Dingdong Dantes gets slapped twenty times by co-star Maricel Soriano

Maricel Soriano slapped Dingdong Dantes repeatedly for a scene in Ang Dalawang Mrs. Real.


Ilang gabi na nagti-trend at pinag-uusapan sa social media ang primetime series ng GMA-7 na Ang Dalawang Mrs. Real. Pinagbibidahan ng Diamond Star na si Maricel Soriano, Primera Aktres na si Lovi Poe at Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.

Kagabi, July 24, nag-trend ang #SugodMillet sa Twitter dahil sa nadiskubre na ni Millet Real (played by Maricel) ang pagpapakasal sa iba ng kanyang asawa na si Anthony Real (played by Dingdong). Ang second wife ay si Sheila (played by Lovi Poe).

Naging punong-puno ng emosyon si Maricel sa eksenang nakita na niya ang family album nina Dingdong at Lovi nang sumugod siya sa Cebu at gayundin ng kanilang anak na si Bubot.

Lingid sa kaalaman ng mga manonood, ang eksenang yun na natuklasan na nga ni Maricel ang pagtataksil sa kanya ni Dingdong at walang-tigil ang pagluha nito at panginginig halos ng kalamnan ay matagal daw bago nabitawan ni Maricel ang emosyon.

Kahit tapos na raw ang eksenang yun, patuloy pa rin daw ang Diamond Star sa pag-iyak at paglalabas ng emosyon. Kaya kinailangan na rin daw itong aluin ni Dingdong para mai-let-go ang emosyon.

Tinanong naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dingdong sa pamamagitan ng text message sa balitang kinomfort nga niya si Maricel pagkatapos ng eksenang natuklasan na nga nito ang panloloko niya.

Maikling sagot naman ni Dingdong, “Mahirap makakita ng taong umiiyak.”

Pinag-usapan ba nilang dalawa ang execution o kung paano nga nila gagawin ang naturang eksena?

“Normal naman, just like how we always talk, walang pinagkaiba,” saad niya.

Posibleng sa Lunes, July 28, raw ipapalabas ang eksenang nakatikim na ng napakaraming sampal si Dingdong mula kay Maricel.

Pero, noong isang araw pa, nagsimula nang kumalat sa social media ang video ng naturang eksena sa isang hospital room kunsaan parehong umiiyak sina Dingdong at Maricel. Nanghingi ng sorry si Dingdong habang umiiyak at si Maricel ay lumuluha rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kitang-kita sa video na nilapirot muna ni Maricel ang mukha ni Dingdong at saka ito pinagsasampal.

May nakapagsabi sa PEP na umabot daw sa mahigit dalawampu ang naging pagsampal ni Maricel kay Dingdong. At nang matapos na raw ang sampalan scene, nakaramdam na raw ng awa ang production staff sa actor dahil talagang namula at halos mamaga raw ang mukha nito sa tinamong sampal.

Kinamusta ng PEP kay Dingdong kung ano ang naging reaksiyon niya pagkatapos ng sampalan scene nila.

Sabi naman ng actor, “Sabi ko sa sarili ko, kulang pa ‘yan sa mga kasalanang nagawa ni Anthony sa asawa niya. Kaya sa mga may balak gumawa ng kamalian, mag-isip isip at baka ma-23 din sila or even more.”

Ang ma-23 na binanggit ni Dingdong ay ang posibleng bilang ng sampal na naranasan niya mula sa Diamond Star sa eksenang yun.

Sa huli, tinanong namin si Dingdong kung ano ang nararamdaman niya na mas lalong tumataas ang ratings ng Ang Dalawang Mrs. Real at pinag-uusapan ito lalo na sa social media.

“Bukod sa ito’y nakakaapekto sa bugso ng damdamin ng mga manonood, sana’y maging aral din ito sa lahat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN