Ikinukunsidera ng producer na ituloy ang palabas na Music and Laughter (Sana, Tatlo Ang Puso Ko) sa Nobyembre 23, Biyernes, sa The Theater at Solaire, Aseana Avenue, Parañaque City.
Pagpupugayan doon si Rico J. Puno. Tampok din doon sina Giselle Sanchez at Marissa Sanchez.

“Ang concert po na yun, si Papa ang nag-conceptualize,” sabi ni Tosca Puno, anak ni Rico, nang makausap namin nitong Nobyembre 1, Huwebes ng gabi, sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati City.
“Tinanong ako ni Tita Baby [producer] kung itutuloy ba.
"Sabi ko, ‘Tita, kung buhay si Papa ngayon, knowing his character, the show must go on.’
“Parang... kung ano ang sinimulan niya, dapat tapusin natin.
“Sabi pa ni Papa sa akin about the November 23 show, ‘Gawa tayo ng duet pero sosorpresahin natin sila.’
“Kakantahin po sana namin yung 'Climb Every Mountain.' Pinapraktis na po namin.
“Tapos, noong namatay na siya... ibinulong ko, ‘Papa, di ba, may duet pa tayo?’
“I’m not sure po, we’ll verify... pero pag natuloy yung November 23 show, I think the producer suggested na since it’s a tribute, i-represent ni Rox [kapatid ni Tosca] si Papa.
“Ang galing pong maggitara ni Rox, my brother!”
Composer at inspirational singer si Tosca. Nag-duet sila ni Rico J. ng kantang "Kapalaran."
Kuwento pa ni Tosca tungkol sa ama, ‘Tinext niya ako minsan, ‘Tosca, hindi ko alam na you can sing and write songs na ganyan.’
“Sabi ko, ‘Papa, parang binobola mo ata ako.’ Tapos, sabi niya, ‘Tayo pa ba ang magbobolahan?’ Ang sweet nga, e!
“Nagustuhan ni Papa yung composition kong 'You Love Me This Much.'
"Ginawa pa niyang ringtone. Ang sweet! For a year!"
May Valentine concert pa sana si Rico J. sa Pebrero 13, 2019, kasabay ng 66th birthday niya.
“Excited siya dun!” napangiting bulalas ni Tosca.
“Excited si Papa. Sabi niya, ‘Uy, may show tayo!’ OK lang ba sa ‘yo, Pa? ‘Oo!’ Ganyan. Excited siya...
“Excited din siya sa station ID. Bumalik sa 'Tawag ng Tanghalan.' Ang dami po niyang shows, e.”