Viva head honcho looks back on record-breaking artists and formula behind their success

Vic del Rosario of Viva is the recipient of Lifetime Achievement Award at the 8th Star Awards for Music.



Gaganapin ngayong gabi, October 23, Sunday, 6 PM, ang Star for M-TV Awards (8th Star Awards for Music Pays Tribute to the 30th Star Awards for Television) sa Novotel, Araneta Center, Cubao, Quezon City.
 
Para sa Music Awards ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na nasa ika-walong taon na, gagawaran ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award ang veteran record producer ng Vicor at Viva Records na si Boss Vic del Rosario Jr., at kinumpirma ng kampo nito ang kanyang attendance.
 
Ang nasabing lifetime honor ay ginagawad ng samahan ng mga manunulat sa successful record producer, composer, o musical arranger na nakapag-ambag ng mga natatanging kontribusyon sa local music industry.
 
Kabilang sa past recipients ng Parangal Levi Celerio sina Ryan Cayabyab, Ogie Alcasid, at iba pa.
 
Meron ring Pilita Corrales Lifetime Achievement Award, ngunit ito naman ay para sa singers na may remarkable achievements rin.
 
Ngayong taon (2016), sa botohan at deliberation ng PMPC voting members para sa Parangal Levi Celerio awardee, nagkaisa ang grupong panahon na upang igawad ang nasabing highest form or recognition kay Boss Vic -- isa sa founders ng Vicor Records at ang ama ng Viva Records – na kapwa tumagal sa Philippine music industry nang mahabang panahon.

Sa larangan ng musikang Pinoy, hindi matatawaran ang contributions and achievements ni Boss Vic – noon pa man at hanggang ngayon -- bilang isang matagumpay na record producer.
 
Tunay na minahal ng publiko ang napakaraming hit songs na nilikha ng Vicor Records and Viva Records, naging bahagi na ang mga ito ng ating buhay at nagmarka ang mga awiting ito sa ating mga puso’t diwa.
 
Anong taon at paano nga ba nagsimula ang pagtatayo ng Viva Records at Vicor Records? Sinu-sino ang co-founders ni Boss Vic sa bawat isang recording company na nabanggit?
 
Sa email interview ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kay Boss Vic, nalaman nating ang Vicor Records ay itinayo noong 1966 pa, kung kaya’t nagdiriwang ito ngayon ng ika-limampung taon sa industriya.  Si Boss Vic at Orly Ilacad ang founding members ng Vicor Records.
 
Samantalang ang Viva Records ay solo niyang itinatag noong 1982, making it 34 years in the industry – and counting – at patuloy na aktibo sa pagpo-produce ng albums para sa sambayanan.
 
Sa ngayon, si Boss Vic ang CEO ng Vicor at Viva Records, samantalang si Orly Ilacad naman ay meron na ring sariling record company.
 
Ang Vicor at Viva Records ay bahagi ng Viva Group of Companies na kilala rin sa kanilang mga pelikula, artist management, singers, events, etc.

Sa pagsisimulang ng Viva Records at Vicor Records, anu-anong mga problema o pagsubok ang dinaanan ng mga kompanya at papaano ito hinarap ni Boss Vic?
 
“Kagaya ng kahit anong negosyo, ang mga problemang hinarap ng Viva Records at Vicor Records ay kung paano makakakuha ng mga magagaling na artists, composers, arrangers at kung papaano ito mapo-promote at makarating sa mga music outlets sa buong mundo,” pahayag ni Boss Vic.
 
Ang mga pagsubok na ‘yon ay nagsilbing mga “challenge” sa dalawang sikat na music companies noong nagsisimula ang mga ito, ngunit hindi sumuko si Boss Vic upang ipagpatuloy ang kanyang “vision” at pangarap para sa music industry, at para sa mga Pinoy saan man sa mundo.
 
Nagpatuloy siyang maging matatag, matiyaga, masipag mag-aral ng gusto o pulso ng masa, hanggang sa nalagpasan niya ang mga pagsubok na ito.
 
Anu-ano ang mga Top 5 all-time record breaking sales sa dalawang companies at gaano ito kalakas o ka-init na tinanggap ng publiko?
 
Ani Boss Vic, ang mga record-breaking sales ng Viva at Vicor Records – through the years – ay ang mga unforgettable albums ng pillars of music industry tulad nina Pilita Corrales, Regine Velasquez, Victor Wood, Jaya, Sharon Cuneta, Zsa Zsa Padilla, Freddie Aguilar, Ogie Alcasid, Rico J. Puno, at siyempre pa, ang current superstar nilang si Sarah Geronimo.
 
Sinu-sino ang mga unang naging recording artists ng Viva at Vicor Records?
 
“Sa Vicor Records ay sina Orly Ilacad, Jeanne Young, Helen Gamboa, Norma Ledesma, Victor Wood.
 
“Sa Viva Records naman ay sina Regine Velasquez, Jaya, Zsa Zsa Padilla, at
Sharon Cuneta.”
 
Bilang isang record producer na tumagal nang ilang taon sa music industry, anu-ano ang mga nalaman niyang mga katotohanan sa pagkakaroon ng business na ganito sa Pilipinas?
 
“Kaiba sa mga ibang industriya, ang takbo ng music business ay pabagu-bago.
 
“Nandiyan ang panahon na nauso ang ballads, kung minsan ay dance music, kung minsan ay novelty songs.
 
“Ang mga record producers ay kailangang merong pulso ng kagustuhan ng mga music patrons,” lahad ni Boss Vic.

Kumusta ang naging panlasa ng Pinoy music lovers sa pagsuporta sa dalawang recording companies niya through the years?
 
“Sa kabuuan, ang Viva Records at Vicor Records ay nanguna sa pagsuporta at pag-promote ng Original Pilipino Music.
 
“Ang mga ito [OPM albums] ay tinanggap naman ng mga music lovers at katunayan, ang mga Recording Artists at kanilang mga kanta ay malugod na tinangkilik ng mga Pilipino.
 
“Hanggang ngayon ay patuloy itong tinatangkilik ng mga music lovers.” pahayag ng veteran record producer.
 
Meron ba siyang personal favorites na albums (or singers) na prinodyus ng bawat companies niya?
 
“All the songs and albums that I produced over the years are my favorites,” sagot niya.
 
Sa loob ng mahabang taong pamamayagpag ng Viva at Vicor Records, hindi biro ang dugo’t pawis na pinuhunan niya, sampu ng marami niyang mga empleyado at mganatulungang singers, composers, arrangers, at iba pa.
 
Upang magtagal sa music industry, ano ang personal na mensahe ng isang Boss Vic sa mga mas bagong record producers?

“Alamin ang panlasa ng music market.  Ito ay pabagu-bago,” ani Boss Vic.
 
 “Ang tagumpay ng isang production ay dumedepende sa recording artists, sa composition, sa arrangers, sa musicians, sa promotion, at sa distribution,” dagdag pa niya.
 
Nakapagpasikat si Boss Vic ng mga tulad nina Sharon Cuneta at Sarah Geronimo – two outstanding superstars of their generation – pero hindi raw dapat na maging kampante ka na lang porke sikat ang singers ng kumpanya ninyo.
 
“Ang success ng isang production ay dumedepende sa kumbinasyon ng lahat ng nabanggit ko kanina.  Hindi puwedeng wala ang isa sa mga elements na ‘yon.  Kundi ay may kulang, may hahanapin.
 
“Hindi porke dahil magaling ang artist ay magiging matagumpay na ang recording company.  Kung wala ang mga elementong una kong nabanggit, mahirap magtagumpay,” makabuluhang pagtatapos ni Boss Vic.






ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN