Concert producer Joed Serrano explains why he won't do K-Pop: "Naku, sakit ng ulo!"

IMAGE Courtesy of RK Villacorta

Joed Serrano on producing the concert of newbie singer L.A. Santos: "Noong una nga akala ko lipsynch, e. Nung nakita ko yung bata, okey. Nandun yung passion, gustung-gusto. Sabi ko, 'Why not?'"


Matapos sumugal bilang concert producer si Joed Serrano kina Vice Ganda at kay Alex Gonzaga, sa kanilang kauna-unahang concerts, isa uling newbie sa music industry ang susugalan niya. 

Ito ay ang tinaguriang Pop Idol na si L.A. Santos, na nakilala sa mga awitin at music videos na “Titibok-Tibok” at “Tinamaan.”

Si Joed ang producer ng concert nito sa Music Museum ngayong April 30 na pinamagatang L.A. Santos #Petmalu.

Si Boy Abunda raw ang nag-endorso na bigyan ni Joed ng pagkakataon ang young singer.

Kuwento niya, “Tito Boy Abunda told me about him, ‘Check L.A., check this kid.’ 

“Noong una kong nakita yung 'Tinamaan,' bubbly… when I saw “Titibok-Tibok,” tignan niyo na lang rin, yun ang nag-convince sa akin.

“Noong una nga akala ko lipsynch, e. Nung nakita ko yung bata, okey.

“Nandun yung passion, gustung-gusto. Sabi ko, ‘Why not?’”

Pero may kaakibat na tsismis at malisya ang pagkakaroon ni Joed ng interes sa karera ni L.A.

Bago magpaliwanang ay binuksan ni Joed ang kanyang phone at ipinakita ang larawan ng isang guwapong lalaking karelasyon niya ngayon.

“Ito yung sagot,” pagpapatunay nito na imposibleng ma-link siya kay L.A.

“Ito ang kasama ko sa buhay ngayon.”

Pagmamalaki pa niya, “Saka faithful naman… six years na kami. 

"He’s a businessman, negosyo… he’s 28 now.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joed sa presscon ng concert ni L.A. na ginanap sa Max’s Restaurant sa Quezon City, noong April 24.

NO TO K-POP. Si Joed ay nakilala sa popular youth-oriented variety show ni German Moreno na That’s Entertainment (1986-1996).

Lumabas din siya sa mga pelikula hanggang sa mapasok sa pagpu-produce ng concert local at international artist.

Ilan sa mga nadala na ni Joed sa Pilipinas ay sina James Ingram, Pentatonix, Boyzone, Michael Learns To Rock, Snow Patrol, Stylistics, at iba pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinanong ng PEP.ph kay Joed kung bakit hindi siya nagkainteres na magdala ng K-Pop artist?

Mabilis nyang sagot, “Hindi ako naku-convince kasi siguro dahil wala akong hilig.

“May mga nagsasabi K-Pop daw, pero si Psy, K-Pop yun... naku, sakit ng ulo, prima donna yun, e!

“Pinaghintay niya kami ng four hours for the picture-taking, ’tapos si Korina Sanchez pinaghintay niya ng two hours for the interview.”

Diin pa ni Joed, “Hindi ko rin hilig.”

CELINE DION CONCERT. Ang tiniyak ni Joed ay ang pagdating sa Pilipinas ni Celine Dion para mag-concert ngayong July 19 at 20.

Nakansela ang dapat sana’y unang concert ng multi-awarded singer-entertainer sa Pinas dahil nagkasakit ang kanyang asawa na pumanaw na.

Si Celine ang nagpasikat ng awiting “My Heart Will Go On,” ang theme ng Hollywood movie na Titanic.

Pahayag pa ni Joed, “Oh my God, mahal! Ang ticket nga natin, thirty-five thousand [pesos] ang isa. 

“Yung kay Madonna mas mahal, oo, because… yung production. Kung talent fee rin lang naman, halos parehas lang sila. “

TAX WOES. Ang pangamba lang ni Joed bilang producer ay ang planong gawing doble o triple ang ipapatong na tax sa foreign concerts.

Panalangin niya, “Huwag naman, ngayon pa nga lang sakit sa ulo, e, hindi na lang namin yun iniinda.

“Dahil pakiramdam namin, wala naman kaming choice, kailangan mo naman talagang magbayad ng tax.

"Sa totoo, masakit na rin talaga."

Hinaing naman ng Pinoy concert artists na mas pinapaboran daw ng maraming Pinoy concertgoers ang foreign shows kahit na umaabot sa P30,000 hanggang P50,000 ang halaga ng tickets.

Komento ni Joed, “Sa tingin ko, hindi naman mamatay yung concert industry, yung pagtangkilik ng tao.

“Like yung kay Sarah Geronimo, punung-puno.

"We’re looking for three tickets, bumibili ako, wala akong mahanap.

“Si Regine Velasquez pag nagku-concert, putok talaga.

"Siguro ano lang, tamang proyekto, walang magsa-suffer.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ni Celine, may mga pinagpipilian na si Joed para sa susunod niyang production para sa mga foreign artist.

“We’re eyeing Barry Manilow, Charlie Puth… ewan ko, si Janet Jackson, ano sa palagay niyo?

“Minsan tinatanong ko si L.A., yung mga millennials, kung sino ang sikat, yun ang kumikita e.”

Milyong dolyares ang puhunan sa pagpu-produce ng foreign concerts, saan kumukuha si Joed ng resources?

Tugon niya, “We have group of people, tinatanong ko sila, ‘Oh, ikaw, pasok ka?’ 

“Pag hindi nila feel, sige, yung iba. Tatlo lang kami, ika-apat ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN