Jordan Herrera, nakabawi kay TJ Trinidad sa "Pinoy Mano-Mano"


Jordan Herrera (left, in blue) defeated TJ Trinidad in the pilot episode of ABS-CBN's Pinoy Mano-Mano: The Celebrity Boxing Challenge.



Nanaig ang kamao ni Jordan Herrera sa dating tumalo sa kanyang si TJ Trinidad. Labis naman ang hinagpis ni Juddha Paolo na natalo dahil sa isang injury. Naging kapana-panabik ang buena mano fights na naganap sa Pinoy Mano-Mano: The Celebrity Boxing Challenge noong Sabado, Oktubre 27, sa ABS-CBN.


Umapaw ang emosyon sa boxing ring sa undercard game ng unang episode ng Pinoy Mano-Mano, kung saan tampok ang laban nina Juddha Paolo at John Hall. Sa unang round pa lang ay napuruhan na ni John ang balikat ni Juddha. Halata na ang pagkabalisa ng huli dahil sa sakit na kanyang natamo sa kanyang balikat pero pinilit niyang lumaban. Sinubukang makasuntok ni Juddha pagdating ng 2nd round, pero isang minuto at 47 segundo pa ang natitira nang ipahinto na ng ring physician ang laban.


Kakaiba ang emosyon na ipinakita ni Juddha noong mga sandaling iyon. Hindi siya pumayag na ihinto ang laban, at nakiusap sa mga judges na tapusin kahit hanggang 2nd round lang. Pero hindi na sumang-ayon ang mga ito dahil malala na ang natamo ng balikat ng celebrity boxer. Kaya nagdesisyon na rin ang referee na itigil na nga ang laban ng dalawa. Dahil dito, maagang idineklara si John Hall bilang winner by referee stopping the game due to injury. Humingi naman ng paumanhin si Juddha sa kanyang mga ikinilos, dala lang raw ito ng kanyang matagal na paghahanda para sa laban at pagmamahal niya sa larong boxing.


Samantala, pinatunayan ni Jordan Herrera ang kanyang galing sa naturang sport nang manaig siya laban kay TJ Trinidad sa main event ng Pinoy Mano Mano para sa linggong iyon. Matatandaang nagka-engkwentro na ang dalawa sa isang practice game ng show at si TJ ang nanalo roon. Napadugo pa nga ng huli ang ilong ni Jordan. Dahil dito, pinag-igihan ni Jordan ang kanyang pag-eensayo, at nakita naman ang lakas at bilis ng kanyang mga suntok noong Sabado. Magaling rin ang ipinamalas ni TJ subalit nanaig ang dating Powerboy sa laban.


"Masayang masaya ako," ani Jordan matapos ang laban. "Nasuklian yung hirap, at araw-araw kong pagte-training." Makakatungtong na si Jordan sa semi-final round ng kompetisyon, kung saan ang premyo ay ibibigay niya sa kanyang kamag-anak na nangangailangan ng perang pampagamot. Sino kaya ang sunod na makakalaban ni Jordan?


Sa Sabado, November 3, magtatapat naman sina Michael Roy Jornales at Biboy Ramirez. Abangan ang mga maiinit na palitan ng kamao sa Pinoy Mano Mano: The Celebrity Boxing Challenge sa ABS-CBN pagkatapos ng TV Patrol Sabado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN