Janine Gutierrez on being given her biggest acting break in Villa Quintana: “Pakiramdam ko, parang ito na po ang make or break ko.”


Kauna-unahang serye na pagbibidahan ni Janine Gutierrez ang remake ng dating mid-'90s teleserye ng GMA-7 na Villa Quintana.

Sa November 4 na ang pilot episode nito at aminado si Janine na magkakahalong excitement, kaba, at pressure raw ang nararamdaman niya dahil dito.

Gaano ba kalaki ang pressure ngayon na hindi na supporting role kundi lead role na ang gagampanan niya?

“Kinakabahan naman po ako sa inyo,” natatawang sabi niya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng Villa Quintana noong Biyernes ng gabi, October 25, sa 17th Floor ng GMA Building.

“Hindi, ano po, sobrang laki ng pasasalamat ko po na napasama po ako sa cast. Parang nerbiyos na excited na yun, magkahalo po talaga ang nerbiyos at excitement.”

Saan siya nakakaramdam ng mas matinding nerbiyos? Sa rating ba? Sa posibleng maging komento sa ipapakita niyang pagganap? O baka naman mas kabado siya kung tatanggapin ng mga manonood ang loveteam nila ni Elmo Magalona?

“Hindi po, parang ano... sa sarili ko lang, naiisip ko na parang kailangan galingan ko. Kailangan masulit ko yung chance na binigay sa akin ng GMA.

“So, mostly yung pine-pressure ko ang sarili ko na pagbutihan,” pag-amin ng dalaga.

RIPE FOR LEAD ROLES? May dalawang taon na rin simula nang pumirma si Janine sa Kapuso network ng three-year contract.

Pero, ngayon lang siya nabigyan ng pagkakataon na makapag-lead.

Hindi ba siya nainip?

Nangiti ito saka sinabing, “Meron naman po akong Party P at saka Sunday All Stars.”

Hindi siya yung nagsabi o kahit paano ay nangulit ng ibang project?

“Ah, siguro po, si Mama [Lotlot de Leon] po ang kinulit ko,” natatawa niyang sabi.

“Siya po yung manager ko, e.”

Masasabi naman kaya niya na hinog na hinog na nga siya para ilunsad na bida sa isang teleserye?

“Opo, parang naramdaman ko po na ito ang gusto kong gawin. Gusto kong matuto kung paano talaga. Yung talagang ayokong masayang ang opportunity.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pakiramdam ko, parang ito na po ang make or break ko.”

Natawa rin siya nang sabihin namin na alisin na niya ang salitang “parang” dahil ito na nga yun.

STILL STARSTRUCK OVER DONNA CRUZ. Noong Linggo, nag-guest sa Sunday All Stars si Donna Cruz.

Si Donna ang orihinal na gumanap bilang si Lynette sa Villa Quintana at marami ang nakakapansin na may pagkakahawig silang dalawa.

Walang-duda na masaya naman si Donna na si Janine ang gaganap sa dati nitong karakter dahil nakita naming pinost pa ni Donna sa Instagram account nito ang larawan nila nang magkita sa SAS noong isang Linggo.

Nakangiting sabi naman ni Janine, “Hinabol ko po siyang talaga. Gusto kong magpa-picture!”

Magkakilala na ba sila?

“Actually, nakikita-kita ko siya noong bata pa ako dahil ka-loveteam po niya si Uncle Ian [de Leon]. Minsan, kapag may birthday po kaming magkakapatid, inaaya siya ni Uncle Ian. Kasi, alam ni Uncle Ian na idol namin siya.

“Hinahanap ko nga po yung picture namin noong bata ako, hindi ko pa mahanap,” masayang sabi niya.

Natatandaan naman daw siya ni Donna?

“Hindi ko po alam, hindi ko po natanong yun. Hindi ko rin po alam kung alam niya na kamag-anak ko si Uncle Ian. Pero, sabi po niya, congrats, bagay raw sa akin ang role. Alam niya na ako po ang magiging Lynette.”

Noong hinabol niya ito para makapagpa-picture siya, ano ang sinabi niya rito?

“Kasi po, sinabi ko na po sa buong production kung puwede po akong magpa-picture kay Ms. Donna. So, yun po, inabangan ko lang po siya.

“Ako po, talagang, 'oh my god, Donna Cruz!' Tapos, noong kumakanta po siya, parang kinikilig-kilig pa 'ko.

“Kasi, nakaka-starstruck po siya, parang walang nagbago sa hitsura niya, grabe. Tapos, actually, magpapakilala pa po ako.

“Pero, noong makita niya ko, yung hitsura niya, excited din. Parang congrats nga raw po, good luck, bagay raw po.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong ginawa ni Donna ang Villa Quintana, walang duda na yun ang panahon na isa si Donna sa mga sikat na artista ng Kapuso network.

Nandoon na rin ba si Janine sa kaisipan na sana nga ay makasunod siya sa naging kasikatan din ni Donna noon?

“Ayoko pong mag-expect. I just take it day by day na talagang pagbutihin lahat ng eksena, ‘wag sayangin ang mga binibigay na chance. Ganun po.

“Parang hindi ko pa po naisip na papunta roon.”

Si Elmo Magalona ang leading man niya rito.

Kumusta naman sila?

“Okay po,” nakangiti niyang sabi.

“Magkasundo po kami at saka, matagal ko na rin po siyang kilala sa Party P, pero, ngayon lang po talaga yung magkasama kami sa soap.”

SUPPORTIVE JULIELMO FANS. Nandiyan pa rin ang mga fans ng JuliElmo loveteam.

Hindi ba siya nakakatanggap ng mga pangba-bash?

Pag-amin niya. “Hindi naman po, actually, napaka-supportive nga po nila, totoo.”

“Siguro po, mas nangingibabaw ang saya nila na may project si Mo ngayon at makikita na nila si Mo sa TV. So, yun, may mga natatanggap po akong tweets na, 'Janine, susuportahan namin ang palabas niyo.'

“Yung mga Twitter fans ni Elmo, talagang nagpapasalamat po ako.

“Kung meron man pong nagba-bash, hindi ko na rin po natatandaan kasi, mas nangingibabaw po yung suporta.

“At saka, naiintindihan ko naman po na may mga favorite pairing ang mga fans, pero, nagpi-pray po ako na sana, matanggap nila.”

Sa career niya, mas gusto ba niyang ma-identified na may ka-loveteam?

Aniya, “Hindi ko po naiisip yun, pero, kung anuman po, blessing pa rin po yun.”

PILITA, THE STAGE LOLA. Kinumusta rin namin kay Janine ang kanyang “Mamita” na si Pilita Corales kung ano ang reaksiyon nito ngayong may launching series na ang kanyang apo.

Aniya, “Ay naku, si Mamita, napaka-stage lola po niyan!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Grabe, she’s so supportive. Kapag wala akong ginagawa, parang siya yung kinakabahan. Kapag meron akong palabas, pinapanood niya, inaabangan niya.

“At saka, alam mo yung nag-aalala siya kung may mga damit ka ba, may mga sapatos ka ba.”

Nagsasabi ba siya rito kung may kailangan nga siya kahit mga damit o sapatos?

Natatawa niyang saad, “Naku, si Mamita, kahit hindi ka humingi, magpapadala talaga siya.”

Mas stage lola ba si Mamita kesa stage mom ang mommy niya?

“Baka!” natatawang sabi niya.

“Si Mama po kasi, binibigyan din niya 'ko ng space na talagang matuto on my own. Pero, naka-alalay pa rin siya palagi.

“Si Mamita, alam niyo po yung lambing-lola na talagang hands-on. Yung parang ganun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN