Iba ang excitement ni Alden Richards sa pagbabalik niya sa prime time ng GMA-7 sa pamamagitan ng drama series na The Gift.
“Sobra po akong na-excite na bumalik sa teleserye upon the presentation pa lang ng project na ‘to,” masayang pahayag ni Alden sa mediacon ng The Gift nitong Setyembre 9, Lunes, sa Prime Hotel, Quezon City.
“Noong prinesent po siya sa akin, tinanggap ko po siya agad with the hopes na magiging maganda yung pagkakagawa nito, with the help of the creatives and the directors.
“Yung istoryang ito, malapit po sa puso naming lahat and, of course, malapit sa puso ng mga Filipino.
"Talaga naman pong, aminin man natin sa hindi, ang mga Pinoy viewers po, mahilig talaga sa drama at sa mga ganitong klase ng istorya.”
PRESSURE ON RETURN TO PRIME TIME
Sa sunud-sunod na magagandang nangyayari sa career ni Alden, kabilang na ang pagiging highest-grossing Pinoy film ng Hello, Love, Goodbye, may pressure siyang nararamdaman ngayong balik-prime time siya.
“Opo, sa lahat naman ng projects, meron ‘yan,” pag-amin niya.
“Yung pressure po sa una, mas maganda po kung magagamit natin sa magandang paraan.
"Kung maipu-push po natin ang mga hindi natin kayang gawin dati.
“Ako po, I really encourage the feeling of being pressured, kasi yung feeling na kailangan mong may maibigay ka, may mapatunayan ka sa mga ginagawa mo.
“Kasi, it really helps kesa yung relaxed ka na nasa comfort zone ka lang... kumportable ka palagi sa ginagawa mo at ayaw mo nang lumabas doon.
“Kasi, feeling mo, kapag lumabas ka, hindi mo na magagampanan nang tama ang dapat mong gawin.
“May pressure po, but it’s a beautiful pressure.”
FIRST TIME TO PLAY A BLIND PERSON
Sa siyam na taon ni Alden sa industriya, ngayon pa lang siya magkakaroon ng pagkakataong gumanap bilang isang bulag.
“Hindi ko po naisip na gagawin ko siya,” saad ni Alden.
“Pero siyempre po, bilang actor, meron kang responsibility na lahat puwede mong gawin.
"Ang pag-portray ng isang disabled person, yung walang paningin, hindi ko po inakala na magiging ganito ako ka-excited na gawin siya, kasi sobrang may puso.
“May puso po ang role, may puso rin ang istorya at may puso po ang lahat ng characters dito sa The Gift.”
Bago ginawa ni Alden ang The Gift ay nag-undergo siya ng immersion. Nakisalamuha at nakipag-usap siya sa mga taong wala ring paningin.
Kuwento ng Kapuso star, “Sobra pong nakaka-depress yung sighted ka before, 'tapos mabubulag ka.
"Nag-interview po ako ng mga nakakakita po before na, ngayon, nabulag na.
“Sobra po yung depression. Kasi, nakakakita mo dati and all these things, you take it for granted.
"Paggising mo nang umaga, okay, nakakakita tayo, nakakapagsalita tayo, pero sila, parang na-realize nila na nawala yun because of sickness, because of aksidente o iba pang kadahilanan.
“Sobrang gustung-gusto ko pong gawin ang character ni Sep.
"Sobrang gusto ko pong ipakita sa mga manonood kung ano ang buhay nila, kung ano ang nai-share sa akin ng mga tao.
“Ang sarap ikuwento ng kanilang istorya sa mga tao.
"Dito po sa teleserye namin, asahan ninyong matatawa kayo, may comedy.
"Siyempre, may intense na istorya, yung tunay na drama ng buhay.”
At tahasan niyang sinabi na na-miss niya ang ganitong teleserye.
“Na-miss ko pong gumawa ng ganitong klase ng teleserye na ito po yung role na ginagampanan ko.”
Mag-uumpisa ang teleseryeng The Gift sa Setyembre 16, Lunes ng gabi, pagkatapos ng Beautiful Justice sa GMA Telebabad.