Si Henry Omaga-Diaz na ang magiging bagong co-anchor nina Noli de Castro at Bernadette Sembrano sa TV Patrol.
Ito ang isiniwalat ni Karen Davila, na pansamantalang naging co-anchor sa flagship news program ng ABS-CBN.
Napanood si Karen sa TV Patrol, tuwing Lunes at Miyerkules, mula noong kalagitnaan ng Setyembre.
Sa Instagram post ni Karen kagabi, September 30, ibinahagi niya ang larawan niya kasama sina Noli at Bernadette.
Sa caption, sinabi ng veteran broadcaster na masaya siyang nakasama ang "broadcast icon" na si Noli. Matagal na raw kasi niya itong pangarap.
“It was always a dream to co-anchor with broadcast icon @kabayannolidecastro!
“Glad I had the opportunity even for awhile.
“Enjoyed this @bsaguinaldo #sept302020 #tvpatrol #livegrateful #abscbnkapamilya”
Sa comments section, isang follower niya ang nagtanong: “Aww... Why for awhile only? Is he leaving or you?"
Sagot ni Karen, “Rotation ends this week. There will be a permanent anchor next week.”
Ibig bang sabihin nito ay hindi na siya muling mapapanood sa TV Patrol?
Sagot ni Karen sa isa pa niyang follower, “Yes I think there will be a permanent anchor next week.”
HENRY OMAGA DIAZ WILL RETURN TO TV PATROL
Isa pang netizen ang nagtanong kay Karen: “Will you be permanent in tv patrol miss karen?”
Sa kanyang sagot ay sinabi ni Karen kung sino ang magiging bagong co-anchor ng TV Patrol.
Aniya, “This was my last day of rotation.
“Next week, Henry Omaga Diaz will be joining TVP.”
Naging bahagi ng TV Patrol si Henry mula 2001 hanggang 2003, kasama sina Korina Sanchez at Aljo Bendijo.
Naging anchor naman si Karen noon ng TV Patrol World mula November 2004 hanggang June 2010, kasama sina Julius Babao at Ted Failon.
Si Henry ang ipapalit ng management sa dating co-anchor na si Ted Failon, na lumipat na sa TV5.
Isa na lang ang regular show ni Karen, ang Headstart With Karen Davila na napapanood sa cable channel na ANC.
Sa ngayon, sa cable, iWantTFC, Facebook, at YouTube napapanood ang TV Patrol at iba pang programa ng ABS-CBN.
Nawala sa free-to-air TV ang broadcast giant kasunod ng pagbasura ng Kongreso sa franchise application nito noong July 10, 2020.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!