Wendy Valdez surprised by sudden end of "Margarita"


Wendy Valdez said in a previous interview that her teleserye Margarita will run until November this year, but the show ended last Friday, September 21, far earlier than she had expected . "Nagulat din ako nang sabihin nila sa amin last week na final week na namin ngayon. Ang katuwiran nila [ABS-CBN management], kailangan daw ng adjustment sa timeslot dahil marami silang papasok na shows," she pointed out.



Sa huling panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Wendy Valdez ay sinabi niyang hanggang November pa ang kanyang teleserye sa ABS-CBN na Margarita. Pero noong Biyernes, September 21, ay bigla na lang itong nagwakas dahil by September 24, papalitan na ito ng game show ni Kris Aquino na Kapamilya Deal Or No Deal, na mapapaaga na ang timeslot.

Nakausap muli ng PEP si Wendy, kahapon din, sa isang coffee shop sa Timog Ave, Q.C. at tinanong namin siya kung bakit bigla na lang nagwakas ang kanyang pinagbibidahang teleserye. Wala pang dalawang buwan na umere ang Margarita sa Kapamilya Network.

"Nagulat din ako nang sabihin nila sa amin last week na final week na namin ngayon. Ang katuwiran nila [ABS-CBN management], kailangan daw ng adjustment sa timeslot dahil marami silang papasok na shows," malungkot na wika ni Wendy.

"Kung ‘yon ang desisyon nila, wala naman kaming magagawa. Noong una ay sinabing ang Lastikman ang papasok, pero starting po sa Monday, doon na mapapanood ang Deal or No Deal."

May bago na ba siyang gagawing teleserye kapalit ng Margarita?

"Wala pa silang sinabi," sagot ni Wendy. "Kagabi [September 20], nagbigay sila ng thank-you dinner, pero wala silang nabanggit. Maghihintay na lang ako kung may ibibigay silang project sa akin.

"Nagpapasalamat pa rin ako na nang pumasok ako sa Pinoy Big Brother 2 hindi ko naman in-expect na magiging artista na ako, kaya nang ibigay nila sa akin ang Margarita kahit hindi naman ako ang Big Winner, isang malaking bagay sa akin ‘yon. Nang magsimula kaming mag-taping, para akong nagwo-workshop na ang dami kong natutunan at maganda naman daw ang feedback sa akin at sa teleserye namin."

If ever na bigyan siya ng panibagong teleserye, pero hindi naman siya ang lead star na tulad sa Margarita, hindi ba niya iisipin na mula sa pagiging bida ay magiging isa na lamang siya sa cast? Papayag ba siyang maging kontrabida?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Okay lang sa akin na maging isa sa cast o maging isang kontrabida. Sabi nga nina Direk Erick [Salud] kagabi sa dinner namin, mas madaling paglaruan ang role ng isang kontrabida. Pero gusto ko rin pong mag-try naman ng comedy," sabi ni Wendy.

WORD WAR WITH UMA. Samantala, ayaw na sanang pag-usapan ni Wendy ang pagtataray sa kanya ng PBB Season 1 housemate na si Uma Khouny dahil kapag naiisip daw niya ito ay naiiyak siya sa inis. Pero dahil sa pangungulit ng PEP ay nagbigay na rin siya ng kanyang saloobin.

"Gusto ko lang linawin na wala kaming pinag-awayan. Wala akong ginagawang masama sa kanya, hindi ko siya tinatapakan at hindi ko po alam kung bakit kailangan niyang i-compare ang sarili niya sa akin. Kung feeling niya mas sikat sila [PBB Season 1 housemates] kesa sa amin [PBB Season 2 housemates], okay, hindi kami nakikipagkumpitensiya sa kanila. To think na naging mabait ako sa kanya at ako pa ang yumakap sa kanya nang lumabas na siya sa Bahay ni Kuya pagkatapos siyang nag-stay with us bilang guest namin," may hinanakit pa ring pahayag ni Wendy.

Ano naman ang masasabi niya na hanggang ngayon ay may mga nasusulat pa ring negative comments tungkol sa kanya?

"Hindi na nga ako nagbabasa ng diyaryo," sagot niya. "Masakit sa akin kung hindi naman totoo ang sinusulat nila dahil hindi ko naman maipagtatanggol ang sarili ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN