nila, kahit ako na lyricist, natututo ako sa mga ginagawa nila, napapahanga pa rin ako.
"Ang ganda ng music nila at ibinabalik din nila yung luma."
Naniniwala si Bassilyo na mahalaga ang pagprodyus ng dekalidad na mga kanta para mas makaengganyo ng audience.
"Pero yung mga Pinoy kasi dati, gusto nila kapag ibang bansa, yun ang tinatangkilik nila.
"Mga Filipino tayo, dapat yung musika natin ang tinatangkilik natin. Kaya ako natutuwa sa mga banda, napakagagaling nila.
"At ito po ang gusto ko rin sabihin, ang OPM songs, buhay na buhay po sa kanila. Yun po ang ipinagpapasalamat ko."
May mga "hugot song" na rin ang Crazy As Pinoy noong nakilala sila bilang Trianggulo.
Pero hindi rin naman daw sila iyong tipong magmamalaki na sila ang nauna sa ganoong estilo.
"Hindi po, wala po kaming ganong kaisipan," sabi ni Sisa.
"Ang nasa isip po namin, kung nakikita po namin na magaganda ang kinalalabasan ng mga songs nila, kami, we love competition.
"Kaming grupo, parang nailalabas namin ang aming galing or creativity kapag may naririnig kaming magagandang musika.
"So for me, it’s a healthy competition na mangyayari and excited po ako na marinig niyo ang mga songs namin."