Vice Ganda quips about It's Showtime comeback: "Kapag nagbukas na, please, huwag na isara!"

by James Patrick Anarcon
Jun 13, 2020
Vice Ganda: "Ang pagbabalik po namin dito sa Showtime o pag-ere ng Kapamilya network ay masasabi kong... hindi naman ito solusyon sa COVID, sa pandemya, hindi naman ito magbibigay ng gamot sa nagkaroon ng sakit. Pero maaari po kaming makapagbigay ng gamot sa ilang mga karamdaman na idinulot nitong COVID-19."
PHOTO/S: It's Showtime (ABS-CBN)

Emosyonal si Vice Ganda at iba pang It's Showtime hosts sa muling pagbabalik ng ABS-CBN noontime variety program ngayong araw, June 13, 2020, sa Kapamilya Channel.

Ang Kapamilya Channel ang pansamantalang tahanan ng mga programa ng ABS-CBN habang ang prangkisa nito ay dinidinig pa rin sa Kongreso.

Mahigit isang buwang nawala sa ere ang It's Showtime nang magsara ang ABS-CBN noong gabi ng May 5, 2020.

Pero simula pa noong March 16, 2020 hindi nagla-live show sa studio ang It's Showtime dahil sa enhanced community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa panahong ito, ilang beses ding nag-live ang It's Showtime sa pamamagitan ng video call habang ang hosts nito ay nasa kani-kanilang bahay.

Sa pagbabalik ng It's Showtime, ang mga hosts na present sa studio ay sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Jackie "Ate Girl" Gonzaga, at Ion "Kuya Escort" Perez.

Sina Amy Perez at Ryan Bang ay nag-shoot ng video habang nasa bahay, samantalang sina Anne Curtis at Mariel Rodriguez ay wala sa episode.

Continue reading below ↓

Si Anne ay kasalukuyan pang nasa Australia pagkatapos nitong manganak noong Marso.

Pagkatapos ng opening number ay una nang nagbigay ng mensahe si Vice para i-welcome ang madlang pipol sa unang episode ng pagbabalik-live ng It's Showtime.

Sabi niya, "Yes, madlang pipol, we are back! We are so back!

"Ang sarap sa pakiramdam.

"Na-miss ko itong studio na ito, na-miss ko kayong lahat, na-miss ko ang Showtime! I'm about to lose control and I just can't hide it!

"And I'm sure, yung mga madlang pipol sa bahay nila, naku, lalo na iyong mga miss na miss tayo, mga nakangiti ngayon dahil, ito, nakaere na naman tayo.

"At uulitin ko, madlang pipol, we are back!"

Nag-aya si Vhong mag-group hug, pero dahil sila ay naka-social distancing at bawal silang magdikit-dikit sa studio, nagharap-harap sila at nagkunyaring may kayakap.

Komento ni Karylle, "Pwede pa rin pala!"

MISSING THE MADLANG PIPOL

Patuloy naman ni Vice, masayang-masaya ang buong pamilya ng It's Showtime sa kanilang pagbabalik.

Continue reading below ↓

Aniya, "Madlang pipol, hindi pa po tapos ang laban natin sa pandemya, pero hayaan niyo pong batiin namin kayo ng isang masaya, naghuhimiyaw, at nananabik na tanghali!

"Nagsusumidhi, uumalab sa kasiyahan ang buong Showtime family sa pagbabalik namin na ito.

"Na-miss po namin talaga ang entabladong ito, na-miss namin ang isa't isa at, higit sa lahat, walang kyeme, madlang pipol, miss na miss na po namin kayong lahat.

"Miss na miss na namin kayo, madlang pipol, na nakatutok ngayon at manonood mamaya sa delayed telecast!

"Maraming salamat po, miss na miss na po natin ang isa't isa, kaya naman po, heto na, magkakasama ulit tayo!"

Nagkamustahan naman ang mga hosts hanggang sa nauwi sa biruan ang kanilang pag-uusap dahil sa outfit ni Vice.

Suot ni Vice ang isang malaking itim na sombrero.

Sa opening number ay may telang nakaharang sa mukha niya, subalit may mechanism ang sombrerong ito para mabuksan ang harang sa mukha.

Continue reading below ↓

Inihambing naman ito ni Jhong sa isang "lampshade."

Tukso ni Jhong, "Tanghali na, patayin mo na ang lampshade!

"Nagtaka ako, nakasarado iyan kanina, bumukas!"

Naglokohan sila tungkol sa pagpatay-bukas ng "lampshade" outfit ni Vice.

Isasara sanang muli iyon ni Vice pero bigla niyang hirit, "Huwag na, huwag na! Nagbukas nga tayo, isasara pa!

"Nagbukas na tayo, e. Kapag nagbukas na, please, huwag na isara!"

Nagtawanan naman ang mga hosts sa naging hirit ni Vice.

HOT STORIES

EMOTIONAL MOMENT FOR IT'S SHOWTIME

Pagkatapos ng kanilang kumustahan at biruan, muling sinabi ni Vice ang saya na nararamdaman niya at ng buong It's Showtime family sa kanilang pagbabalik.

Sinabi pa niyang isa raw itong "emotional moment" para sa kanila.

Saad ni Vice, "Lahat tayo nakikita ko, kahit hindi masabi, hindi mabigkas ang mga tamang salita, nakikita ko sa mukha nating lahat, pati na rin ng mga staff na kasama natin dito sa studio, masayang-masaya tayo.

Continue reading below ↓

"Walang pagsidlan ang mga puso natin. This is a very emotional moment. Ang saya."

Bigla namang pinagtugtog ang "Kapamilya is Forever" na kanta ng ABS-CBN nang huminto ito sa ere.

Pagpapatuloy ni Vice, "Ang saya, inaantay natin ito, e, di ba? Inaantay natin ito, e.

"At salamat po kasi alam naming inaantay niyo rin kami kaya maraming-maraming salamat. Magkakasama tayo uli!

"Sana magdire-diretso itong pagsasama natin, sana walang humadlang, sana maayos kasi, di ba, para masaya lang."

Sabi naman ni Karylle, parang naramdaman din nila ngayon ang kagustuhan ng madlang pipol noon na makatuntong sa It's Showtime stage.

"Laging sinasabi ng madlang pipol na gusto nilang tumuntong sa entabladong ito.

"Oo nga pala, iyon iyong feeling nila."

Biro ni Vice, "Dyusko, tatlong buwan nating hindi natuntungan ito, at tatlong buwan na kasi ang dumi, ano?"

Nilinaw naman niyang na-disinfect ang studio bago sila muling mag-umpisang mag-live show.

"Ay, dinisinfect din pala nila. Nakita natin kahapon.

Continue reading below ↓

"Alam niyo, madlang pipol, noong dumating kami dito, dini-disinfect iyong studio.

"Tapos, since walang masyadong tao kasi limitado lang iyong puwedeng pumasok, kami na rin po iyong inatasan. Sama-sama po tayo dito!"

Binati naman nina Teddy at Karylle sina Anne at Mariel na wala sa It's Showtime episode.

IT'S SHOWTIME AND KAPAMILYA NETWORK COMEBACK

Ipinakita rin ang tweets at video messages mula sa mga avid viewers ng It's Showtime na nagsasabi kung gaano nila nami-miss ang programa.

Pagkatapos nito ay muling naging seryoso si Vice at kinausap ang madlang pipol.

Sabi niya, hindi man solusyon sa pandemya ang pagbabalik ng It's Showtime at Kapamilya Channel, maaari raw silang makapagbigay ng kahit kaunting ngiti sa mga taong nalulungkot at natatakot dahil sa mga pangyayari.

Sabi niya, "Naghiwalay tayo ng sandali, pero ang masarap doon, hindi tayo nawalan ng pag-asa, at iyong mga ipinanalangin natin ay ibinigay sa atin ng Diyos kaya magkakasama tayo ulit ngayon.

Continue reading below ↓

"Nakakatuwa dahil ipinangako naman natin, di ba, noong kami po ay nawala, sabi namin, magkikita-kita po tayo uli.

"Naririto na po kami, kaya uulitin ko, sa lahat po ng nakaka-miss namin, miss na miss po namin kayo at patuloy tayong magkakasama araw-araw.

"Ang pagbabalik po namin dito sa Showtime o pag-ere ng Kapamilya network ay masasabi kong... hindi naman ito solusyon sa COVID, sa pandemya, hindi naman ito magbibigay ng gamot sa nagkaroon ng sakit.

"Pero maaari po kaming makapagbigay ng gamot sa ilang mga karamdaman na idinulot nitong COVID-19 katulad ng kalungkutan ninyo, ng kabagutan ninyo, ng takot na nararamdaman niyo ngayon, pipilitin po naming mabura iyan sa pamamagitan ng paglalagay ng kahit konting ngiti sa mukha ninyo.

"Kaya hayaan niyo po kaming tumuloy ulit sa mga bahay ninyo dahil miss na miss po namin kayo at mahal na mahal namin kayo."

Nabanggit naman ni Karylle ang tungkol sa "takot" na binanggit ni Vice.

Continue reading below ↓

Sabi niya, "Damang-dama ko iyan, Vice. Actually, nabanggit mo kanina iyong takot.

"Ako, iyong takot ko para pumasok ulit, pero dahil sa mga mensahe ng ating mga madlang pipol..."

Biro naman ni Vice, "Natakot ka pa niyan sa outfit mo, ha!"

Si Karylle ay naka-rocker outfit para sa opening number.

Sagot ni Karylle kay Vice, "Di ba, hindi halata!

"Humugot ako ng lakas sa pamilya ko, sa nanay ko [Zsa Zsa Padilla], at sa mga mensahe ng madlang pipol."

Sabi naman ni Vice, "Lahat tayo natatakot, totoo iyan, Karylle.

"Lahat tayo sa buong mundo, lalong lalo na sa Pilipinas, iba't ibang uri ng takot ang nararamdaman natin.

"Kaya tayo ay gagawa ng paraan para mabawasan ng kaunti iyong mga pangit na nararamdaman natin sa pamamagitan ng pagpapasaya at pagpapangiti sa kanila."

NEW AND OLD SEGMENTS

Kasabay ng pagbabalik ng It's Showtime ang segment nitong "Tawag ng Tanghalan."

Nagsimula na rin ang ibang bagong segments ng programa sa muling pagbabalik nito sa ere.

Continue reading below ↓

Bukod sa hosts, nakasuot din ng face shield at layo-layo rin ang mga contestants na lumahok sa bawat segment.

Mula sa dating anim na judges, tatlong lang din ang naging judge sa Tawag ng Tanghalan at may suot din ng face shield: Randy Santiago, Karylle, at K Brosas.

Nagpakita muli sina Ryan Bang at Amy Perez sa "Now Hiring" na segment at sinabi nilang papasok silang dalawa sa Martes, June 16.

Paliwanag ni Amy, naka-rotation daw sila nina Ryan, Jugs, at Teddy dahil sa limitasyon ng mga taong pwedeng pumasok sa set.

HOT STORIES

Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Vice Ganda: "Ang pagbabalik po namin dito sa Showtime o pag-ere ng Kapamilya network ay masasabi kong... hindi naman ito solusyon sa COVID, sa pandemya, hindi naman ito magbibigay ng gamot sa nagkaroon ng sakit. Pero maaari po kaming makapagbigay ng gamot sa ilang mga karamdaman na idinulot nitong COVID-19."
PHOTO/S: It's Showtime (ABS-CBN)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results