Ikatlo at huling beses na raw talaga ni Anne Curtis na magku-concert sa Araneta Coliseum sa pamamagitan ng kanyang Anne Kulit: Promise Last Na ‘To! concert na itatanghal sa August 18.
Para sa isang non-singer, maituturing na major accomplishment ang nagawa ni Anne na magkaroon ng sold-out concert nang dalawang beses sa Araneta, bukod pa sa mga platinum albums niya.
Pero sa pagkakataong ito, si Anne na mismo ang nagsasabing “last na ‘to.”
Natatawang sabi niya, “I feel na okay na yun, ipapahinga ko na ang concert scene.
“Actually, it wasn’t my idea.
“It was Boss Vic’s [del Rosario, Anne's manager] idea.
"Gusto niya talagang mag-concert ako to celebrate my 21st anniversary.
“Pinag-isipan ko. Keri ko pa ba?
“E, gusto nila. So sabi ko, 'Sige!'
“I’m a game person naman.
“Nagkataon lang talaga na sunud-sunod ang schedules.
“Dun lang talaga ako nahihirapan.
“Okay lang, laban. Celebrating my 21 years!”
Tinanong ni Anne ang sarili niya kung keri niya pa ba, keri niya pa nga?
“Kakayanin ko,” saad niya.
“Yung BuyBust nga kinaya ko, ‘eto pa ba?
“Feeling ko, this would be so much fun.
“Galing lang ako sa voice lesson kay Miss Kitchie [Molina] and sabi niya, ang laki raw ng improvement ko from 2012.”
BIGGER, BETTER SHOW
Sinigurado ni Anne na ang Anne Kulit: Promise, Last Na ‘To! concert niya ngayon ay mas matatapatan o mahihigitan pa raw ang mga naging pasabog niya sa huling concert niya sa Araneta Coliseum noong 2014 na Anne Kapal: The Forbidden Concert.
“Matatapatan yun, for sure,” paninigurado niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng concert niya na ginanap sa B Hotel sa Quezon City ilang araw na ang nakararaan.
“I know this concert would be visually pleasing to the eyes, entertaining to the eyes.
“Yung costumes ko pa nga yata, mas mahal pa sa concert mismo,” natawang sabi niya.
Dugtong pa ni Anne, “I have designers na gumagawa ng costumes for Arianna Grande, di ba? Fashion!
“It has always been na parang fashion show ang aking mga concerts.”
May pagka-Broadway raw ang ikatlo at huling concert niya.
Lahad niya, “Kahit papaano, nag-improve na ang boses ko from 2014, yung last concert ko.
“It’s a little bit more matured in a sense na may nilagay akong number rito na part na ng journey ko of being where I am now.
“Dati, baliw-baliwan lang.
“And it’s still crazy, pero mas may istorya na siya ngayon.”
SPECIAL GUESTS
Ang mga special guests ni Anne sa concert ay sina James Reid, Ex-Batallion, Aegis, Sarah Geronimo, at Regine Velasquez.
May production number raw siya sa lahat ng guests niya.
“I’m looking forward to all of them,” masayang sabi niya.
“I’m thrilled!
“It’s gonna be amazing concert.
“Pero sabi ko nga sa VIVA, 'Okay na ko, last na ‘to!'
CAREER HIGHLIGHTS
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na dalawampu’t isang taon na si Anne sa showbiz.
Kung siya ang tatanungin, ano ang mga maituturing niyang highlights ng career niya sa loob ng mahigit dalawang dekada?
Pagbabalik-tanaw niya, “Marami, even all the ups and down, kasama yun,” lahad niya.
“I would say the highlights talaga was my first ever film, Magic Kingdom.
“Following by my first ever teleserye, Ikaw Na Sana with Bobby [Andrews] and Angelu [de Leon] yun.
“That was definitely a highlight kasi fan ako ng T.G.I.S.
“The next highlight was becoming a part of T.G.I.S. after becoming a fan.
“After nun, I think the next highlight of my career would have to be moving to ABS-CBN.
“Ginawa ko yung teleseryeng Hiram, and that made a major change in my career kasi parang dun ako nakilala bilang isang aktres talaga.
“After that, I got my first title role, Kampanerang Kuba and then yun, tuluy-tuloy na siya.
“Of course, becoming It’s Showtime host.”
Sa pelikula naman, sa Baler raw kunsaan ay nagkaroon siya ng unang Best Actress award mula sa Metro Manila Film Festival.
“And of course, No Other Woman which is my first blockbuster hit, so ang dami.
“Actually, ang dami.
“Ang hirap pumili because I feel like everything I’ve done, something that I put my heart into it becomes a highlight,” dagdag niya.
Kasama na rin daw ang first-ever marathon niya.
At natatawang maging ang heartbreak daw niya ay kasama sa highlight.
Ayon kay Anne, “Having my heartbreak in front of the whole nation...
“It’s part of the 21 years...
"I’m very thankful that all throughout my journey, all my followers have been there for me.
“So, I’m just grateful that I’m still here.”
MOST-FOLLOWED PINAY CELEB
Naalala rin ni Anne na isama pa sa highlight ng career niya ang pagkakaroon niya ng millions of followers sa kanyang social media accounts.
Sa Instagram na lang, meron siyang 9.5 million followers.
Sa Twitter account naman niya ay meron siyang 10.5 million followers.