Kaye Abad talks about taping in Singapore; says she can relate to her character in Angelito: Ang Bagong Yugto

(L-R) John Prats, Kaye Abad, Charee Pineda and JM de Guzman topbill Angelito Ang Bagong Yugto. Kaye and John shot some scenes of this ABS-CBN show in Singapore.


Malaki ang pasasalamat ni Kaye Abad sa kanyang home network dahil sunud-sunod ang proyektong ibinibigay ng ABS-CBN sa kanya.

Matatandaang matagal ng hindi napanood sa telebisyon ang aktres, dahil na rin daw gusto niyang magpahinga at mabigyan ng oras ang ibang bagay sa buhay niya.

Ngunit ngayon, pinalad pa rin siyang makasama sa ikalawang libro ng kuwento ng batang ama, ang Angelito: Ang Ikalawang Yugto.

Sinabi ni Kaye sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hindi na siya gaanong nahirapan na gampanan ang role niya bilang si Jenny, ang babaeng nagparaya kay Angelito (JM de Guzman).

“Kadugtong lang siya halos ng book one,” paliwanag ni Kaye nang eksklusibo siyang nakapanayam ng PEP noong Hulyo 17 sa Dolphy Theater, sa loob ng ABS-CBN cpumpound, sa Quezon City.

“Uhm, no’ng book one kasi pumasok na talaga sa akin ‘yong character ni Jenny. So ito, medyo no’ng first day lang nangangapa pa ako ng konti, pero no’ng banding dulo lang na taping ‘yon na, parang do’n lang bumalik ulit na naalala ko na ito na ‘yong Jenny.

“Pero hindi ako masyadong nahirapan.

“Kasi ‘yon nga tinatanong nila sa akin, ano ang similarities namin ni Jenny, halos 90 percent ako ‘yong Jenny na ‘yon, except ‘yong nanganak, ‘yong nabuntis kaagad.”

SINGAPORE SHOOT. Hindi naging madali para kay Kaye ang taping sa Singapore kunsaan nakasama niya ang kanyang loveteam partner sa serye na si John Prats.

Dumating kasi sila doon ng pasado alas dose ng madaling araw, at nakapag-check in sa hotel ng alas dos ng umaga.

Bagamat puyat, nagawa pa rin naman nilang magsimula ng shooting ng ala sais ng umaga.

Nauna na raw dumating doon ang direktor nilang si Theodore Boborol at ang ilang writer, para sa ganoon ay maihanda na ang shooting locations nila.

Twenty-four sequences ang ginawa nina Kaye at John sa apat na destinasyon sa Singapore. Kaya naman bukod sa pagtatrabaho ay naging bonding na rin nila ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

First time daw ni Kaye na mag-shooting sa ibang bansa, at masasabi niyang mas “nakakapagod” ito kumpara kung nandito ka lamang sa Pilipinas.

Naging madali rin daw ang trabaho dahil “kilala ko si John since Ang TV (1993).

“So naging kabarkada ko ‘yong kapatid niya, so hindi namin talaga kailangan mag-bonding kasi…

“Eksakto ‘yong istorya, para kaming magkababata na halos.”

Ang magiging karakter kasi ni John ay ang long-lost best friend ni Jenny na si Raffy.

Magkakahiwalay sila noong nasa high school sila, at aksidenteng magkikita sa Singapore dahil sa iisang building lamang sila nakatira.

Doon na magsisimula ang kuwento ng pag-ibig nila, bagamat alam ni Raffy na may kahati pa rin siya sa puso ni Jenny--si Angelito.

MODERN ISSUES. Sinabi ni Direk Ted [palayaw ni Theodore Boborol], hindi nila inasahan na magkakaroon ng ikalawang yugto ang kanilang afternoon drama series.

Wika ng direktor, “Usually naman kasi sa ibang shows ng ABS-CBN, pag may book two diredirecho, hindi putol.

“So, akala namin tapos na. Tapos sa thanksgiving party para sa book one, sinurprise po kami ng mga boss ng ABS, sina Tita Linggit Tan at Tita Malou Santos, doon namin nalaman na may book two pa pala.”

Samantala, sinabi rin ni Direk Ted na dapat abangan ang mga bagong “modernong issues” na tatalakayin sa ikalawang libro ng kuwento ni Angelito.

Kung sa unang libro raw ay tinalakay nila ang teenage pregnancy, dito sa ikalawang libro’y tatalakayin nila ang buhay ng “modernong pamilyang Pilipino.”

“Kasi dati ang definition ng Filipino family mother, father, son,” panimulang paliwanag ng direktor.

“Ngayon, kapag pinag-uusapan na ang Filipino family, kasama na ng mother, father, son ‘yong grandmother, grandfather--so, extended family na.

“‘Tapos hindi natin isasawalang bahala na mayro’ng nagkaka-anak sa labas. So, ang ina-ano namin, paano na nga ba ang pamilyang Pilipino ngayon.

“So mga issues ng extended family, out of marriage. So medyo maraming issues din kaming pag-uusapan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gayundin, ang isyu naman tungkol sa “pre-marital sex” ang magiging pangunahing isyu para sa mga nakababatang cast ng programa.

Halimbawa na dito ang kuwento ng pag-ibig nina Migoy (Sam Concepcion) at Tere (Devon Seron).

Mayroong pangamba si Tere na hindi na masaya sa kanilang relasyon si Migoy dahil hindi niya magawang ibigay ang sarili sa kasintahan.

Takot kasi si Tere na mabuntis ng maaga at matulad ang buhay niya sa kinahantungan ng kanyang kapatid na si Angelito.

Abangan kung paanong magiging komplikado ang inaakala nilang tahimik ng buhay, dahil sa pagdadalang tao ni Jenny (Kaye) na ang ama ay si Angelito (JM).

Ang ibang mga tauhan na magsisiganap para sa serye ay sina Elizabeth Oropesa, Snooky Serna, Al Tantay, Jobelle Salvador, Joshen Bernardo, Bea Basa, Aldred Gatchalian, Felix Roco, Jason Francisco, Beauty Gonzales, Josef Elizalde, Kiko Estrada, Sue Anna Ramirez at Eliza Pineda.

Subaybayan ang Angelito ang Bagong Yugto na nagsimula na nitong Hulyo 16, pagkatapos ng It’s Showtime, sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN