Kim Chiu on Ikaw Lamang: "Parang swimming pool na yung iniiyak ko doon sa Book 1."

What did Kim Chiu discover about her Ikaw Lamang co-star Coco Martin? "Sobra siyang bulol,” quipped the actress.




ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
First time na makakatrabaho ni Kim Chiu si KC Concepcion sa panibagong chapter at pagpapatuloy ng istorya ng ABS-CBN teleseryeng Ikaw Lamang. Excited na si Kim lalo na’t gaganap sila ni KC bilang magkapatid na sina Andrea at Natalia, na lalaking magkalayo dahil sa mga nagdaang pangyayari sa kanilang pamilya.

“First time ko siyang makatrabaho, siyempre kinakabahan, ang dami na niyang Best Actress award. Pero nagkasama naman kami sa hangout-hangout, ganun. And cool naman siya. Pero ngayon hindi ko lang alam kung ano yung experience na mararanasan namin na mag-ate… wow ate!” sabi ni Kim.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Kim sa August 12 presscon ng Ikaw Lamang, kung saan ipinakilala ang mga bagong cast members sa 9501 restaurant, ABS-CBN compound.

Bukod sa original cast na sina Kim at Coco Martin, makakasama na rin sa teleserye sina KC, Christopher de Leon, Joel Torre, Amy Austria, Rio Locsin, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Smokey Manaloto, Arlene Muhlach, Jojit Lorenzo at Alora Sasam.

Off beat at may pagka-kontrabida ang role ni KC. Paano pinaghahandaan ni Kim ang gagawing pagtataray sa kanya ni KC?

“A, yun lang, oo, yun ang paghahandaan ko.”

Sa kabila ng ginagampanan nilang roles, may chance ba na pwedeng maging close sila ni KC in real life?

“Oo naman kasi approachable naman siya and cool. Yun mas maraming eksena na magkakasama kami kasi darating din yung time na malalaman ko na anak ako ni Franco [played by Christopher de Leon], magkapatid kami, magkakasama kami sa isang bahay.”

Sa ngayon daw hindi pa sila nakakapag-bonding nang lubos ni KC dahil sa magkaiba raw ang units nila tuwing taping. Pero dati na raw silang magkakilala noong nagkakasama pa sila sa events ng Star Magic.


ON COCO MARTIN. Natutuwa rin si Kim na tuloy-tuloy lang ang pagsasama nila ni Coco sa Ikaw Lamang sa panibago nilang roles bilang Andrea at Gabriel. Ano yung mga bagong nadiskubre niya kay Coco?

“Bagong discovery? Ano, sobra siyang bulol,” sabay tawa ni Kim.

“Yun pag napanood n’yo yung mga bloopers namin sobrang maraming katatawanan na mga nangyayari sa kanya, so yun.”

Kumusta na ang closeness nila ni Coco?

“Okay naman, pero nung Book 1 kasi hindi kami masyadong nagkasama kasi sa ibang unit siya kasi magkahiwalay kami ng pamilya, so may kanya-kanyang asawa na kami, ganun.”

Dito ba sa bagong istorya ay mas marami silang oras na magiging magkasama sa set?

“Hmmm, hindi pa kasi buo yung script, e, so hindi ko pa alam. Siguro mas marami kaming time together and yung samahan namin ngayon mas magaan kaysa kina Isabelle at Samuel, na bawal na pag-ibig. Eto wala lang, nagkita lang sila sa kalye, parang ganun.”


COMPARING BOOK 1 TO BOOK 2. Malaking challenge kay Kim ang pagganap niya sa Ikaw Lamang dahil mula sa pagganap niya bilang si Isabelle sa lumang istorya ay gagampanan naman niya ngayon sa transition story ang isa sa mga anak ni Isabelle na si Andrea.

Ano ang magiging kaibahan ng pagganap niya kay Andrea kumpara kay Isabelle?

“Si Andrea kay Isabelle? Si Isabelle kasi laging umiiyak. Yung mga tweets ngang nakikita ko, ‘Kailan ba namin siya nakikitang sumaya, si Kim.’

"So, ngayon si Andrea yung magpapa-light sa mga pinagdadaanan nila [ibang cast], kasi family ko rito si Kuya Smokey [Manaloto], si Tita Arlene [Muhlach], sila yung mommy at daddy ko [na kinalakihan].

"Yung family namin yung parang comic relief, magaan lang, wala kaming problema yung pamilya namin. So, complete opposite ito sa pinagdaanan ni Isabelle na puro pasakit, puro pahirap, puro bugbog, ganyan. Eto tawa lang sila nang tawa, walang problema, wala man silang pera pero masaya sila.”

Pakiramdam niya ba sa pagiging light ng character ni Andrea ngayon ay nakahinga siya sa mabigat na role ni Isabelle noon?

“Sobra, sobra, parang swimming pool na yung iniiyak ko doon sa Book 1. Sinasaktan ako doon, sinasabunutan, eto wala, sobrang magaan lang happy siya.”

Pero magiging matapang at palaban din naman daw si Andrea.

“Darating tayo doon, siyempre lalaban siya kasi ano siya, e, parang laking kalye, ganun siya makipaglaban. So, kung si Isabelle finesse, eto walang ka-finesse-finesse. At least iba naman siya sa ginawa ko as Isabelle, eto medyo gumaan. At saka medyo makakahinga ako, hindi ako laging kakabahan.”

Mas nararamdaman ba ni Kim ang pagiging aktres niya dahil sa Ikaw Lamang?

“Oo naman, kasama mo ba naman itong mabibigat na mga artista from Book 1 to Book 2, parang kahit wala kang lines umarte ka, dapat maluha-luha ang mga mata mo kahit wala kang sinasabi.”

Ano naman ang pakiramdam na makasama ang mga award-winning actors sa show?

“Siyempre sobra akong thankful sa Dreamscape family ko. Book 1 pa lang sobrang bigat na ng mga kasama ko sa teleseryeng ito. Paano pa pag Book 2? Parang nakadalawang teleserye ako na full-house cast.

"Parang ang dami kong natutunan sa Book 1 sa mga artistang nakasama ko, what more pa kaya sa Book 2. So, parang ang dami ng knowledge ng acting yung pumapasok sa isip ko. Hindi lang yung kung ano yung alam ko, mas madadagdagan pa. Kaya mas nae-excite ako kasi mas nadagdagan na siya noong Book 1 ng Ikaw Lamang, sigurado ako mas madadagdagan pa siya ngayon.”

Anong preparasyon ang ginagawa niya kapag makakaeksena niya ang magagaling na mga artistang ito gaya nina Christopher de Leon at Joel Torre?

“Yun na nga yung kinakabahan ako, e. Pero sa nababasa kong script, wala pa naman. Parang hindi pa masyadong nagsi-sink in sa akin na sila yung mga makakasama ko sa teleseryeng ito. But sobra akong honored and I’m so thankful na yun nga kasama ko silang lahat dito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN