Live finale ng StarStruck (Season 7) ngayong Setyembre 15, Linggo ng gabi, sa GMA-7.
Sa pa-presscon ng Kapuso Network noong Setyembre 11, Miyerkules, inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Final Four na sina Lexi Gonzales, Shayne Sava, Kim de Leon, at Allen Ansay kung anu-ano ang gagayahin nila sa mga naunang StarStruck finalists. At kung ano rin ang hindi nila gagawin.
Ayon kay Lexi, “Siyempre, gagayahin ko si Ate Yasmien [Kurdi], yung mentor ko po.
"Yung pagiging competitive ni Ate Yas and pinu-push niya ang sarili niya to do more.
“Yung sa hindi gagayahin, parang wala naman po.
"Siguro po yung issues lang, yung mga away-away, pero wala naman po.”
Sa part ni Shayne, gagayahin daw niya ang mentor niyang si Katrina Halili.
“Kasi po si Ate Kat, di ba, hindi rin po siya tumagal halos sa StarStruck pero tingnan naman po natin siya ngayon, isa po siya sa mga kilalang artista.
“Yung pagiging pursigido niya po, yun po ang isa sa pinakahinahangaan ko sa kanya,” lahad ni Shayne.
Katulad ni Lexi, wala rin daw siya halos na hindi gagayahin.
Si Kris Bernal naman daw ang gagayahin ni Allen.
“Sa akin po, gagayahin ko na lang po siguro si Ate Kris Bernal, ang aking mentor po.
"Kasi, minahal niya rin po yung ginagawa niya, 'tapos itinuro niya rin po sa akin yung mga hindi rin po gagawin.”
Sa kanilang lahat, si Allen ang nakatanggap ng palakpak sa sagot nito kung ano ang hindi niya gagayahin sa mga StarStruck alumni.
Ayon kay Allen, “'Tapos ang hindi ko naman po gagayahin ay yung lumipat.”
Pahayag naman ni Kim de Leon, “Usapang StarStruck alumni na lang din po, napakaganda po ng ginawa na binigyan po kami ng mentor from past StarStruck alumni po.
“Ang mentor ko po ay si Mark Herras po.
"Napakabait po, sobrang bait.
"Dapat ko pong gayahin si Kuya Mark.”
At ang hindi niya gagayahin ay yung mga hindi nakilala mula sa past StarStruck Batch 1 hanggang batch 6.
Katuwiran ni Kim, “Ang hindi ko po dapat gayahin ay yung mga hindi kilala.
"Kasi, kapag hindi kilala, ibig sabihin, hindi nagtuloy sa pag-aartista.”