Halos isang taon nang magkarelasyon sina Paul Cervantes at John Kennedy Nakar na mga bida sa Pinoy BL series na Lakan, sa panulat at direksiyon ni Vincent Ricafrente.
“Nag-out na po sila sa social media bago ko pa po nagawa ang Lakan series,” pahayag ni Direk Vincent nitong Setyembre 23, Miyerkules, via Messenger.
“Bilang couple po sila, tinuruan ko sila na ihiwalay ang relasyon nila sa role nila para hindi magkaproblema ang lahat.
“Ang kinuha lang po namin sa relasyon nila ay iyong kumportableng kilig at chemistry.”
Social media influencers sina Paul at Ken, na parehong 21-anyos.
“Simula nang mag-out sila ay kami na po ang magkakasama, lalo na nang mag-lockdown,” lahad ng 30-anyos na si Direk Vincent.
“Witness po ako sa kanilang mga away-bati, pero bilang mga kaibigan, kami po ang nag-aayos at guide sa kanila sa lahat para maging maayos po.
“Pangarap nilang mag-artista, kaya gusto ko pong gawan sila ng project na magkasama sila.
“Actors ko po sila sa ArtistLab Productions. Ako po ang nag-train sa kanila sa acting.
“Pinili ko sila para sa lead roles ng Lakan, kasi pakiramdam ko po, kumportable ako at kaya nilang gampanan ang roles na nasa story ko.
“Gusto ko pong i-highlight na okay lang sakaling mag-couple kayo at mag-out kayo para magbigay-inspirasyon sa lahat na walang masama sa ginagawa nila.”
John Kennedy Nakar (left) and Paul Cervantes
INTIMATE SCENES
In-upload ang official trailer ng Lakan noong Setyembre 18, Biyernes, sa YouTube channel ng Lakan series.
Mapangahas ba ang eksena ng halikan at pagniniig nina Paul at Ken?
“Hindi po kami masyadong maglalabas ng daring scenes,” paglilinaw ni Direk Vincent.
“Kasi, aware po kami na open sa lahat ang YouTube po. If ever may ganoon po kaming scenes, gagamit po kami ng creative shots para hindi mukhang bastusin yung scene.”
Ano ang inspirasyon sa likod ng Lakan?
“Nag-start po akong gawin ang story ng Lakan two years ago,” salaysay ni Direk Vincent.
“Na-curious po ako kung may nag-e-exist na gay sa mga tribo kaya nag-research po ako sa iba't ibang tribes.
“Pumunta po ako sa mga lugar nila para mag-interview at kasabay na rin ang tanong na iyon.
"Aware po sila na merong gay sa kanilang tribo, pero hindi nila na-highlight. Kasi, respeto na lang doon sa tao.
“Kaya ngayon na may chance po ako na gumawa dahil na-lockdown po ako sa kabundukan ng Gabaldon, Nueva Ecija, natuloy ko ang story ng Lakan sa pamamagitan ng series.
“Kaya po Lakan ang title niya, kasi gusto kong ipakita ang pinagmulan ng mga matitikas at malalakas na lalake sa atin.
“Paano kung lumambot ang puso nila at sundin nila ang puso nila? Matatawag pa rin ba silang Lakan?
“Gusto ko rin pong i-highlight ang mythology ng God of Homosexuality na si Libulan, para malaman ng lahat na noon pa man ay may pinagmulan na ang pagmamahal sa kahit anong gender pa.
“Gusto kong ipakita na ang pagmamahal ay wala sa gender o estado ng buhay. Ito ay nasa kung ano ang nararamdaman mo at kung ano ang natatanggap mong pag-aalaga at pagmamahal sa isang tao.”
Sa alamat, si Libulan ay bathala ng buwan (moon), at bathalang patron ng kabaklaan.
May kuwentong naakit sa kanya ang bathala ng kamatayan na si Sidapa. Niligawan ni Sidapa si Libulan, at hindi nito inalintana na pareho ang kanilang kasarian.
Pinaniniwalaang hanggang ngayon ay magkasama sina Libulan at Sidapa, at maligayang naninirahan sa Bundok Madia-as ng Panay.
“Ginamit ko lang po yung Libulan na pangalan ng tribo para maging aware ang lahat, pero ang Lakan series ay hindi po tungkol kay Libulan,” sabi ni Direk Vincent.
Wala ring kaugnayan ang nasabing BL series sa reflexology center na Lakan, na karamihan ng kliyente ay bakla.
“Nataon lang po na kapangalan po.”
COMING OUT
Nag-viral ang paglabas noon ni Paul Cervantes sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga! kung saan nag-out siya.
Pero hindi pa si John Kennedy ang karelasyon niya.
“Iba pa ang boyfriend noon ni Paul, hindi pa si Ken,” saad ni Direk Vincent.
“Na-discover ko si Ken dito sa Nueva Ecija noong high school pa lang siya, hanggang sa nag-model at influencer na siya.
“Ipinakilala ni Ken si Paul sa akin, at umamin sila sa akin tungkol sa kanilang relasyon.
“Taga-Bulacan dati si Paul. Nagkakilala sila sa Manila, at ngayon ay magkakasama kami dito sa Nueva Ecija.
“Ngayon po na may lockdown, sabay-sabay po kaming naubusan lahat ng pera. Dumaan kami sa depression, pero lumalaban po kami at kailangan naming may gawin kaya nabuo namin ang Lakan series.
“Nasa maliit man kaming production, pinagtulungan po namin lahat para ma-push ang project.”
In fairness, ang ganda ng cinematography ng trailer ng Lakan. Kaaya-ayang panoorin. Kapana-panabik!
“Collaboration po ng iba’t ibang production ang trailer para mabuo,” paliwanag ni Direk Vincent.
“May production for technical, ang Aperture Pro. May production for music, si Mikee Termulo ang arranger, at si Spencer Geronimo ang singer-composer ng official soundtrack na 'Magkaibang Mundo.' At kami po sa ArtistaLab, para sa buong production.
“Ang Aperture Pro ay grupo ng events photography and video coverage na gustong ma-experience ang process for filming.
“Pero dahil sa hectic schedule po ng mga nasa events ay iba-iba po ang cinematographers namin.
“Bilang director, nasa akin po ang formula ng cinematography kaya naging uniform po ito.”
WRITER-DIRECTOR
Ang writer-director ng Lakan BL series na si Vincent Ricafrente ay theater and film maker, production director, at actor din.
“Nag-start po akong mag-work sa film sa Star Cinema bilang production designer scholar, hanggang sa nagpalipat-lipat ng production,” kuwento ni Direk Vincent.
“Nagdesisyon po akong maging regional filmmaker at tumira sa Nueva Ecija.
"Umiikot po ako sa buong bansa para magturo ng Free Acting Workshop and Film Making Workshop para sa mga lugar na hindi afford mag-enrol sa Manila o hindi naabot ng turo pero may mga pangarap.
“Nagturo po ako sa Isabela, Bicol, Rizal, Davao, Gensan, Manila, at siyempre po, sa mga bayan ng Nueva Ecija.”
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!