Nalulungkot si Angeline Quinto sa patuloy na paninisi kay Regine Velasquez kaugnay sa pagkawala o kabawasan ng exposure ng ibang artists sa ASAP Natin ‘To.
“Alam naman ng lahat na sobrang mahal ko si Miss Reg,” pasakalye ni Angeline nang mainterbyu ng PEP.ph (PHilippine Entertainment Portal) noong Mayo 5, Linggo, sa set ng Kapamilya Sunday musical-variety show.
“Si Ms. Reg, hindi man yun nagsasalita, pero deep inside, masakit sa kanya yun, at huwag naman ganoon.
“Hindi naman kasalanan ni Miss Reg kung hindi na regular ang iba. Marami pa ring artists ang ASAP.
“Siguro lang, yung ibang nakasanayan ng mga tao, hindi na nila nakikita regularly.
“So ngayon, ang sa akin lang, marami lang talagang gustong i-try ang team ng ASAP, kung ano yung bago, kung ano yung magiging bago sa paningin ng tao.
“Pero siyempre, hindi iyon kasalanan ni Miss Regine.
“Nasasaktan ako kapag sinisisi yung tao. Paano kung ako naman ang nasa kalagayan ni Miss Reg, di ba?
“Saka kasi si Miss Reg, kung makikilala ninyo siya nang personal, sobrang bait niya.
"So, hindi niya deserve iyon."
SEMI-REGULAR ON ASAP
Aminado si Angeline na napaisip din siya nang pansamantala siyang nawala sa show.
“Marami ang nagtatanong kung bakit hindi na ako regular,” matamang lahad ng dalaga.
“Honestly, ako, gusto kong sabihin siguro sa mga nagtatanong sa akin na part talaga iyon ng trabaho namin.
“Sa showbiz talaga, hindi natin alam kung hanggang kailan.
"Ako, sa pagiging honest lang din sa part ng trabaho namin, feeling ko, ang ASAP, gusto talaga nilang mag-try ng iba't iba, e.
“Lalo ngayon na si Miss Reg, naging part na ng ASAP family at marami din kasing former GMA artists ang nandito.
“Para sa akin, hinintay ko lang uli na maging part ako ng ASAP.
"Ngayon, sobrang tuwang-tuwa ako kasi nandito pa rin ako.
“Siyempre, napaisip ako talaga. Kasi, mula nang manalo ako ng Star Power 2011, lagi na akong nasa ASAP.
“Ibinigay ko na sa kanila yun, alam ko na may dahilan yun.
"Although hindi nila sinabi sa akin nang personal, sobra kasi ang puso ko sa kanila."
Tinanong din ng PEP.ph si Angeline kung nasaktan ba siya nang hindi na siya naging regular sa Kapamilya Sunday vmusical-ariety show.
Sinserong sagot niya: “Nasaktan? Hindi naman, pero siyempre maraming tanong.
"Pero tinanggap ko iyon nang bukal sa loob ko.
“Ayoko kasi ng nagkakaroon ng sama ng loob. Ayoko niyan, e, mahihirapan tayo pag ganoon.
“Nag-pray lang ako, ‘Lord, kung ano po ang gusto Ninyo sa akin, bahala na po Kayo.’
“After two months kasi, medyo matagal din talaga, awa ng Diyos mayroon din akong shows sa labas.
“Kasi, mahirap iyong wala ka nang ASAP, wala pa akong ibang trabaho."
BACK-TO-BACK CONCERT WITH K BROSAS
Magsasanib-puwersa sina Angeline at K Brosas sa Angeline K 'To, Concert Namin 'To na gaganapin sa Hunyo 15 sa Araneta Coliseum.
“Pinag-iisipan pa yung production numbers na gagawin namin ni Ate K,” saad ni Angeline.
“Kinakabahan ako, kasi iyong mga ganyang venue, hindi naman talaga biro.
“Kumbaga, kailangan talagang pagtrabahuan.
"Kung sinuman ang makakasama ko sa concert na ito, kailangan talagang magtulungan kami at yung buong team."
Sabi ni Angeline, ang back-to-back concert nila ni K ay para sa mga taong mahilig sa musika, at gustong tumawa at magsaya.
“Si Ate K kasi, pagdating sa pagiging singer, medyo magkaiba talaga kami ng genre,” paliwanag ni Angeline.
“Pero siguro sa sense of humor, iyon talaga siguro ang mas gusto pa naming dagdagan.
“Gusto namin, hindi lang puro kanta ang ibibigay namin sa mga tao. Gusto namin na matutuwa rin sila sa gabing yun.
“Napakaraming kantahan at tatawa lang sila nang tatawa.
“Sabi ko nga, kung sinuman ang may mga problema ngayon, sana manood sila.
“Mabawasan man lang kung ano iyung bigat ng pinagdadaanan nila ngayon."