ABS-CBN acquires rights to Fernando Poe Jr. Film Library

ABS-CBN Broadcast Head Cory Vidanes, Ms. Susan Roces, ABS-CBN President and CEO Charo Santos-Concio




PRESS STATEMENT FROM ABS-CBN:


"Muling mapapanood ang iba’t ibang karakter na ginampanan ng nag-iisang Hari ng Pelikulang Pipino na si Fernando Poe Jr. na hindi lang nag-angat sa kanyang estado bilang artista kung hindi naglapit din sa kanya sa puso ng masa sa muling pagpapalabas ng kanyang mga obra sa ABS-CBN.


"Nakuha kamakailan ng ABS-CBN ang rights para ipalabas ang mga pelikula mula sa ekslusibong movie library ni FPJ, isang koleksyon ng mga pelikulang kinatampukan, sinulat, idinerehe, at ipinrodus niya. Dahil sa tunay na idolo si FPJ ng masa kung kaya’t ipapalabas ang mga ito sa free-to-air TV channels, cable TV channels, at The Filipino Channel ng ABS-CBN.


"Ayon sa president at CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio, minahal ng mga Pilipino si FPJ dahil naramdaman nilang mahalaga sila at ang kanilang mga kwento na naging bida sa kanyang mga pelikula. Minahal din siya ng masa dahil sa mabuting katauhan at ugaling isinabuhay niya sa likod ng kamera.


“Isang karangalan para sa ABS-CBN na pagkatiwalaan ng mga pelikula ni FPJ para muling mapanood ng kanyang mga tagahanga at makilala ng mga bagong henerasyon ang tinagurian nating Hari ng Pelikulang Pilpino,” aniya.


"Ilan sa mga papel na talaga namang tumatak sa masa ay ang mga karakter ni FPJ bilang Panday na tagapagtanggol laban sa kasamaan, ang mapagmahal na ama at mekanikong si Badong sa Isusumbong Kita sa Tatay Ko, ang masigasig na boksingerong si Totoy Bato, ang matulunging tsuper na si Nanding sa May Isang Tsuper ng Taxi, at ang respetadong barangay leader na si Berting sa Dito sa Pitong Gatang.


"Tunay na pamanang maituturing ang kanyang mga pelikula dahil ang kuwento o aral na mapupulot sa mga ito ay kumakatawan sa bawat ordinaryong Pilipino na handang gawin ang lahat para sa pamilya, nagmamalasakit sa kapwa, ipinaglalaban ang integridad, at masigasig na siyang tema ng kanyang mga obra.


"Para maipasa ito sa susunod na henerasyon at masiguradong ang alaala ng nag-iisang Da King ay mananatiling buhay sa bawat Pilipino kung kaya’t ipinagkatiwala ni Susan Roces at ng kanyang pamilya sa ABS-CBN ang rights sa FPJ library. Aniya, naniniwala ang kanyang pamilya at ag FPJ Productions na ABS-CBN ang tanging TV network na mailalahad nang maigi ang lahat ng mga obra ni FPJ dahil “malawak ang nararating” nito.


"Dagdag pa niya, nananatiling malapit si FPJ sa puso ng masang Pilipino dahil na rin sa pakikipaglaban niya para sa mga karapatan ng naaapi.


“Lahat ng roles niya sa pelikula, ang gusto niya, karpintero, o pulis, sundalo. Hindi mataas na opisyal, pero mga pangkaraniwang pulis o sundalo kasi sabi niya mas makulay ang buhay nila. Maski na doon sa ibang istorya, siya ang underdog. Karaniwan sa mga pelikula niya, ang prinsipyo at paninindigan ang bida. Kahit may leading lady, pwede niyang iwanan, mag-gu-good bye siya, pero itutuloy niya ang kanyang paglalakbay dahil sa prinsipyo at paninindigan,” sabi ni Susan.


"Ibinahagi rin niyang isinaalang-alang ni FPJ ang kagandahan ng Pilipinas sa kanyang mga pelikula. “Karamihan sa mga pelikula niya ay kinunan pa sa mga pook na hindi pa nararating noon ng mga sasakyan na ngayon ay tourist spots na,” ani Susan.


"Ilan sa mga pinaka-kilalang blockbuster films ni FPJ ay ang Ang Panday, Hindi Ka Na Sisikatan ng Araw, Batas ng .45, Totoy Bato, Kahit Konting Pagtingin, Iyo Ang Tondo, Akin Ang Cavite, Agila, Dito sa Pitong Gatang, Batang Quiapo, Isusumbong Kita sa Tatay Ko, Batas ng Lansangan, at Isang Bala Ka Lang, na mapapanood sa ABS-CBN, Studio 23, Cinema One, Jeepney TV, and TFC.


"Kilala rin bilang Da King, idineklarang National Artist ng Pilipinas si FPJ noong 2006. Nagwagi rin siya ng mga parangal mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) at nakilala sa pagtataguyod ng movie industry at ang kapakanan ng mga manggagawa nito.


"Abangan ang mga pelikula ni FPJ sa ABS-CBN, Studio 23, Cinema One, Jeepney TV, at TFC."


Ed's Note: When content falls under "Press Statement," this means that the material is fully and directly from the company issuing the press release. The use of open-and-close quotation marks to envelope the entire text shows as much. This also means that PEP is not the author of the statement being read. PEP is simply providing the information for readers who may be interested.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN