Hindi kaya ipagselos ni Dennis Trillo ang deklarasyon ni Clint Bondad na si Jennylyn Mercado ang dahilan kung bakit nasa GMA-7 ang male model-turned-actor?
Kilala rin siya bilang dating boyfriend ng reigning Miss Universe 2018 na si Catriona Gray.
Diin niya, “Yung dahilan kung bakit nandito ako sa GMA talaga is, I just wanted to say, dahil talaga kay Jennylyn.”
Sa prescon ng bago nilang serye, humarap pa si Clint kay Jennylyn at patuloy na sinabing, “Kasi ikaw talaga yung dahilan kung bakit nandito ako sa GMA.
“You know, kaya pasok [pumasok ako] sa GMA, dahil sa Dear Uge episode natin.”
Nakasama ni Jennylyn ang Filipino-German actor sa Dear Uge last year, November 18.
Sa naturang episode ng GMA-7 show ay gumanap si Jennylyn bilang photographer na si Sandy.
Iha-hire siya ni Brent, character ni Clint, para sa gagawin nitong proposal.
Sa kasamaang palad, tatanggihan si Brent ng kanyang girlfriend.
At kahit naudlot ang engagement, tuloy pa rin daw ang trabaho ni Sandy bilang photographer ni Brent.
Maguguluhan si Sandy pero dahil binabayaran naman siya ni Brent, tuloy ang kanyang trabaho bilang isang photographer.
Pagpapatuloy pa ni Clint, “So yung experience ko dun sa Dear Uge, inisip ko, ‘Hey, ang ganda naman sa GMA, dito puwedeng-puwede pala, ang cool-cool pa ni Jennylyn.
“At siyempre nagustuhan ko yung buong team [Dear Uge production staff].
“So for me naman, I’m always excited sa lahat ng binibigay sa akin.
“Pero ito naman mas excited pa ako dito kasi masaya ako dito talaga.”
Ngayon ay regular cast member na si Clint sa bagong programang romantic/comedy ng GMA-7, ang Love You Two kung saan makakasama niya sina Jennylyn (as Raffy) at Gabby Concepcion (bilang Jake).
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Clint sa mediacon ng Love You Two nitong Huwebes, April 11 sa Studio 7 ng GMA Network.
Gaganap si Clint bilang si Theo sa Love You Two na eere na sa April 22 sa GMA sina Jerald Napoles (as Harrison), Kiray Celis (as Darling), Clint Bondad (as Theo), Shaira Diaz (as Sam), Solenn Heussaff (as Lianne), Nar Cabico (as Migs), Yasser Marta (as Edison) at Michelle Dee (as Mochi).
Ito ay sa direksyon ni Irene Villamor.
Dagdag pa ni Clint, “So maraming salamat sa GMA.
“Maraming salamat sa lahat ng binibigay ninyo sa akin, and hindi ko alam kung bakit nabibigay sa akin pero again, thank you very much.”
Marami ang nagsasabi na sa kaguwapuhan at height ni Clint ay magiging big male star siya sa Kapuso network, lalo na kung pagbubutihin niya ang pagta-Tagalog.
“Practice-practice lang pero kaya naman,” nakangiting sambit pa ng bagong Kapuso male star.