Ang Victor Magtanggol ang unang show ni John Estrada sa GMA-7 nang lumipat ito mula sa bakuran ng ABS-CBN noong May 2018.
Umere ang naturang fantasy series na pinagbidahan ni Alden Richards mula July hanggang November 2018.
Ang naging katapat na show ng Victor Magtanggol ay ang Kapamilya action series na FPJ's Ang Probinsyano.
Sa kasalukuyan ay nasa Kara Mia naman si John na incidentally ay kalaban rin ng Ang Probinsyano.
Sa March 10 screening ng The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story sa SM City Lipa, Batangas, tinanong namin si John kung ano ang pakiramdam na laging nakakatapat ng show ni
Coco Martin ang mga teleserye niya sa GMA.
Ani John, “Well, masaya kami, masaya kami dahil kahit papaano ay nakakalaban naman.
“Marami naman ang nakakagusto sa Kara Mia, na kakaiba daw, ganito-ganito. So happy ako at kahit papaano, e, lumalaban kami.
“At marami pa po kaming mga sorpresa na ipapalabas na I’m sure hindi bibitawan ng tao.”
Personal raw silang magkakilala at magkaibigan ni Coco.
“Oo naman! Ilang proyekto kami ni Coco na magkasama.”
At rebelasyon ni John, napaguusapan nila ni Coco ang pagtatapat ng kani-kanilang teleserye.
“Minsan nagte-text siya, ‘Kuya John,’ ganun-ganun, ‘good luck sa ano.’
“Sabi ko, ‘Thank you!’
“Ganun, ang bait, mabait naman si Coco.
“Saka, well dati pa naman, nandun pa ako sa kabila, hindi talaga kami naniniwala sa network war.”
“So kami, nandito kami para lang magtrabaho. Siyempre po dahil may pamilya tayong lahat, di ba?”
May chance ba na muli siyang bumalik sa ABS-CBN?
“Meron naman po.”
Per project ang kontrata niya sa GMA.
“Opo. Talagang sinabi ko naman sa boss na, iyon po, e, ipinangako ko naman sa mga boss, specifically si Ninang Boss ko, si Tita Cory, na hindi ako mag-e-exclusive.”
Ninang sa kasal nina John at Priscilla Meirelles ang TV executive ng ABS-CBN na si Cory Vidanes.
Samantala, sa The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story ay gagampanan ni John ang yumaong alkalde ng Tanauan, Batangas na si Mayor Antonio “Thony” Halili. Pinaslang ang Mayor noong July 2, 2018 sa flag-raising ceremony sa mismong harap ng munisipyo ng Tanauan.
Mahusay si John sa naturang pelikula. Umaasa ba siya ng acting nomination o award para sa naturang pelikula?
“Ay, naku po! Ako po ay hindi gumagawa ng proyekto para lang po sa award.
“Hindi po talaga ako… it’s a plus na lang po 'yan at saka icing on the cake, kung ma-recognize man ako.”
Kahit mayor ang papel niya sa pelikula, wala raw siyang planong pasukin ang pulitika sa tunay na buhay.
Nagsasalita na ba siya ng tapos?
“Well, alam niyo, ayoko yung balang-araw na babalikan niyo ako, ‘Ito talaga si John Estrada…’
“But I will probably say na wala po talagang plano at ayoko po talaga sa pulitika.”
Pero ilang beses na siyang hinikayat na tumakbo bilang isang public servant.
“Ay marami na po, opo! Kahit na sa amin sa Zamboanga.”
Hindi raw niya linya ang pulitika.
“Hindi po talaga.”
Hindi raw siya naiinggit sa mga kaibigan niyang sina Joey Marquez (na dating Mayor ng Parañaque), at Richard Gomez (na Mayor ngayon ng Ormoc).
Samantala, sa direksyon ni Ceasar Soriano (at sa produksyon ng GreatCzar Media Productions), mapapanood sa mga sinehan ang The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story sa May 22.
Bukod kay John ay nasa pelikula rin sina Ara Mina bilang Gina Halili; Ceasar Soriano as himself; Michael Flores as Mark Halili; Phoebe Walker as Angeline Halili; JM Soriano as the Anti-Crime Head; Martin Escudero as the teen Thony; Kate Alejandrino as teen Gina; Zandra Summer as Nancy; Yayo Aguila as Thony’s mother; Mon Confiado as Thony’s father; at Kenneth Paul Cruz as Howard Halili.
Tampok rin sa pelikula sina Noel Comia Jr., Archie Adamos, Edwin Reyes, Mark Dionisio, Rion Sandoval, at Kiko Matos.