Para sa kanyang bagong fans, may natutunang bagong skill ang Kapuso actor na si Mike Tan.
Ito ay ang pagsasalita ng Spanish o lengguwaheng Espanyol.
Pumatok kasi sa bansang Ecuador ang GMA-7 drama series niyang Hindi Ko Kayang Iwan ka na dubbed in Spanish.
May titulo ito doon na Quédate a mi lado.
Pinamahalaan noon ng yumaong direktor na si Maryo J. delos Reyes at ni Direk Neal del Rosario, ang kapareha ni Mike sa 2018 Kapuso series na ito ay si Yasmien Kurdi.
Patok din sa ilan pang Latin American countries ang kinabilangan niyang serye na Ika-6 Na Utos, kunsaan kabituin niya sina Sunshine Dizon, Gabby Concepcion, at Ryza Cenon.
May titulo naman itong Dulce Venganza sa Spanish-speaking countries na pinagpapalabasan nito.
Nakakatanggap daw kasi si Mike ng mga mensahe mula sa kanyang Latin American fans at gusto niyang makakonekta sa mga ito sa pamamagitan ng pagsasalita ng Spanish.
Katulad ni Mike, nakaka-receive na rin daw ng messages mula sa kanyang foreign fans si Tom Rodriguez.
Ipinapalabas na kasi sa ibang bansa ang 2013 ground-breaking series nila ni Dennis Trillo na My Husband's Lover.
At mukhang makaka-receive na rin siya ng mga mensahe mula sa Latin American fans.
Nakatakda namang ipalabas sa Dominican Republic ang 2016 drama series nila ni Lovi Poe at Max Collins na Someone To Watch Over Me.