Pak na pak ang mga hanash ni Vice Ganda sa 30th anniversary concert ni Ogie Alcasid na OA na ginanap nitong nakaraang Biyernes ng gabi, Agosto 24, sa Smart Araneta Coliseum.
“Tayong mga Pilipino, napakahilig sa mga kantang may hugot,” pasakalye ni Ogie.
“Sa mga kantang tungkol sa kasawian...
“Itong susunod kong ipapakilala sa inyo ay hindi sawi... sa kanyang karera, pagka’t siya ay namamayagpag.
“Napapanood po natin siya araw-araw. Pinapanood po natin ang kanyang pelikula.
“At pinapakinggan po natin siya.
“Palakpakan n’yo po... please welcome, the unkabogable Vice Ganda!”
Masigabo ang tilian at palakpakan ng audience sa pag-entra ni Vice na humiyaw, “What’s up, madlang pipol?!?”
Ginintuan ang suot ni Vice na bumeso kay Ogie, “Hi! Congratulations!”
Sey ni Ogie, “Alam mo, Vice, gusto ko lang sabihin sa ‘yo...”
“Na napakaganda ko?!” sambot ni Vice.
“Usual na yan!”
Sansala ni Ogie, “Alam na natin yan. Natutuwa ako at pumayag kang maging guest ko. Dahil alam mo, Vice...”
Humarap si Ogie sa audience, “Ito kasing si Vice, ang hirap po ng ginagawa niya. Araw-araw siyang nagpapatawa sa TV.
“Mahirap ang ginagawa niya. Palakpakan natin si Vice!”
Palakpakan muli ang mga tao habang nagpapasubali si Vice, “Hindi ho! OK lang ho yon kahit mahirap. May bayad naman!”
Lahad pa ni Ogie, “At hindi lang yon. Lubusan ko po siyang nakilala at napakabait nitong taong ito. Napakamadasalin! Hindi niyo lang alam.”
Naghawak-kamay sila at ang sambit ni Vice, “At isa ho yon sa jokes niya ngayong gabi.”
Tawanan sila at nagpatuloy si Vice, “Ako ang magpapasalamat sa ‘yo. Napakasarap sa pakiramdam.
“Masayang-masaya ako. And I’m really so honored na pinili mo akong makasama dito sa entablado,
“Kasama ka, dito sa concierto mong ito... Nakakahiya!
“Nahihiya ho ako talaga noong ini-invite niya ako. Kasi, sabi ko, ‘Sige, OK lang pero magpapatawa ako.’
“Ayaw niyang mag-joke ako. Sabi niya, gusto niyang kumanta daw.”
Umoo si Ogie na umupo na para mag-piano.
Tila may agam-agam si Vice, “Sabi ko, hindi naman yung boses ko ang kaya kong i-offer sa Pilipinas, bukod sa tanging comedy lang at maganda kong mukha ang maibibigay ko sa inyo.”
Nagsimula nang mag-piano si Ogie ngunit ayaw paawat ni Vice sa paghahayag ng saloobin.
Aniya, “Pero dahil mahal na mahal ko ho si Ogie Alcasid at si Regine Velasquez, silang mag-asawa, kaya sabi ko, hindi puwedeng hindi ako pumunta.
“Kaya naman pinaghandaan ko ang gabing ito. In fact, nagmukha akong nanay mo na ie-enrol ka.
“First time kong magpe-perform sa Araneta na naka-amerikana at hindi nakatangga.
“Kaya ito ang pinakamasayang pagkakataon ng ‘alaga’ ko dahil nakakahinga-hinga siya ngayon,” pagmuwestra ni Vice sa kanyang harapan.
“Pero hindi... mahal ko ho talaga si Ogie Alcasid.
“Bago ko ho nakilala si Ogie Alcasid, e, sabi ko talaga, ayoko nang magmahal ng basketball player.
“Itutuon ko na ang atensyon ko sa ibang tao kaya ... nainlab ako sa isang tao, na nabigla rin ako, bakit ako nainlab sa kanya.
“Dahil narinig ko yung mga kanta niya pero hindi ko pa siya nakikita sa personal.
“Sa sobrang ganda ng mga kanta niya, narinig natin siya kanina... si Rey Valera.”
Umugong ang tawanan ng audience.
Pagpapatuloy ni Vice, “Anong nakakatawa na nainlab ako kay Rey Valera! Sobra naman...
“Hindi, talaga! Sa sobrang ganda ng mga kanta ni Rey Valera na pinapakinggan ko dati, minahal ko si Rey Valera.
“Kaya sabi ko, I think I’m in love with Rey Valera.
“Pero noong nakita ko siya sa personal, sabi ko... oh, my God! Hindi ko kayang kumain ng century eggs...
“I’m sorry, si Gary V, andito po! Sorry po! Sorry po!” pagyuku-yuko ni Vice.
“God bless! Forgive me for I have sinned!”
Napapalakpak maging si Gerard Salonga na conductor ng orchestra habang tumatalak si Vice, “My God! Hindi na naman sinabi ng P. A. [production assistant] ko!
“Sinasabi ko, tuwing magpe-perform ako, che-chekin niyo kung nandito si Gary V!
“Hay, nakakahiya! Magsitayo po tayo...”
Singit ni Ogie, “Wala namang masama sa century egg.”
“Oo, wala naman po,” pagsang-ayon ni Vice.
“Kaya noong nakita ko si Rey Valera, hindi na.
“Nakita ko si Ogie Alcasid, sabi ko, dito, puwede akong mainlab. At least, kaya kong kumain ng champoy.”
Napatigil si Ogie sa pagpi-piano at napayuko.
Hirit pa ni Vice, “Kaya si Ogie Alcasid na lang ang minahal ko nang bonggang-bongga.
“At saka hindi naman ho lingid sa kaalaman ninyo, na mahal na mahal ko talaga, at idol na idol ko si Regine Velasquez.”
Pumalakpak si Ogie habang nagsisigawan ang fans ni Songbird.
Sige pa rin si Vice, “Eto, trivia... kauna-unahang beses po, na nakatuntong ako sa entablado ng Araneta Coliseum para kumanta ay concert ni Regine Velasquez, R2K. I was one of the guests.
“Iyon yung mga panahon na kumakanta pa ako ng Regine Velasquez.
“Isa ako sa mga Reginatics—ako saka si Anton Diva.
“So, ini-impersonate ko si Regine. Alam na alam naman nila yon. Pero nawalan ho ako ng boses.
“Dahil sa acid reflux, nawala yung boses ko. Nung bumalik, hindi na ako makabirit.
“Nawala yung falsetto ko. Ang lungkut-lungkot ko. Depressed na depressed ho ako, na hindi na ako makabirit.
“Umiiyak ako, nagpunta ako sa shower...
“Habang naliligo ako, nagsa-shower, umiiyak ako. Sabi ko, hindi na ako makakanta ng Regine.
“Habang umiiyak ako, nagsa-shower ako... nakita ko yung ari ko.
“Doon ko na-realize, may Ogie pa pala,” pagtungo at pagmuwestra ni Vice sa kanyang private part.
“Kaya ipagpapatuloy ko ang pagkanta, pero panglalake na yung boses ko!
“Wala nang Regine... Ogie Alcasid na!
“Pero dati talaga, Regine-Regine! Ngayon, yung boses ko, Ogie Alcasid na.
“Pero iba ang titig mo sa itsura ko ngayon, ha?!” pakli ni Vice kay Ogie.
Pagpapatuloy ni Vice, “Lalo na sa hair ko. Mukhang naaalala mo si Michelle van Eimeren sa itsura ko!
“Hindi, joke lang!”
Natawa si Ogie.
Usisa ni Vice, “Nandito ba si Michelle?”
“Ano ka ba, nandiyan,” sambit ni Ogie.
“Aaayyy! Miss Australia!” tili ni Vice na umupo na.
“Aaayyy! 1994, pinapanood ko ho kayo! Miss Australia, Miss Universe 1994.
“Kaya nagpunta siya rito, dahil sumali siya. Tapos, doon kayo nagligawan.
“Hindi lang nag-work pero OK din naman.”
Medyo nahirapan si Vice pag-de kuwatro.
Sey ni Ogie, “Ayan kasi, ang haba-haba mo. Ako nga, di makaupo diyan, e!”
Buwelta ni Vice, “Hindi naman ako mahaba. Maigsi ka lang talaga!”
Sabi pa ni Vice, nang iniupo niya roon si Ogie during rehearsal, nagsuka ito dahil nalula.
Sige pa rin nang sige si Vice, “Tawang-tawa kayo, ha?! Bayaran niyo yan! Bayaran niyo yan! Salbahe kayo diyan!”
“I love you, Vice!” malambing na bulalas ni Ogie.
Tugon ni Vice, “I love you too very much.
“Alam mo, nakilala ko si Ogie Alcasid at si Regine Velasquez nang... malalim... dahil early this year, I went through a not-so-happy stage.
“At tinulungan nila ako na maka-cope up doon sa pinagdadaanan ko. Kaya sabi ko talaga, gusto ko na talaga ng dyowang singer din.
“Singer na talaga! Ayoko na talaga ng ano... Kasi, di ba? Gusto ko ng singer...
“Lalo na pag singer ka, di ba, sabi nila, pag magaling kang mang-aawit... malinis ang nota mo.
“Naririnig ko ‘yan! Kahit kay Sir Gary V, sa Tawag ng Tanghalan! Di ba, sinasabi niya, ‘I like you kasi malinis ang nota mo. Maayos ang pagkakakanta mo.’
“Di ba? E, siyempre, gusto ko ng singer, kasi, malinis ang nota. Maayos ang pagkanta.”
Tumugtog na muli ng piano si Ogie, habang humihirit pa si Vice, “Kaya nga ako nag-aano, nagbo-voice lessons para matutunan ko ring maalagaan ang mga nota ko pag kumakanta...
“At tumutugtog na siya [Ogie] dahil gusto na niyang kumanta. Itigil ko na raw ang kasalaulaan ko dito.
“Kakanta ba talaga tayo?” pang-uurirat pa ni Vice.
“Oo naman!” mabilis na sagot ni Ogie.
Sabi pa ni Vice, “Tawang-tawa naman ang mga ito. Gusto mo, i-delay pa natin itong tugtog mo?”
“Kaya kita inimbita dito dahil gusto kong umawit tayo.”
“Talaga ba? Nag-imbita ka pa ng mga Mormons,” patungkol ni Vice sa members ng orchestra.
Kuda pa ni Vice, “Sige na nga, kumanta na nga tayo... Ay! Maraming salamat doon sa regalo mo, ha?!”
“Walang anuman... oy! Bayaran mo yon!”
“Babayaran ko?! Ano ba ‘to, mas mahal pa yung regalo ni Ogie Alcasid kesa doon sa TF na singil ko—P2,500 ho ang siningil ko dito.
“Lugi pa ako sa sinuot ko dito. Yung suot ko, parang sofa ng mayayaman,” sabi ni Vice.
Sambit ni Ogie habang nagpi-piano, “Sariwain natin ito, ha...”
Nag-antanda ng krus si Vice. “Kaya mo yan... kaya mo yan!” pagmu-motivate ni Ogie.
Talak ni Vice sa audience, “Ingay mo! Pupunta rito para tumili?! Sira-ulo!”
Nagsimulang umawit si Ogie habang nagpi-piano, “Sumubok na akong umibig at magbigay ng tunay na pagmamahal... nguni’t kami ay nagkalayo, pagka’t hindi kami magkasundo... “
Mula sa puso, nag-umpisang umawit si Vice, “Heto ka...”