Nora Aunor considers Artista Academy finalists as part of her "children"


Isang Diwata ang ginampanang papel ng Superstar na si Nora Aunor sa ikalawang araw ng taping niya para sa special guest appearance sa fantasy series na Enchanted Garden ng TV5.

Ginanap ang taping noong Lunes, October 22, sa isang malaking building-warehouse sa Cainta, Rizal; dito ginawa ang magandang set ng kaharian ng Eden sa naturang serye.

Mga pangunahing artista dito ang mga Kapatid talents tulad nina Alex Gonzaga, Edgar Allan Guzman, Mart Escudero, Zoren Legaspi, Ruffa Gutierrez, at ang dalawang "evil queens" sa kuwento: sina Alice Dixson at BB Gandanghari.

Bilang Nana Sela, sa unang araw ng taping (on October 15) at Reyna Oleya sa second day, dinamitan at mineyk-apan si Ate Guy para magmukhang diwata.


Sa kanyang suot at make-up ay maraming natuwa kay Ate Guy, kabilang ang unit head ng TV5 production na si Jo-Ann Cabalda Banaga.

Panay ang pag-congratulate nila sa official make-up artist ni Ate Guy na si Krist Bansuelo dahil nagawa nitong magmukhang napakabata ni Nora--much, much younger than her age of 59--para sa ginampanang tauhan.

"Ang ganda naman ni Ate Guy, parang noong nag-celebrate siya ng debut niya sa Sampaguita Pictures!" natutuwang sabi pa ni Ms. Jo-Ann na nagbalik-tanaw sa panahon noong early '70s, when Nora was in her late teens.

Masiglang-masigla naman si Ate Guy sa buong panahon ng taping, na nagsimula ng 10 am at natapos ng mga 1 am nang sumunod na araw, October 23.

Bukod sa maganda niyang pakikipag-trabaho, kasama ang mga kabataang artista ng TV5, natutuwa rin si Ate Guy na makita ang iba pang veteran stars na nakasama na rin niya noon sa mga ginawang pelikula at TV shows tulad nina Tony Mabesa at Marita Zobel, among others.

REUNITED. Reunion din ito nina Nora at Direk Joel Lamangan na nagka-trabaho sa maraming makabuluhang obra, sa telebisyon, tulad ng Spotlight episodes at GMA telecines; at pelikula, na naging matagumpay sa takilya at awards, tulad ng The Flor Contemplacion Story (1995); Muling Umawit Ang Puso (1995); Bakit May Kahapon Pa? (1996); at Sidhi (1999).

Kamusta naman ang muli nilang pagtatrabaho ni Joel Lamangan matapos ang 14 na taon?

"Masaya kami, parang noong araw din... pero mas tahimik na sa set, hindi na mainitin ang ulo ni Direk [Joel]," natutuwang sabi ni Ate Guy nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Noon kasi, may tendency na sumisigaw si Direk pag umiinit ang ulo, kaya ayokong mag-trabaho pag gano'n," matapat na wika ni Nora.

Kapansin-pansin nga ang malaking pagbabago, o ang pagme-mellow kapwa nina Direk Joel at Ate Guy kaya naging napaka-smooth ng taping ng special Enchanted Garden episodes.

Nakatakdang isahimpapawid ang mga episodes na tampok si Nora Aunor bilang special guest sa mga huling linggo ng serye, ngayong Oktubre at unang linggo ng Nobyembre 2012.

Handog din ito ng TV5 Kapatid Network para sa 45th anniversary sa local showbiz ng nag-iisang Superstar.

"FINAL EXAMS" WITH GUY & PIP. Samantala tila "nabulabog" ang Pier 10 sa Maynila, noong umaga hanggang hapon ng October 19, nang mag-shoot si Ate Guy ng maiikling pelikula, bilang participation niya sa isinagawang Final Exams ng mga Artista Academy finalists (Male Category) ng TV5.

Tatlong digital short films, na dinirek ni Joel Lamangan, ang tinampukan ni Nora Aunor, ka-eksena ang bawat isa sa tatlong lalaking finalists.
Ito ang huling pagsubok nina Vin Abrenica, Mark Neuman, at Akihiro Sato.

Para sa mga babaeng finalists, si Tirso Cruz III ang male counterpart ni Nora.

Hindi nagka-eksena sina Nora at Tirso, ng nakilalang Guy & Pip loveteam noong '70s, sa AA final exams. Pero napanood ang hiwalay nilang short films.

Ginampanan dito ni Nora ang papel ng isang inang napabayaan ang kanyang anak, kaya may panunumbat ito sa kanya nang balikan niya para humingi ng tawad.

Ginampanan naman ni Pip ang isang amang kinamuhian ng anak na babae, na binigyang-buhay ng tatlong AA female finalists na sina Sophie Albert, Shaira Mae, at Nicole Morales.

Si Mac Alejandre ang nagdirek ng short films ng female finalists with Tirso, mula sa screenplay ni Elmer Gachalian, who also wrote Nora's and the male finalists' shorts.

Iba't ibang interpretasyon ng nasabing tauhan ang napanood kina Akihiro, Mark at Vin; at kina Sophie, Shaira Mae, at Nicole, na nagtamo ng both positive and negative feedback, mula sa AA jury led by executive Wilma Galvante, Direk Mac Alejandre and actresses Gelli de Belen and Lorna Tolentino.

BONDING WITH "AA" FINALISTS. "Ay, Diyos ko, alam mo, magagaling yung mga bata!" tuwang-tuwang pagbabalita pa ni Ate Guy.

"Siyempre, first time kasing nakasama ako, medyo ninerbiyos [sila]. Pero kung titingnan mong maigi, magagaling silang umarte! Talagang magagaling sila!

"Maglalaban-laban talaga sila. Wala kang itulak-kabigin sa galing!"

Bilang bahagi ng reality search, gumanap at nag-mentor din si Ate Guy sa mga kabataang lalaki, bago ang actual shoot; nakipag-throw lines at nag-rehearse si Ate Guy kasama ang tatlong naka-eksena.

Pero maingat at hindi nga puwedeng mag-disclose ng kanyang opinyon o saloobin hinggil sa kung sino sa tatlong male acting finalists ang pinakamahusay.

Sapat nang napatunayan ni Ate Guy ang pagka-aktor, o ang promise ng bawat isa, bilang mahusay na aktor.

"Oo naman. Iba-iba sila. Magagaling sila. Yun lang ang masasabi ko.

"Suspetsa ko, mahihirapan ang mga judges," wika pa ni Ate Guy.

Malaking karangalan para sa mga kabataang finalists na makasama ang nag-iisang Superstar sa kanilang Final Exams on acting.

"Ako rin naman," sabi ni Ate Guy. "Malaking karangalan din [sa akin] na makasama yung mga kabataan, na nag-uumpisa pa lang.

"Parang naalala ko nung ako, nag-uumpisa pa rin, di ba? E, noong araw nga, baduy pa kaming... [umarte]," kuwelang sabi rin ni Ate Guy.

Ayon pa sa isang taga-TV5, naging mabusisi ang proseso para palitawin ang pagka-natural at epektibo ng pagganap ng tatlong male finalists na si Nora Aunor ang naging final exams mentor.

"Magagaling na ang mga bata, pero malaking tulong ang ibinigay na advice sa kanila ni Ate Guy, bago simulan ang shoot.

Sabi raw ni Nora: 'Nasa sa inyo kung ano'ng gusto ninyong gawing atake sa character, basta ang mahalaga, may lalim ang pag-arte.

"Hindi ninyo kailangang sundin o gayahin ang ibang aktor; may kanya-kanya tayong paniniwala at pag-atake sa role.

"'Iba 'yung atake ko, iba yung pagkaka-intindi, at iba rin yung sa inyo. Basta, gawin n'yo ang sarili n'yong pag-atake, ayon sa pagka-intindi at sa nararamdaman ninyo...'"

Sabi pa ng taga-TV5 tungkol sa naging common observation sa set:

"Kay Mark Neuman, nai-point out na nakakaarte ang bata, pero malaking challenge dito ang pagsasalita ng tamang Tagalog," sabi ng PEP informer tungkol sa teener na isinilang at lumaki sa Germany at London.

"Kay Akihiro Sato, napansin ang mahusay niyang pag-deliver ng lines, pero in-advice ni Ate Guy na mag-ingat sa pag-e-express ng tamang emosyon sa bawat kataga o pangungusap, para hindi maging monotone ang delivery.

"Tulad din ng kay Vin Abrenica, na kinapansinan ng impressive na paglalahad ng iba't ibang antas ng emosyon, sa mahabang monologue."

Sa naging obserbasyon, matapos ang shooting, labis na natuwa ang tatlong male finalists sa mga natamong pagbati.

"Paano po kami hindi gagaling, e, si Ate Guy ang ka-eksena namin?!" bulalas pa daw ni Vin na sinang-ayunan ng dalawang katunggali na sina Mark at Akihiro.

"Ang ending, yung tatlong finalists, naging malapit kay Ate Guy at sabi ng isa, 'Puwede po ba, 'nanay' na rin ang itatawag namin sa iyo?'" natutuwang banggit pa ng taga-TV5.

Tanggap naman ni Ate Guy ang pagiging malambing ng mga baguhang magiging artista na rin ng Kapatid Network.

"Haaay, nadagdagan na naman ng tatlo ang mga 'anak' ko!" sambit daw ni Nora, na tinatawag ding "nanay" ng younger co-actors sa mini-seryeng Sa Ngalan Ng Ina (2011), tulad nina Nadine Samonte, Eula Caballero, Alwyn Uytingco, at Edgar Allan Guzman.

Sa Sabado, October 27, ang Grand Finals ng Artista Academy reality search sa Smart-Araneta Coliseum. Dito ia-announce ang Best Actress at Best Actor winners na mananalo ng tig-10 milyong piso.

Sina Nora Aunor at Eddie Garcia ang nababanggit ng TV5 insiders na siyang mag-a-announce ng respective winners.

"DOUBLE NORA AUNOR". Bukod sa avid Noranians, unang-unang natuwa sa pagkakaroon ni Nora Aunor ng dalawang MMFF 2012 entries ang Creative and Entertainment Head ng TV5 na si Mr. Perci Intalan.

Ayon pa sa PEP source, "Tuwang-tuwa si 'Sir' Perci sa balita, 'O, di ba? May "double Nora Aunor" ngayon sa filmfest!"

Ang tinutukoy ng TV5 official ay ang pagiging tampok ni Ate Guy sa dalawang malalaking pelikulang independently produced entries sa gaganaping 38th Metro Manila Film Festival (MMFF) simula sa December 25, 2012.

Una'y ang historical biopic na El Presidente, na sinimulan ni Direk Tikoy Aguiluz at ipinagpapatuloy ngayon (major completion) ni Direk Mark Meily.

Kabilang sa all-star cast ng El Presidente ang actor-politician na si Governor ER Ejercito, as Gen. Emilio Aguinaldo, and Nora Aunor (in a special guest role), as Maria Agoncillo (Gen. Aguinaldo's second wife).

Ikalawa, ang internationally-acclaimed Thy Womb (Sinapupunan) sa direksiyon ni Brillante Mendoza.

Kasama ni Nora sa major cast ng premyadong obra ni Direk Brillante sina Bembol Roco, Mercedes Cabral, at Lovi Poe.

Naipunto ng PEP source ang magandang pangyayari sa career ni Nora Aunor, matapos nitong pumirma ng three-year guaranteed contract with TV5.

"Tapos na ang unang taon niya, at naging remarkable ang achievement ni Guy, dahil natupad ang goal ng TV5 na gumawa ng projects si Nora na markado at tatangkilikin, hindi lang sa bansa kundi sa abroad."

Worth mentioning ang mini-seryeng Sa Ngalan Ng Ina, na isang natatanging obrang pan-telebisyon na pinagsamahan nina Nora at Mario O'Hara, bago ito namayapa (last June 26, 2012). With Jon Red as co-director, SNNI was telecast on TV5 from September 3 to November 5, 2011.

Kabilang din ang Sa Ngalan Ng Ina at ang pagganap ni Nora Aunor, bilang lead actress, na nagtamo ng mga nominasyon (Best TV drama series at Best Drama actress, respectively) sa gaganaping Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC) sa November 18, 2012.

Sa ibang bansa, nagtala ng karangalan ang pagganap ni Nora sa Thy Womb ni Direk Brillante nang mag-compete ang pelikula sa 2012 Venice International Filmfest, noong September.

Nanalo si Nora ng Bisato d'Oro Italian Independent Critics as Best Actress; at si Direk Brillante ng La Navicella Award at P. Nazareno Taddei Special Mention (collateral award) mula sa VIFF Jury.

Marami ring international film fests pang kinasasalihan ang Thy Womb sa ngayon, bukod sa Toronto at Busan filmfests; kabilang ang pagiging main competition entries nito sa Goa, India; Dubai; at Brisbane International Filmfests; at sa APSA (Asia-Pacific Screen Awards), sa Queensland, Australia, na nominated sina Direk Brillante at Nora sa best director at best actress, respectively.

Dahil sa magandang turnout ng kanyang acting career sa unang taon niya dito, inihahanda ng Kapatid network ang malalaking projects na tatampukan ni Nora Aunor, tulad ng isang TV5 regular teleserye at pelikulang mainstream (big-budgeted, more commercial in theme and production values) na ipu-produce ng Studio 5.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN