John Lloyd Cruz hopes Home Sweetie Home will bring back popularity of sitcoms on television




Sa pagpasok ng taong 2014 ay ang bago at kauna-unahang sitcom ni John Lloyd Cruz kasama si Toni Gonzaga ang magiging pang-opening salvo ng ABS-CBN.

Simula sa Linggo, January 5, pagkatapos ng Goin’ Bulilit ay mapapanood na ang Home Sweetie Home.

Mapapanood uli si John Lloyd sa telebisyon pagkatapos ng kulang isang taon. Huli siyang napanood sa 2013 teleserye na A Beautiful Affair.

Sa Home Sweetie Home, gaganap sina John Lloyd at Toni bilang mag-asawang parating nakakasama ang kanilang extended family, at ipapakita rita ang mga iba’t ibang klaseng nakakatawang isyu sa ganyang klaseng set-up. Ang karakter ni John Lloyd ay isang medical representative samantalang ang karakter ni Toni ay isang teacher.

Sina Sandy Andolong at Rico J. Puno ang mga magulang ni Toni samantalang sina Clarence Delgado at Miles Ocampo naman ay mga kapatid ng karakter ni Toni.

Ani John Lloyd, “After several months of waiting in vain, finally, nakakasa na.”

Nakangiting pahayag din niya, “Actually, matagal na kaming nakakasa rito. Nausog lang ng nausog.

“Pati yung pelikulang ginagawa ko, nausog din siya, kaya, pwera usog,” biro pa niya.

Matagal man siyang naghintay sa pagpapalabas ng kanyang sitcom, heto’t ginawa pang pambungad na taon ng Kapamilya network.

“Actually, happy ako ang ganda ng time-slot namin. We’re opening January 5, after Goin’ Bulilit. So, ang ganda ng pre-programming.

“Tapos, lipat sa pampamilyang sitcom. I’m very happy na sa final timeslot na binigay sa amin.”

Sanay ang manonood at kilala rin naman si John Lloyd sa mga drama sa telebisyon na pinagbibidahan niya.

Pero ngayon, pagpapatawa ang ginagawa niya.

Ang sitcom ba ang isa sa talagang gusto niyang gawin?

“Oo naman, matagal ko ng pinapangarap. Although dati, gusto naming magka-sitcom nila Vhong [Navarro] plus sila Zanjoe [Marudo]. Si Zanjoe kasi, original na Kanto Boys yun, kasama namin.

“Kaya lang, nag-evolve into something like this, which is, wala rin naman akong mako-complain dahil napakaganda ng aming material.”

Hindi ba siya nahirapang mag-switch mula sa drama sa pagpapatawa?

“Tingnan niyo kung mukha akong nahirapan,” sabi niya.

“Kasi, natural naman. Natural yung camaraderie na meron ang pamilya. Tingin ko, hindi naman.

“Hindi sa sinasabi kong minamani ko yung ano—pero, nag-e-enjoy ako. Nag-e-enjoy kami.”

At reunion din nila ni Toni Gonzaga ang Home Sweetie Home mula sa pinagsamahan nilang pelikula noon na My Amnesia Girl.

“Oo,” saad niya.

“I’m very happy. At kapag napapalapit tayo kay Toni, kakaiba. Kasi, fan ako ni Toni kaya ganun.”

Personal choice niya ba si Toni na maging kapareha?

“Wala, wala naman akong ganun. Basta yung, pinapili kami kung anong material. Kung ano ang show na gusto namin.

“I believe, si Toni rin naman pinapili and I guess, ito yung strongest na inoohan namin.”

Diretsahan namang tinanong si John Lloyd kung bakit sitcom ang pinili niyang gawin.

“Why not?” natatawang sagot ng aktor.

“Kasi, nanggagaling siya sa intensiyon na, sobra kong namimiss ang sitcom. Pati yung panahon na Abangan Ang Susunod Na Kabanata, Palibhasa Lalaki, Home Along da Riles, yung gabi-gabing may ganun.

“Ang sarap ibalik. Tinatanong ko nga yung mga boss natin, bakit po hindi natin ibalik yung...ang sarap ng may ganun.

“After dalawa, tatlong teleserye, meron kang sitcom. Siguro, unti-unti. Ito ang ambitious dream namin para rito, sa Home Sweetie Home. Na maibalik.”

Mag-asawa ang karakter nila ni Toni sa Home Sweetie Home.

Puwede kayang sabihin na parang sitcom noon nina Dolphy at Nida Blanca na John en Marsha ang sitcom nila ngayon?

“Yun nga ang sinasabi ko, kasi, yung John en Marsha, naging ano siya, para siyang representative ng Pinoy households.

“So, hindi malayong maihalintulad yung household na meron kami sa Home Sweetie Home sa ganoong klase.

“It’s typical Pinoy household. But, to begin with, hindi ito version ng John en Marsha na modern day.

“Kumbaga, sinasabi ko lang, kahit na anong Pinoy households, maihahalintulad mo sa household nina John en Marsha. Parang hindi kami naiiba. Parang kami rin naman, puwede mong sabihin na, parang kina John en Marsha.

“Well, people can compare, pero, hindi namin intention.”

Kung sakali, gusto ba niya na ang Home Sweetie Home ay maging ala-John en Marsha?

“Well, sino ba naman ang hindi gugustuhin na magtagal ang sitcom especially kung kasama mo si Toni at pamilya na meron kami sa show.

“Siyempre, ultimate dream rin namin yun mula kay Ms. Linggit [Tan] hanggang sa aming mga artista, yun ang gusto namin.”


Sa tuwing may bago siyang proyekto, tulad nga ng Home Sweetie Home, naaapektuhan pa rin ba siya ng pressure?

“Well, nandoon pa rin yung tinatanong mo kung magustuhan kaya, kasi, at the end, alam natin kung ano ang laro.

“Kung ano ba ang importante, siyempre, mas gugustuhin namin na sana, tangkilikin. Kung hindi, alam mo yung ganun, yung ganoong pressure, mas ganoon ko siya tinitingnan.

“Mas napi-pressure pa ko kapag kailangan kong lumabas sa harap ng mga tao. Like sa ASAP, kapag lumalabas ako sa ASAP, parang bago.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN