Mas seksi pa si Yasmien Kurdi ngayong may asawa at anak na siya kumpara noong dalaga pa lamang siya.
Ano ang sikreto niya?
“Hindi ko po alam,” at tumawa ang Kapuso actress.
“Siguro dahil punumpuno po ng pagmamahal. At inspired po ako.”
Biro namin kay Yasmien, baka dahil sa pagmamahal sa kanya ng mister niyang piloting si Rey Soldevilla, Jr. ay masundan na ang six-year old daughter nilang si Ayesha.
“Huwag po muna, meron pang Beautiful Justice. Manood po kayo,” paanyaya pa ni Yasmien na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grand mediacon ng Beautiful Justice noong Martes, August 27, sa Le Revé Events and Party Place sa Quezon City.
Mapapanood ang Beautiful Justice sa GMA Telebabad simula September 9.
Masaya at thankful si Yasmien sa bago niyang serye (bilang si Alice) at kakaibang role na mala-Charlie’s Angels kung saan kasama niya sina Gabbi Garcia (bilang si Brie) at Bea Binene (bilang si Kitkat).
ACTION-INTENSIVE ROLE
Lahad niya, “Nakaka-pressure siya but it really excites me kasi at nakaka-nerbiyos din siya kasi lumabas ako dun sa box ko, lumabas ako dun sa comfort zone ko...
"Na five years kong pinag-aaktingan at pinagtatrabuhan ang afternoon soap, na happy naman din ako with my viewers and strong ratings, okay naman.
“Pero siyempre, we have to go out of the box, di ba? And we have to explore ourselves kung saan ba tayo.
“And alam mo yun? Para naman ma-experience natin ang iba namang time slot.”
Dahil action series ito, nag-training ang tatlong bidang babae, at aminadong nahirapan daw dito si Yasmien.
Pag-amin niya, “Kasi it’s all new to me.
"Para siyang... actually, ngayon yung nararamdaman ko, para siyang bagong job description na pinapasukan mo.
"Ibang-iba siya pero alam mo, iyon yung nagpapa-excite sa isang career.
“Yung iba naman… ang training, yes, mahirap pero andun yun, e.
"Kung hindi ka mahihirapan, paano ka matututo at paano mo mas mapapaganda at mas magiging realistic ang bawat eksena, di ba?
“And it’s for us. I’m very thankful din to GMA kasi siyempre bilang babae, parang maganda rin na matutunan mo ang mga self-defense mo.
“In the future, huwag naman sana, na malaman mo yung mga ganung bagay, kung paano mo dedepensahan ang sarili mo.”
NO STUNT DOUBLES
Hindi raw magpapa-stunt double si Yasmien sa mga action and fight scenes.
“Kung kayang hindi i-double, hindi ido-double.
"Kung paano kong ginawa sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka at sa ibang soap opera, kung kayang hindi, huwag na lang.
“Kung talagang buwis-buhay na talaga siya at feeling ko talagang hindi ko kaya, hindi ko pipilitin ang isang bagay kung hindi ko siya kaya.
“Pero kung nakikita ko na kaya ko naman siya at safe naman siya, e di why not?
“I’ll do it,” sambit ni Yasmien.
Nasa Beautiful Justice rin sina Derrick Monasterio (as Lance), Gil Cuerva (as Vin), Bing Loyzaga (as Charmaine/Ninang), Victor Neri (as Tony) at Valeen Montenegro (as Miranda).
Ang direktor ng Beautiful Justice ay si Mark Reyes V.
ANTI-DRUG THEME
Dahil may temang tungkol sa droga ang Beautiful Justice, natanong naman si Yasmien kung ano sa tingin niya ang magiging reaksyon ni Presidente Rodrigo Duterte kapag napanood nito ang bago nilang show?
Pagmamalaki niya, “I think magiging masaya siya! Magiging masaya ang ating Presidente...
“Na talagang pinapakita namin kung paano ba ang sakripisyo ng isang PDEA agent sa pagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa bayan at para sa ating lahat para mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan dito sa bansa natin.”
Uso sa showbiz ang isyu ng paggamit ng droga, pero si Yasmien, sa buong buhay daw niya bilang artista ay never pang naka-encounter ng kaibigan o kapwa artista na nagdodroga.
Never pa raw niyang naranasan na may nag-alok sa kanya ng drugs or party drugs.
Pahayag niya, “Lalo na ngayon, kasi I think the government is doing what they can, and I think they’re doing good kasi parang wala po akong naririnig ngayon sa showbiz na nagda-drugs and I’m very, very happy kasi wala, e.
“Or wala lang akong friends na ganun."
Halimbawang may kaibigan siya o miyembro ng pamilya na matutuklasan niya na nagdodroga, ano ang gagawin niya?
Sabi niya, “Siyempre kung malaman ko at mahal ko yung tao, siyempre pagsasabihan mo na huwag na siyang mag-droga kasi siyempre ikakasira iyon ng buhay niya and siyempre hindi maganda sa katawan.
“Ikakapangit niya.”
Kung sinabihan na niya at hindi pa rin ito tumigil, hindi raw mangdadalawang-isip si Yasmien na ipa-rehab ito o ireport sa mga awtoridad.
GOOD CLEAN FUN
Noong kabataan ni Yasmien, never naman daw niya nakahiligan na gumimik.
“Noong bata ako mahilig akong kumain, kaya ang taba ko nun,” at tumawa si Yasmien.
“Mahilig ako mag-travel, iyon ang naaalala ko nung bata ako.
“Kung lalabas kami, more with the family or with close friends lang talaga.
“It’s all clean fun!”