Sa Madrasta ay si Audrey na isang nurse si Arra San Agustin.
“Galing po sa mahirap na pamilya, gustong tumulong sa pamilya, maraming utang yung pamilya, para maka-graduate, para mabuhay.
“Walang tatay si Audrey, so nag-decide siya na magpunta ng Canada para magtrabaho. So dun po sa Canada sana ipu-fulfil niya yung dreams niya, yung gusto niya doon makapagtrabaho, pero may mangyayari po.
“So iyon po yung magiging struggle niya,” ang patikim na kuwento ni Arra tungkol sa Madrasta na eere na sa GMA-7 sa October 7. Nakausap namin si Arra sa lobby ng GMA Network nung Lunes, September 16.
Nasa Madrasta si Gladys Reyes bilang Dra. Elizabeth Ledesma, na ina naman ng karakter ni Juancho Trivino as Dr. Sean Ledesma, na leading man ni Arra. May kuwento si Arra tungkol sa mahusay na aktres.
“Nakakatawa po si Ate Gladys, as in ano siya, ang dami niyang kuwento ‘tsaka nakakatuwa lang siya, ‘pag kunwari nasa dressing room kami gising na gising ako kapag kasama ko siya sa standby area kasi ang kulit niya,” at tumawa si Arra.
“Masaya, masaya po na yung mga katrabaho ko magagaan lalo na si Ate Gladys kasi siyempre gaganap siya na parang, hindi naman antagonist, pero medyo kontra kay Audrey so malaking bagay na kasundo mo siya kapag wala sa kamera.”
ARRA, TOO YOUNG TO PLAY MADRASTA?
Hindi kaya magulat ang fans ni Arra na isa siyang madrasta o stepmom sa Madrasta?
“Actually marami pong nagugulat or nagtatanong, ‘Parang ang bata mo for the role?’
“Sabi ko, ‘E iyon nga yung challenge, kailangan maging mature.’
“Magmukhang mature yung role.”
Bata rin naman sina Juancho at Thea Tolentino; sila ang tunay na magulang ng mga batang si Arra ang stepmother.
“At saka bata din po talaga yung mga bata.
“E may mga age naman namin ngayon, I’m twenty-four, may mga friends ako na may anak na, so hindi rin naman po ganun kagulat-gulat.”
May mga eksenang magsasakitan sila ni Thea, na gaganap bilang si Katharine. Namula ba ang pisngi niya sa sampal ni Thea?
“Hindi ko lang po alam. Nag-init,” at tumawa si Arra.
“Pero okey lang naman.”
“Actually ang dami kong nakasampalan dito, si Isabelle de Leon din.”
Gusto raw ni Arra na totohanan ang mga eksenang sampalan.
“Kasi mahirap din po na sumalo ng peke. Pero pinag-uusapan naman namin. Kahit yung kay Isabelle, sabi namin,’ Totohanin natin, bigay natin.’
“Kasi sayang yung eksena, maganda yung eksena, e. Kung pepekein namin baka magkulang.”
Gaganap bilang si Judy si Isabelle sa Madrasta.
Produkto ng season 6 ng StarStruck si Arra kung saan ang mga Ultimate Male and Female Survivor ay sina Migo Adecer at Klea Pineda. Sabay sila ni Klea na may launching project sa GMA. Si Klea ang bida sa Magkaagaw kapareha si Jeric Gonzales.
WANTS TO BE THE NEXT MARIMAR
Nais ni Arra na balang-araw ay sundan ang mga yapak ni…
“Marian Rivera, siyempre! Grabe yung peak ng career ni Marian Rivera and yung kung paano siya as an actress.”
Kung ire-remake ang MariMar na launching vehicle noon ni Marian ay mag-o-audition raw si Arra.
“Kaya lang yung dancing! Hindi ako magaling sumayaw,” at tumawa si Arra.
“Pero matututunan naman iyon.” Nasa cast din ng Madrasta sina Manilyn Reynes bilang si Grace, Almira Muhlach as Shirley, Anjo Damiles as George, Kelvin Miranda as Barry, Divine as Debbie, at Phytos Ramirez bilang David. Ang Madrasta ay sa direksyon ni Monti Parungao.
Apat na taon na si Arra sa showbiz at ang Madrasta ang biggest break niya sa showbiz. Ano ang aasahan sa kanya ng audience sa Madrasta?
“Mas binigay ko po talaga dito! Kasi po mas marami na po akong natutunan along the way. I mean siguro nung binigyan ako ng mga shows like Encantadia, My Special Tatay, ibinigay ko pa rin naman pero kulang na kulang pa po yung mga kaalaman ko ‘tsaka kulang pa po sa experience.
“Kasi kahit na nagwo-workshop kami, although malaking bagay po talaga yung workshop, iba pa rin po yung eksena, e.
“Iba pa rin yung experience na umaarte ka ng may kamera, na may blocking, may director, na may mga kasama kang ibang artista.
“Sa tingin ko naman po, mas marami po akong natutunan talaga ngayon.”