Gabi-gabing napapanood si Rita Daniela sa prime time ng GMA-7.
Lunes hanggang Biyernes ng gabi, andiyan si Rita sa primetime series na One of the Baes.
Tuwing weekend, nasa singing contest na The Clash naman siya bilang journey host.
“Hindi pa rin po nagsi-sink in sa akin,” masayang sabi ni Rita.
“I mean, gets ko naman, nasanay ako na for the longest time, siyempre sidekick ako, best friend ako ng bida.
“Siyempre, prime time at iba pala ang pakiramdam kapag ikaw na ang nagli-lead ng show sa prime time.
"Parang.... hala! Ganun pala ang pakiramdam," sabi niya.
Ang primetime series nila ni Ken Chan na One of the Baes ang isa sa topraters ng Kapuso Network.
“Salamat po, mabait talaga ang Panginoon, sobra!” bulalas ni Rita.
Dugtong niya, “Yun din po ang isa, nakaka-pressure.
"Kasi, kami po kasi ang huling nilabas na parang bagong season ng prime time.
"So, mas nakaka-pressure ho sa amin, siyempre, yung rating.
“Pero yun nga, sobrang malaking pasasalamat namin ni Ken kay Lord at sa mga taong sumusuporta ng One of the Baes. Nakakatuwa.
“Hindi man consistent yung taas, pero yung mahigitan mo lang, talunin sila, ibig sabihin, meron at meron pong nanonood sa amin.”
Meron pa rin daw siyang “akalain mo yun” na tila hindi makapaniwala na ngayon, bida na siya sa prime time series at isa pa sa mga host ng The Clash.
Ayon kay Rita, “Sabi ko nga, e, ang galing ni Lord.
"Trinain Niya ako for 13 years, and for 13 years, sidekick ako palagi, best friend ako ng bida for 13 years.
“After 13 years, saka lang ako nag-lead. Fourteen years na ako sa GMA.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rita sa taping ng The Clash sa GMA Annex Studio noong October 24.
THE CLASH
Bilang host ng The Clash, naaala ni Rita ang pinagdaanan niya noong contestant pa lang siya ng Popstar Kids ng QTV 11 kunsaan siya ang nanalo.
Kasabayan niya noon si Julie Anne San Jose na main host ng The Clash ngayon.
“Nakaka-nostalgic yung feeling,” sabi ni Rita.
“Isipin niyo po, fourteen years ago, kami ni Julie ang nandiyan. Kami ang lumalaban.
"Naghihintay lang kami sa dressing room ng turn namin, 'tapos hindi mo alam kung anong oras masasalang sa stage, kung anong oras ka kakanta.
“Siyempre, depende ‘yan.
“Grabe, parang nabalikan ko, ang galing na nandito na kami. Ito na ang inabot namin.
"At lalo pa akong natutuwa na sa The Clash, may sumasali nang bata na sobrang galing na nila.”
Sampung taong gulang si Rita nang sumali sa Popstar Kids at si Julie naman ay 12 years old.
“Dito kasi, ang pinakabata, 16, pero impressed ako sa kanya.
"Sixteen pa lang siya, pero OA. Parang yung capacity niya as a singer, pang-20 years old.
“Imagine mo na 16 pa lang siya, pero ganito na siya kagaling.”
Naniniwala si Rita na may laban ang clashers ngayon.
Sabi pa niya, “Oo naman, at kapag talagang sineryoso nila at nilaban nila.”
Hindi raw siya nakapanood ng Season 1 ng The Clash kaya hindi niya maikukumpara.
Ayon kay Rita, “Hindi po kasi ako nakapanood ng Season 1.
"So, bago rin po sa akin itong nangyayaring ‘to.
“Sabi ko nga, kapag nasa The Clash ako, hindi ko napi-feel na trabaho. Kasi, yung parang nagiging audience din kami ni Ken.
“Abangers din kami sa performance ng clashers. So, parang ang saya.
"Lalo na kapag sobrang ginagalingan nila, nae-excite din kami, nawawala rin ang pagod namin.”
Dugtong pa niya, “At kung may message man ako para sa clashers ngayon, just believe. Wala nang iba. Yun lang naman ang importante.
“Kapag may trust ka sa sarili mo and you know what you’re capable of, meron at meron kang mapupuntahan.
"Kasi, hindi naman po talaga natin maiiwasan na may mga taong hindi magtitiwala sa ‘yo, maraming tao na hindi ka magugustuhan.
“So, nasa sa ‘yo yun kung maniniwala ka sa sinasabi nila.
"Kasi ako po, nilaban ko rin naman, for fourteen years."