Alwyn Uytingco downplays comparisons of Beki Boxer with My Husband's Lover



Big break para sa aktor na si Alwyn Uytingco ang maging bida sa bagong series ng TV5 na Beki Boxer.

Bida si Alwyn sa naturang gay comedy series na mula sa direksyon ni Jade Castro.

Gagampanan ni Alwyn ang role na Rocky na isang bading pero makikilala dahil sa husay niya sa pagiging isang boxer o boksingero.

Ayon sa aktor, hindi siya nagdalawang-isip nang ialok sa kanya ang title role sa Beki Boxer. Gumanap na kasi siyang bading noon para sa pelikulang Ang Tanging Ina.

“Nakatatlong pelikula yung Ang Tanging Ina at bading ako sa lahat. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na gawin itong Beki Boxer.

“Unang-una, title role na ito na sobra kong kinatuwa. Matagal na akong gumagawa ng mga teleserye sa TV5 at halos lahat kontrabida ako or melodrama.

“This time, comedy na may konting drama. Pero ang kabuuan ay comedy siya kaya bakit ko naman siya hindi gagawin?

“Feeling ko naman na kahit na sinong alukin ng role na ito sa Beki Boxer ay tatanggapin niya. Iba kasi, e, and I feel lucky na sa akin inalok ang role na ito,” pahayag pa ni Alwyn nang ma-interview siya sa showbiz segment ng News5 kamakailan.

Physically demanding ang role ni Alwyn sa Beki Boxer kaya nagsimula na siya sa kanyang training para sa mga malalaking eksenang kukunan.

“Pang-professional boxer nga ang naging training ko para sa show na ito.

“Ako naman, sanay na ako sa martial arts. Nag-Muay Thai training na ako before dahil sa role ko dati sa Cassandra: Warrior Angel last year.

“Naging sport ko rin ang boxing dahil big fan ako ni Manny Pacquiao. Kaya todo ensayo tayo kasi big boxing scenes ang kukunan namin muna.

“Sinasabayan ko rin ng diet—disiplina sa pagkain at bawal ang gumimik at mapuyat. Kailangan alagaan ko ang sarili ko para okay parati ang kondisyon ng katawan natin.”

Magiging love interest ni Alwyn sa Beki Boxer si Vin Abrenica. Magiging karibal naman niya sa pagtingin kay Vin ay si Danita Paner.

Kuwento pa ni Alwyn na matutuwa ang marami sa love triangle nila sa Beki Boxer.

“Pag-aagawan namin dito ni Danita si Vin. Si Vin kasi, kababata ko siya na matagal ko nang crush pero hindi niya alam na may gusto ako sa kanya—hindi niya alam na beki pala ako.

“Sabay kaming nag-eensayo sa boxing, pero hindi niya alam na pinapantasya ko siya kapag nagte-training kami.

“Siyempre, may kontrabida sa amin at si Danita iyon. Abangan nila ang mga eksena namin ni Danita. May tarayan kami rito dahil kay Vin.”

Meron din namang magkakagusto na babae rito kay Alwyn na gagampanan ni Claire Hartell.

“Si Claire dito ay kababata namin ni Vin. Siya ang may crush sa akin kahit na alam niyang beki ako.

“Pinagdarasal niya na maging tunay akong lalake dito. Pero siyempre, hindi papayag ang lola n’yo sa gusto niya, ‘di ba?” sabay tawa pa ni Alwyn.

Kasama rin sa cast ng Beki Boxer sina John Regala, Christian Vazquez, Joross Gamboa, at Onyok Velasco.

Ang Beki Boxer ang sinasabing sagot ng Kapatid Network sa hit beki-serye ng GMA-7 na My Husband’s Lover.



ON COMPARISONS WITH MY HUSBAND'S LOVER. Aminado si Alwyn na hindi maiiwasan na ikumpara ang Beki Boxer sa My Husband’s Lover dahil nga sa gay theme nito. Pero iba naman daw ang maio-offer ng kanilang show ngayon.

“Feeling ko, mako-connect lang siya because of the gender issue.

“Pero the whole concept is very different in the sense that it also involves a sport.

“Hindi naman siya nakaka-pressure for me kasi ibang platform yung pupuntahan ng show namin.

“Yung My Husband’s Lover, drama siya, e. Kami comedy talaga. Katuwaan lang talaga.”

Since 2011, isang Kapatid talent na si Alwyn at hindi siya nabakante pagdating sa mga teleserye.

Nagawa niya ang Babaeng Hampaslupa, Nandito Ako, Sa Ngalan Ng Ina at Cassandra: Warrior Angel.

Gumawa rin siya ng mga comedies tulad ng Iskul Bukol, Kapitan Awesome at ang gag show na Lokomoko U at Tropa Mo Ko Unli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN