Carlo Aquino explains why he turned down roles in the past: "Takot lang talaga ako."


Medyo matagal nawala sa showbiz scene si Carlo Aquino pero natutuwa ang award-winning actor at nabigyan siya nang pagkakataon na magtrabahong muli sa ABS-CBN.

May special participation siya sa bagong Kapamilya drama series na Dugong Buhay, a TV remake ng komiks novel ni Carlo J. Caparas na naisapelikula noong 1983. Tampok noon ang father-and-son tandem of Ramon Revilla and the then-young Bong Revilla.

Hindi nakaabot sa presscon ng Dugong Buhay si Carlo noong April 3. Ngunit pagkatapos ng presscon sa 14th floor ng ABS-CBN, nakita ng PEP.ph si Carlo sa Grams Restaurant sa ABS-CBN kaya sinamantala na namin ang pagkakataon na kausapin siya. Nanggaling pa kasi siya ng Tagaytay para sa script reading for his other show on ABS-CBN, ang remake ng Anna Liza.

Nagpaunlak naman ang dating child actor na kinilala ang husay noon para sa pelikulang Bata, Bata Paano Ka Ginawa?


FEAR OF FAILURE. “Medyo nawala ako sa eksena kasi parang natatakot ako noon kasi sobrang taas ng expectations ng mga tao,” wika ni Carlo. “E, mas nauna sa akin ang takot kaysa sabihin sa sarili ko na tanggapin ko ang project at pagbutihan ko. Natakot kasi ako na baka hindi ako makapag-deliver.”

Parang mahirap paniwalaan ang sinasabi ni Carlo na he was afraid na he can’t deliver. Maraming beses na niyang pinahanga ang publiko sa kanyang husay sa pagganap in movies tulad ng Bagong Buwan at sa indie film na Sa Aking Pagkagising mula sa Kamulatan kung saan nanalo siya ng Best Performance by an Actor sa 6th Golden Screen Awards.

Pinaliwanag naman ni Carlo ang rason kung bakit siya tumatanggi noon sa mga proyekto na binibigay sa kanya dati.

“Never kasi pumasok sa isip ko na mahusay ako. Kahit na mga tao na ang nagsasabi na I was good in this or that movie, hindi ko matanggap sa sarili ko na I am good. Natutuwa ako na sinasabi ng mga tao na mahusay ako pero hindi ko ipinasok sa isip ko iyon. Kaya yung sinasabi ng mga tao na lumaki na ang ulo ko kasi marami akong tinatanggihan na projects, hindi sa dinedepensahan ko ang sarili ko. Takot lang talaga ako,” pahayag ng actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saan nanggagaling ang takot na iyon?

“Siguro sa sarili ko na baka hindi ko kayanin pero ngayon na nandito na ako uli, ini-enjoy ko na lahat. Hindi na masyadong nagpapa-pressure. Kasi pag masyado akong nag-iisip, ‘yun ang nangyayari, natatakot ako.”

Inamin din ni Carlo na natakot siya sa tiwalang ibinigay sa kanya ni ABS-CBN President at Maalaala Mo Kaya host na si Ms. Charo Santos-Concio.

“Oo, e, kasi nga dati nire-request ako ni Ma’am Charo na lumabas sa MMK. Nakadagdag pa iyon ng takot at pressure kasi nire-request ka ng boss mo. E, ngayon, gina-grab ko na ang opportunity. It doesn’t happen everyday na nire-request ka ng boss mo. E, ngayon may ginagawa akong episode ng MMK kung saan kasama ko si Lester Llansang. Twins ang role namin,” pahayag ni Carlo.



DUGONG BUHAY. Ano ang naging reaction mo nang alukin ka ng role ni Simon sa Dugong Buhay?

“Siyempre natuwa ako dahil matagal din akong walang show sa Channel 2. I am not sure kung tama ako pero ang last show ko sa Channel 2 was Bituing Walang Ningning. After noon ay gumawa ako ng shows sa GMA-7 and then ginawa ko ang Ang Utol Kong Hoodlum sa TV5.

“Dito sa Dugong Buhay, I play the role of the young Noni Buencamino. Sa akin nagsimula ang galit. Kinidnap ko si Victor [Ejay Falcon] tapos pinalaki ko siyang galit sa mga De Lara. So habang lumalaki siya ay puro galit ang itinatanim ko sa kanya para maghiganti siya. Kasi pinatay ni Aaron Villena ang tatay ko [Pen Medina] tapos napatay din si Valerie Concepcion who plays my wife. Nagwelga kami sa mansion ng mga De Lara. Nabaril doon si Valerie kaya ako nagalit kasi pati ang anak namin namatay. Ninakaw ko ang batang Victor,” kwento ni Carlo about his role.

Mga one week lang daw siya lalabas sa Dugong Buhay pero pwede sana raw ay may flashback na mga eksena para mapanood pa siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi mo napi-pressure ka dati so how do you handle the pressure now?

“Ever since kasi may pressure kasi feeling ko maganda iyon para sa isang artista. Kahit na siguro kahit saang propesyon, may pressure kasi doon mage-excel,” sabi pa ni Carlo.


Was there a time na nabagalan ka sa takbo ng career mo?

“Oo, lalo nitong the past three years. Sabi ko, anong nangyari? Oo, may farm ako. May tarpaulin printing ako. Pero ang acting ay isang karera. Ito acting ang pinili kong career. Ito ang gusto ko. Ito ang mahal ko na hindi ko naalagaan. Inaamin ko naman na fault ko iyon. Wala naman akong ibang sisihin sa bagay na iyon. Pero natuto na ako roon,” sagot niya.

Pero di ba under contract ka sa Viva Entertainment? Wala ba silang ginawa to push your career?

“Mayroon naman pero ako ang may problema kasi lagi akong nagdadalawang-isip. Pag ipinadala sa akin ang script, ang naiisip ko agad ay baka hindi ko kaya ito. Nasa akin talaga ang problema. Ngayon mas handa na ako,” wika niya.

Sa ngayon, si Carlo ay bahagi na ng Star Magic sa ilalim ni Mr. Johnny Manahan.

(CLICK HERE to read related article)

Ano ang nagbigay sa inyo ng inspirasyon para lumaban uli? Handa na ba si Carlo at harapin ang pressure ng showbiz?

“Ang family ko at saka naisip ko na rin na I should take responsibility for my life. Buhay ko ito kaya dapat alagaan ko,” sagot niya.

Biniro namin si Carlo, wala ka naman baby o anak na itinatago?

“Wala,” natatawa pero mabilis niyang sagot. “Iyon ang advantage ko kasi wala pa akong kailangan pakainin o pag-aralin. Wala naman akong itinatagong baby o asawa. Balak ko nga noon na magkaanak at the age of 25. I am now 27,” sabi ni Carlo.

Ano na ang gusto mong mangyari sa career mo ngayon? “Makaarte lang. Mapatunayan ko na kaya kong panindigan ang karerang ito.”


PORTRAYING DIEGO SILANG. Ginagawa rin Carlo ang indie film na “Gabriela Silang” which stars Tin Patrimonio, ang anak ng basketball star na si Alvin Patrimonio. Carlo is playing the role of Diego Silang. Ito ang debut film ni Tin na sumali dati sa Pinoy Big Brother Unlimited.

“Medyo naiilang pa siya pero kasama naman iyon sa process kasi baguhan pa siya sa acting,” ani Carlo sa kanyang co-star na si Tin.

Bukod nga rito, kasama rin si Carlo sa remake of the popular soap Anna Liza. Makakasama niya rito sina Zanjoe Marudo, Kaye Abad, Denise Laurel at ang newbie actress na si Andrea Brillantes.

Ayon kay Carlo, “Ako ang isa sa dinagdag na character. Ako ang kumidnap kay Anna Liza. Ginawa ko iyon kasi mahal ko si Kaye.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN