Eere na rin ba ang It’s Showtime at iba pang ABS-CBN shows sa TV5?
Ito ang mainit na tanong ng viewers matapos magkaroon ng simulcast airing sa TV5 ang ABS-CBN programs na ASAP Natin ‘To at FPJ: Da King movie block simula noong January 24.
Naging posible ito dahil sa blocktime agreement sa pagitan ng ABS-CBN at TV5.
Pinalitan ng ASAP Natin ‘To at FPJ movie block ang tatlong TV5 shows: Sunday Noontime Live (SNL), I Got You, at Sunday Kada.
Kasunod nito, nagsuspetsa ang ibang netizens na baka sumunod na ring umere sa TV5 ang iba pang Kapamilya shows gaya ng noontime show na It’s Showtime.
Tiniyak naman ng Laugh Out Loud (LOL) host na si KC Montero na patuloy na eere ang kanilang TV5 noontime show na katapat ng It’s Showtime.
Pero may naging pahayag si Regine Velasquez kamakailan na siguradong ikaiintriga ng viewers.
Sabi ng Asia's Songbird, pagkatapos ipalabas sa TV5 ang ASAP Natin 'To at FPJ: Da King, “hopefully” ay susunod na rin ang iba pang Kapamilya shows, katulad ng It’s Showtime.
REGINE THINKS MORE ABS-CBN SHOWS will AIR ON TV5
Nangyari ang pahayag ni Regine sa virtual presscon ng kanyang upcoming digital concert na Freedom, na gaganapin sa February 14.
Unang ikinuwento ni Regine na hindi sila makapaniwala ng kanyang mga kasamahan sa ASAP na umeere na ang kanilang musical-variety show sa TV5.
“Ang saya-saya nung ano, yung ASAP naka-mirror na sa TV5. Ang saya-saya,” bungad ni Regine sa virtual presscon noong January 26.
“Sobrang saya na ano, na parang, pwede palang mangyari iyon.”
Kahit daw sila ay hindi makapaniwala noong una.
“Parang, ‘Talaga ba? Totoo ba?” sabay tawa ng singer.
“Kami nga yung mga reaksiyon namin, ‘Talaga ba?’ Hindi kami makapaniwala, but [nangyari].”
“It was wonderful. It was wonderful. It’s a good merge.”
Sa puntong ito, dire-diretso nang naibulalas ni Regine na may mga susunod pang ABS-CBN shows na eere sa TV5, gaya raw ng It’s Showtime at mga teleserye.
Sabi ni Regine, “Every Sunday na iyon, and I think it will start lang with ASAP and then the FPJ movies.
“Eventually, we’ll have Showtime, of course, hopefully.
"And then, eventually some of the soaps, eventually magkakaroon din ng Magandang Buhay. So, ganun.”
Matatapos ang kontrata ng production company na Brightlight Productions sa TV5 sa March 2021.
Ang Brightlight ay blocktimer sa TV5 at producer ng shows na pinalitan ng ASAP Natin 'To at FPJ movie block; ito ang SNL, I Got You, at Sunday Kada.
Ang Brightlight ay may “collaboration” ngayon sa ABS-CBN at TV5 matapos ang kanilang partnership. Ang Brightlight pa rin kasi ang nagmamay-ari ng blocktime sa TV5.
Ngayong Miyerkules ng hapon, February 3, humingi ang PEP.ph ng pahayag sa ABS-CBN Corporate Communications kung nakikipagnegosasyon ba ang Kapamilya network sa TV5 para dagdagan ang mga programang ieere sa Kapatid network.
Hindi pa kami nakakatanggap ng sagot.
ABS-CBN to continue BLOCKTIME AGREEMENTs
Samantala, mukhang tuluy-tuloy ang blocktime deals ng ABS-CBN sa ibang TV networks para umere roon ang Kapamilya shows.
Sinabi mismo ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak na patuloy ang kanilang blocktime deals.
Itinanggi naman niyang magkakaroon ng merging o pag-iisa bilang isang company ang ABS-CBN sa TV5 kasunod ng kanilang blocktime agreement.
“There are no merger or acquisition plans,” ani Katigbak sa ABS-CBN special stockholders meeting noong Martes, February 2.
Inanunsiyo ng ABS-CBN ang blocktime o airtime partnership nito sa Kapatid network noong January 21, para makabalik sa free-to-air TV ang Kapamilya entertainment shows.
May blocktime partnership din ang ABS-CBN sa A2Z Channel, na pagmamay-ari ng evangelist na si Brother Eddie Villanueva.
Paniniyak pa ni Katigbak, patuloy pa rin ang blocktime partnerships nila sa ibang television networks.
“We remain committed to our partners who have helped us through this difficult time,” ani Katigbak.
Tuluyang nawala sa free-to-air TV ang ABS-CBN Channel 2 nang pagkaitan ito ng franchise renewal ng Kongreso noong July 10, 2020.