Maricel Soriano on her character in Ang Dalawang Mrs. Real: "Hindi ko kayang magbigay ng ganyang klaseng love."


Sa dinami-rami na raw ng karakter na ginampanan ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa buong buhay niya bilang isang aktres, kahit siya raw, kung minsan ay napapaisip at napapatanong sa sarili niya kung bakit iba siyang mag-react ngayon sa karakter niya bilang si Millet sa primetime series nilang Ang Dalawang Mrs. Real sa GMA-7.

Bilang isang legal na asawa na napaka-elegante, mabait, maalalahanin sa mister nitong si Dingdong Dantes bilang si Anthony Real ang ginagampanan niya.

Pero, sa kuwento, nagkaroon na si Dingdong ng ibang asawa pa, si Lovi Poe.

Bakit nga ba parang naging masyado siyang "involved” ngayon sa karakter niya?

Ayon kay Maricel nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping nila, “Ewan ko rin, baka naman nga ngayon lang ako nag-react ng ganito? Yung pakiramdam na ang dami ko rin nagawang series sa Maricel Drama Special noon, parang bakit ngayon ka lang umaarte ng ganyan?

“Kinausap ko pa ang sarili ko. Parang yung 5 seconds, hindi ka makapagsalita. Ano ba ‘to? Tong-its o pusoy-dos na lang,” natatawa niyang sabi.

Dugtong din niya, “Siguro, naano ko yung part na ganito, noong mamatay ang daddy ko, ang mommy ko, totoo ‘to ha, yung lahat ng pangaral, all of a sudden, it was so very clear in my head.

“Napaka-vivid nila. Parang hindi mo na kailangan mag-idiot board. Napakaliwanag. Alam mo na ang essence ng lahat ng sinabi nila, hindi mo lang memorize, ngayon, memorize na memorize mo na lahat ng pangarap.”

Parang kung ibabase niya sa totoong mga karanasan sa buhay, nadala na rin siya?

“Marami kasi, parang sinasabi ng Daddy ko, anak, nangunguna ka kasi, bruha ka kasi,” natawang kuwento niya.

“Ang Daddy ko kasi, ganyan magsalita. Kapag si Daddy ko ang kaharap ko, ako. Akong-ako,” saad niya.

Kung sa totoong buhay, gagawin din ba niya ang ginagawa niya ngayon sa Ang Dalawang Mrs. Real bilang si Millet Real?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naku, huwag naman, hindi ako si Millet,” mabilis niyang sabi.

“Yung totoong ako, ay, idedemanda ko siya. Alam mo, kung ito ay sa totoong buhay at ako talaga, kapag sinabi mo sa Tagalog na ito ay isang malaking babala, sa English, threat, ay naku, hindi puwede.”

May mga nagsasabi na humahanga sila sa cast ng serye nila dahil halos lahat daw, magagaling umarte at pinagsama-sama silang lahat sa seryeng ito.

May impresyon nga ang manonood na parang nag-a-adlib lang sila sa mga eksena.

“Hindi, siguro ang sagot ko ron, kasi, parang hindi kami umaarte. E, artista na nga kami, aarte pa ba kami?

“Ang hilig naman kasi ng mga arte-arteng ‘yan, hindi kami maarte,” natatawang sabi niya.

Naaliw naman ang ilang press na bumisita sa taping dahil masaya si Maricel na nagkukuwento talaga ng masayang set daw nila.

Kumusta naman sila ni Dingdong ngayon?

“Patay na kami,” natatawang biro niya.

“Patay na kami sa pagod. E, kasi, may nagtanong sa akin noong isang beses, hindi ka ba kinikilig kay Dingdong?

“Ako?! Paano naman ako kikiligin sa kanya, e, maganda pa nga siya sa akin sa gabi. Kayo naman. Bakit ganun? Mahirap ‘yang mga question and answer niyo.”

Mas “smooth” pa ba ang mga eksenang magkasama sila o kahit yung kailangang magpakita nila ng intimacy bilang mag-asawa?

“Ay oo, pati si Lovi. Although kami ni Lovi, isa pa lang. At nakakaloka, tinginan. Eksena ba yun, tinginan?

“At saka ano, Mrs. Real ka rin? Ay oo, malapit na.”

Posible bang kapag dumating na ang kumprontasyon nila ni Lovi, sampalan, sabanutan ang puwedeng mapanood?

“Siyempre, hindi naman ako ang director. Kung ako, ano, no left-turn, no right turn, no U-turn, one way?” natawang sabi niya.

“Depende, e. Depende sa kung ano ang ibibigay nila sa aming script. Ano ba ang gagawin?

“Kung ako talaga, hindi ito ang istorya ko. Hindi ko kayang magbigay ng ganyang klaseng love, darling.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dugtong pa niya ng natatawa, “Hindi pupuwede yung ganyan, unconditional [love], hindi talaga. E, yun ang binigay ni Millet.”

Sa loob ng dalawang Linggo na naipapalabas ang Ang Dalawang Mrs. Real, kinamusta naman namin kay Maricel ang mga “feedback” na natatanggap niya?

“May mga kaibigan akong nagte-text, ang ganda. Ang ganda naman at saka ang bilis. Yun ang sinasabi nila sa akin na tumatak sa utak ko.

“Mabilis daw ang pangyayari at ang ganda!”

Yung mga pag-arte nila ang napapansin at isa raw yun sa talagang tuwang-tuwa rin naman siya.

“Doon ako proud na proud dahil siyempre, ‘di ba, sabi ko nga, talaga bang hindi mo ko binibiro? Hindi raw, hindi raw sila nang-e-etchos.

“Pero, masaya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN