TNT season 2 grand champion Janine Berdin says OPM rock hit "Nosi Ba Lasi" is her personal anthem

IMAGE Glen Sibonga

Tawag ng Tanghalan season 2 grand champion Janine Berdin explains why she strongly identifies with the OPM rock hit, "Nosi Ba Lasi": "Marami pong nagsabi sa akin na hindi ko kaya kasi hindi po ako nakakabirit masyado, hindi po malinis ang boses. Kaya sino nga ba sila para sabihin sa akin iyon?"


Gustong ialay ni Janine Berdin sa kanyang maysakit na lola ang pagkapanalo niya sa second season ng "Tawag ng Tanghalan" sa ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.

Ang 16-year old na si Janine ng Cebu ang itinanghal na grand champion.

Samantala, second placer naman si Ato Arman ng Bukidnon; third placer si Steven Paysu ng California, USA; at runner-ups sina Anton Antenor Cruz ng Parañaque, Arabelle Dela Cruz ng Calamba, Laguna, at Reggie Tortugo ng Ormoc, Leyte.

“Siyempre po sa lola ko, isa po siya sa reasons po kaya sumali ako dito.

“Kaya sana po Lola nakita niyo kanina at naging proud po kayo,” sabi ni Janine.

Ang lola rin niya ang kanyang unang binanggit na paglalaanan niya ng nakuha niyang premyong PHP 2 million cash na tax-free.

Saad niya, “Unang-una po sa lahat, isa po sa main reasons kung bakit ako sumali rito ay para matulungan po yung lola ko, na recently po ay na-stroke po siya.

“At kailangan niya pong magpa-dialysis two times a week dahil po side effect ng chemotherapy.

“Cancer survivor po kasi siya.

“Ang main goal ko po ay tulungan ko po siya, 'tapos siyempre po tulungan po yung mga kapatid ko na makatapos ng pag-aaral.

“At ise-share ko rin po yung blessings ko sa mga taong nangangailangan.”

Bukod sa premyong two million cash prize mula sa Nescafe, iniuwi rin ni Janine ang iba pang prizes na kinabibilangan ng house and lot mula sa Camella, negosyo package mula sa Siomai House, music package mula sa JB Music, vacation package mula sa 2GO, premium TV set mula sa HK TV, special trophy, management contract mula sa ABS-CBN at recording contract sa Star Music.

Na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janine pagkatapos ng grand finals ng "Tawag ng Tanghalan" ng It’s Showtime na ginanap noong Sabado, June 2, sa Aliw Theater.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos niyang manalo, ano ang unang-unang gagawin ni Janine?

Natatawa niyang lahad, “Kakain po ako ng ice cream!

“Promise po, kasi po dalawang buwan na akong hindi kumakain ng ice cream.

“At siyempre pupunta po ako ng church pagkatapos, kasi kahit anong galing po... yung tingin ng mga tao sa akin, hindi ko po ito maaabot kung wala po ang Panginoon.

“Thank you po Lord, thank you Jesus.”

Handa na ba siya dahil magiging busy na ang schedule niya?

Pag-amin niya, “Hindi pa po, hindi pa nga po ako makapaniwala na nanalo ako, e.

“Pero kung ano man ang darating sa akin na mga blessing, of course, tatanggapin ko po wholeheartedly at ise-share ko po sa ibang tao.”

BAGONG TUNOG NG OPM. Ano ang reaksyon niya sa komento sa kanya ng isa sa mga hurado na si Yeng Constantino na siya na raw ang bagong tunog ng OPM?

Aniya, “Siyempre po nakaka-overwhelm po, kasi yun din po ang dream ko na gumawa ng sariling music ko.

“Galing sa isang very honored na musical icon at idol ko po na si Ate Yeng, sobrang humbling po.

“At saka sana nga po makakapagpalabas din ako ng mga music na magiging timeless din parehas ng mga idol ko like ang Eraserheads na timeless po ang music nila.

“Sana din po ganundin po ang mararating ko.”

Ang kantang “With A Smile” ng Eraserheads ang naging daan upang kaagad na makapasok si Janine sa grand finals nang manguna siya sa unang round ng botohan para sa 12 grand finalists at mapabilang sa Top 6 na nagharap-harap sa "Tawag ng Tanghalan" Ang Huling Tapatan.

Naging strategy ba niya na piliin ang OPM songs bilang panlaban niya?

Simula kasi ng semi-finals hanggang grand finals ay puro OPM songs na ang kinanta niya.

Paliwanag niya, “Ako, hindi po, kasi yung pinipili ko pong kanta kung ano yung nasa puso ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi po iyan kung English o Tagalog.

“Kung ano yung musikang gusto kong ipalabas sa mga tao, iyon po ang pinipili.”

Ang OPM rock song na “Nosi Ba Lasi” ni Sampaguita at medley ng mga kanta ni Bambo naman ang ipinanlaban niya sa grand finals.

Bakit pinili niyang maging matapang sa kanyang song choices, na hindi kadalasang ginagamit sa singing contests?

Esplika niya, “Para sa akin po, hindi ko po sinasadya na rock songs.

“Yung meaning po kasi ng 'Nosi Ba Lasi,' iyon po kasi ang gusto kong ipalabas sa mga tao bilang journey song ko.

“Kasi ito po yung life ko na marami pong nagsabi sa akin na hindi ko kaya kasi hindi po ako nakakabirit masyado, hindi po malinis ang boses.

“Kaya sino nga ba sila para sabihin sa akin iyon?

“E, ngayon nakaabot na po ako sa pangarap ko kaya hindi ko na sila papansinin.”

Bakit naman medley ni Bamboo?

“Isa po siya sa mga idol ko like Rivermaya, Eraserheads, iyon po, yung mga OPM icons,” pahabol niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN