Meet the Top 8 of The Voice of the Philippines

The eight finalists of The Voice PH are all set to compete in the live show this Sunday, September 22, at the Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila. (L-R) Mitoy Yonting and Radha Cuadrado of Team Lea, Paolo Onesa and Myk Perez of Team Bamboo, Thor Dulay and Janice Javier of Team Apl de Ap, and Klarisse de Guzman and Morisette Amon of Team Sarah.


Kumpleto na ang walong maglalaban para sa live show ng The Voice PH itong dadating na Linggo, September 22, sa Newport Performing Arts, Resorts World Manila.


Tig-dalawang contenders mula sa apat na coaches (Lea Salonga, Bamboo Mañalac, Sarah Geronimo, at Apl de Ap) ang magpapakitang gilas sa naturang live show.

Ang walong aspiring “The Voice of the Philippines” title holders ay paglalabanan ang apat na slots para sa final live show sa September 29.

Kaya naman tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga paghahandang ginagawa ng mga finalists para sa Sunday.

Unang nagbahagi ang pambato ng Team Apl de Ap na si Thor Dulay.

Kuwento niya, “Ako ang paghahandang ginagawa ko para Sunday, hindi ako masyadong nagsasalita, nag-vitamin C para hindi magkaroon ng sakit, tapos ensayo din, palagi kong pinapakinggan yung song for Sunday.

“So yun, yung ginagawa ko.”

Pero bukod sa pag-alaga sa boses niya, paano ba niya pinaghahandaan ang tapatan nila ni Janice?

Pag-amin ni Thor, “Si Janice powerhouse ‘to, e.”

Pabirong banat niya, “Mabigat na kalaban ‘to.” Natawa ang ilang mga press dahil hindi naman kaila na isang plus size woman ang kalaban ni Thor na si Janice.

Bigla kambyo naman si Thor, “Uy, no [offense], ha?” Pagpapatuloy niya, “Siyempre si Janice hindi mo kailangan maliitin.” At nagtawanan na naman ang lahat ng press na nasa loob ng Dolphy Theater.

Kaya pabirong pagbabanta ni Janice, “Alam ko kung saan ka nakatira.”

Paglinaw ni Thor, “Pero seryoso kailangan talagang paghandaan talaga, kasi itong ano na ‘to, one step na lang sa finals kaya talagang itotodo na.”

Matapos ni Thor ay nagkuwento na rin si Janice Javier nang mga paghahandang ginagawa niya para sa live performance sa darating na Linggo.

Pabirong bungad niya, “Unang-una pinagdadasal ko si Thor, ‘di joke lang!”

Ibinahagi ni Janice na mayroon siyang vocal condition, “Kasi po before ako sumali sa The Voice meron na po akong vocal condition.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Meron po akong polyp o cyst sa vocal chords, na hindi ako puwede mag trabaho every night, hindi ako puwede kumanta every night, hindi ako puwede mapagod in other words.

“Pero when you’re in The Voice kailangan mag ensayo every day, may recording, may rehearsal, ang daming activities so I make it a point na mag-bisita sa doktor ko. Awa ng Diyos nandun pa rin siya.

“I think kakambal ko na siya, pero yun nga as much as possible less use of voice pero mahirap gawin.”

Naikuwento ni Janice na nagtrabaho siya sa Bangkok ng matagal kaya naman todo rin ang suporta ng ma kaibigan at mga nakatrabaho niya sa kaniya. “I communicate with my friends sa labas ng Pilipinas kasi isa sila sa mga biggest supporters ko especially sa Bangkok, tapos ang pinaka last preparation ko for Sunday is to go to the church in the morning.”

Ibinahagi rin ni Janice ang kanyang Sunday routine kasama ang kaniyang magulang, “Kasi usually ang call time namin is 1 pm, malapit lang kami doon sa Resorts World, so nagsisimba na kami ng Mommy at Daddy ko sa St. Therese Church.

“I pray and talagang naging habit ko na mag light ng candle for my family, for myself and lastly for everybody sa The Voice na lahat kami bigyan ng strength and power to face everybody, especially the crowd, bago mag perform.

“Kasi very important yung prayers.”

Kung matinding prayers ang ginagawa ni Janice ay tulog at pahinga naman ang ginagawa ng Kamp Kawayan’s “Crooner of Jazz” na si Paolo Onesa.

Saad niya, “Yung paghahanda ko, pag may time, natutulog talaga ako, pag may time.

“Yung schedule din kasi hectic talaga, ang daming ginagawa.

“Nagpapahinga ako pag may time, nagpractice.”

Bukod sa boses ay pinaghahandaan din ni Paolo ang makakatapat niya na si Myk, “Yung paghahanda ko laban kay Myk, yung sa kanya acoustic. Yung sa akin naman sabi ni Coach Bamboo, 'Crooner of Jazz' yung style ko, so yun ang paghahandaan ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang ang iba ay todo ensayo sa mga kanta nila, iba naman ang style ni Myk Perez. Ibinahagi ni Myk na todo ensayo siya isang linggo bago ang performance, “Sa akin naman po yung song po this coming Sunday ineensayo ko po siya week before.

“So para this coming performance night hindi po ganun ka-stress yung boses ko.

“Pag dadating naman po ang live shows dun ko na lang po ulit pinapasadahan yun mga songs para lang po ma-remember ko yung lyrics kasi po sa akin I believe na pag nagpractice ako.

“I have to feel the song na rin po, e. Yun din po sabi sa amin ni coach [Bamboo], kaya sinusunod ko po. Pero ano pa rin po talaga, tamang tulog.”

Kung si Myk ay pinapahinga ang kanyang boses bago ang performance, si Klarisse de Guzman naman ng Team Sarah ay todo practice hanggang sa banyo. Kuwento niya, “Ako todo po yung practice as in paulit ulit kahit sa CR kumakanta ako.

“Tapos nag-iisip po ako ng ibang puwedeng gawin sa song para gumanda.

“Like nanonood ako ng videos ng iba’t ibang versions kasi mabigat na yung laban kay Morisette kasi total performer ‘to, e.

“So kailangan mas galingan pa.”

Nape-pressure ba si Klarisse sa makakalaban niyang si Morisette?

Sagot niya, “Opo, nape-pressure po ako kasi si Morisette total performer na ‘yan, e. So kailangan pantayan ko ‘yan.”

Na-flatter naman ang isa pang pambato ng Team Sarah na si Morisette Amon pero ikinuwento niya na threat para sa kanya si Klarisse kaya todo rin ang paghahanda niya.

“Naku! Ito rin si Klarisse nakakatakot kasi iba rin yung boses niya,” sabi ni Morisette.

Pagpatuloy niya, “Hindi na niya kailangan bumirit para magpa-impress.

“Gaya nga nung sinabi ni coach [Sarah] pag kumakanta siya naririnig yung soul niya.

“Tapos patahimik-tahimik lang siya pero grabe din naman talaga pag nagperform.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So threat talaga si Klarisse para sa akin and I think sa buong group threat talaga si Klarisse.”

Kung ang iba ay kinakabahan at todo handa marami naman ang nagsasabi na ang beteranong si Mitoy Yonting ay wala ng kailangang paghandaan pa.

Ganun man ang tingin ng iba ay hindi naman kampante si Mitoy. Sabi niya, “Ang pagahahanda… pahinga lang din. At saka hindi lang naman yung pagkanta yung pinaghahandaan, pati yung magiging resulta.

Ano ang komento niya sa mga taong nagsasabi na hindi na niya kailangan mag handa?

Sagot niya, “Ay siguro nga dahil sa experience, naghahanda ako at para sa sarili ko na lang na hindi ako aalalay parang boxing ‘yan, hindi ka puwedeng magbaba ng kamay baka tamaan ka ng isa, tulog ka!

“Ganun din ako, kahit na alam ng mga tao na may experience ako, sanay sa entablado ay hindi ako nagpapabaya.”

Paano niya pinagahahandaan ang tapatan nila ni Radha?

Nagbiro ang singer at sinabing, “Parang tanong din kay Thor ‘to, e.” Natawa ang lahat dahil nung ikinukuwento nga ni Thor ang paghahanda laban kay Janice ay may mga sagot ito na binigyan ng ibang kahulugan ng mga tao.

Sabay bawi ni Mitoy, “Hindi, gaya nga niyan hindi ako nagpapabaya ganito pa makakatapat ko, Radha na nga ‘to, itong babaeng ‘to!”

At nagbitiw pa ng punch line si Mitoy, “She’s always, Radha [ready]. Are you Radha?”

Inamin naman ng isa pang beterano sa pagkanta mula sa Team Lea na si Radha Cuadrado na matindi rin ang pahahanda niya laban kay Mitoy.

Pag-amin niya, “Medyo matindi yung paghahanda ko dito, e. Kasi si Mitoy na ‘to, e. Mitoy is formidable.

Humirit bigla ang komedyanteng si Mitoy, “Spell?”

At binalikan naman ito ni Radha ng, “Huwag na lang! I-google mo na lang.”

Pero paglinaw niya, “Preparation ko po nagdadasal po ako tapos meditation, visualization, lahat ng 'tion' kasi mashonda [matanda] na ako, kailangan talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi ‘di ba po pag nasa competition kayo…"

Inamin ni Radha na ang The Voice PH ang unang singing contest na sinalihan niya, “Actually first time ko po talaga mag compete.

“So hindi ko akalain na ganito kahirap pala.

“Kasi araw-araw kayo bumabanat, araw-araw kumakanta, tapos may pressure na dapat performance level 110% kung puwede, ‘di ba?

“Honestly hindi ko po talaga alam yung dapat na paghahanda so ginagawa ko na lang po yung pagdarasal at mentally and emotionally prepare."

Sino sa kanila ang matitira upang makamit ang titulo na kauna-unahang “The Voice of the Philippines?” Abangan ang nalalabing apat na live shows sa September 21, 22 at sa grand finals na gaganapin sa September 28 at 29.


Ang mananalo ay makakatanggap ng P2 million, Ford Focus, 4-year contract with MCA Music and Asian Tour for two.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN