Michael V brands latest season of Pepito Manaloto as “fictional-reality show”


Matapos ang maikling bakasyon, nagbabalik si Pepito Manaloto, kanyang pamilya, at mga kaibigan sa Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento.

Pero sa pagbabalik at ika-limang season ng show na ito, ibang klaseng konsepto sa Philippine television ang ini-introduce nina Michael V, Director Cesar Cosme at mga writers ng show.

“It’s a ‘fictional-reality show,’” pakilala ni Michael sa konsepto.

Nung una’y hindi masyadong masakyan ng mga miyembro ng media ang mga sinabi ni Michael sa ginanap na presscon ng show sa 17th floor ng GMA Network Center building noong September 4.

Pero kalaunan, sa maingat na pagpapaliwanag ni Bitoy (palayaw ni Michael V) ay naintindihan na ng lahat ang ibig niyang sabihin.



FICTIONAL REALITY. “Think of a ‘fictional reality,’ a fictional world. Puwede ba yung ‘fictional reality’? Anyway…

“Dito sa reyalidad na ‘to, mayroong isang tao, ang pangalan, Pepito Manaloto, at nanalo siya ng P700 million.

“Ngayon, dito rin sa reyalidad na ‘to, merong isang [TV] network na naisipang gawan siya ng isang TV show.

“So, we had a deal, gumawa kami ng kontrata at nagkaroon nga kami ng TV show. At yung TV show na yun ang napanood ninyo, o napanood natin. Yun yung Pepito Manaloto, the show.

“Ngayon ang problema, hindi nagustuhan nung totoong Pepito Manaloto yung naging takbo ng show dahil hindi raw masyadong realistic, at naghahanap siya ng parang naging makatotohanan.

“So, ang sabi nung network executive, ‘Kung gusto mo, wag na nating ipalabas yung show na yun at gumawa na lang tayo ng bagong show tungkol sa tunay na buhay mo.’”

At doon na nga raw nagsimula ang “reality show” of a fictional family na Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento.

Sa pakikipag-usap pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Michael pagkatapos ng presscon proper, palagi raw silang susundan ng kamera dahil “reality show” nga sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit anong gawin nung family member,” ani Michael.

“At kadalasan yung mga hindi nila inaasahan, yun ang nagiging cause ng problema.”

Sa U.S., ang mga TV comedy show na The Office at Modern Family ang may katulad na format ng sinasabi ni Bitoy na “fictional reality.”

Hindi ba sila nag-aalala na malito ang mga dati na nilang audience sa biglaang pagbabago ng istilo ng show nila?

“We hope not. Kaya nga tutulungan niyo kaming ipaliwanag ito sa kanila,” hiling ni Michael.



MORE IDEAS FROM BITOY. Isa siya sa mga utak sa likod ng pagbabago ng Pepito Manaloto. Sabi nga ng PEP sa kanya, tila hindi siya nauubusan ng ideas.

“Hindi naman…” mapagkumbabang sagot ni Michael.

Meron pa ba siyang idea na gustong gawin?

“Meron pang iba, pero hindi ako nagpo-focus masyado hangga’t hindi pa nakakasa, e.

“Kumbaga, puro ideas lang talaga. Very vague. Mga two sentences lang na ideas,” natatawang sabi niya.

“Pero kung bibigyan tsansa, mapagtutuunan ng pansin…”

Kung naisakatuparan naman niya agad ang ideas niya sa TV, movies, at music recording, tila hindi naman siya masyadong sigurado sa mga gusto niyang gawin sa cyberspace o Internet.

“Isang daigdig iyan na puwede mong i-explore talaga. Kaya lang nakapalawak niya, e. Kumbaga, baka hindi ko ma-contain, e.

“Kaya dito na lang muna ‘ko sa daigdig na puwede kong hawakan, puwede kong i-manage. Puwede kong i-control, i-manipulate.

“Kasi nagwo-work pa naman for me [ang TV, movies, at music recording]. Pero hindi ko dini-disregard na nandidiyan ang Internet, nandidiyan ang world wide web. Palaging nandidiyan yan.

“From time to time nagda-dabble din ako. Pero hindi ganun katutok.”

Sa September 16 na ipalalabas ang Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento pagkatapos ng Imbestigador sa GMA Sunday Grande.

Kasama rin ni Michael V sa show sina Manilyn Reynes bilang Elsa Manaloto, Angel Satsumi bilang Clarissa Manaloto, Jake Vargas bilang Chito Manaloto, John Feir bilang Patrick, Ronnie Henares bilang Tommy, Mosang bilang Baby, Janna Dominguez bilang Maria, at Arthur Solinap bilang Robert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nadagdag din sa cast sina Jessa Zaragoza-Avanzado bilang Deedee at Nova Villa bilang Mimi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN