Dion Ignacio felt challenged to portray a rich CEO in Kailan Ba Tama Ang Mali?

Dion Ignacio (in photo) co-stars with Geoff Eigenmann and Empress Schuck in Kailan Ba Tama Ang Mali?



Ikalawang beses na magkapareha nina Dion Ignacio at Max Collins para sa isang TV show.

Sa huling serye nila sa GMA-7, ang Innamorata, silang dalawa ang nagkatuluyan. Ngayon naman, sa Kailan Ba Tama Ang Mali?, muli silang pinagpareha ng Kapuso Network.

Sabi nga namin kay Dion, posibleng nakikitaan sila ng “chemistry” ni Max.

“Siguro, oo, ganun na nga,” nakangiting pagsang-ayon naman niya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan lang.

Natatandaan naming sinabi niya noon na crush niya si Max, kaso, sa kanya na rin nanggaling na kaibigan naman niya si Pancho Magno, ang Kapuso actor na nali-link din kay Max.

Natatawang sagot naman ni Dion, “Oo nga, e, ang ganda naman ni Max, ang bait pa.”

Kung nagkataon na sa totoong buhay, wala siyang non-showbiz girlfriend at si Max naman ay hindi nali-link kay Pancho, posible kayang niligawan na niya ito?

“Ay, mahiyain ako,” natawang sagot ni Dion.

Kahit naging malapit na rin naman silang magkaibigan ni Max, hindi pa rin niya ito kayang ligawan?

“Mahiyain ako, e. Ganoon lang ako, parang humahanga ako.”

Dugtong niya, “Siguro kasi, gusto ko non-showbiz. Takot ako na showbiz. Simple lang kasi ako. Gusto ko, yung tanggap ako kung ano ako.”

Kapag showbiz ba ang magiging girlfriend niya, nakikita niyang hindi siya kayang tanggapin?

“Hindi naman, pero siguro, yung level lang… gusto ko yung tanggap ako. Kung ano yung pagkataon ko, ano ang family ko. Ano ang hilig ko. Baka yung iba, hindi ako tanggap, e.”

Sa sampung taon niya sa showbiz, nagkaroon na rin ba siya ng showbiz girlfriend?

“Hindi pa,” mabilis niyang sagot.

“Hindi pa talaga. Baka kapag nagka-bahay ako, baka magkaroon ako ng lakas ng loob na manligaw.”

Natawa naman si Dion nang sabihin namin na baka ipagdasal ng non-showbiz girlfriend niya na huwag na siyang magkaroon ng sariling bahay dahil manliligaw pala siya ng kapwa-artista.

“Siguro kasi, feeling ko lang, mas lalakas ang tiwala ko sa sarili,” lahad niya.

Nilinaw rin niya na wala siyang girlfriend ngayon dahil noong May pa raw sila nagkalabuan.

Unang beses din daw niyang maka-trabaho sina Geoff Eigenmann at Empress Schuck.

Kumusta naman silang ka-trabaho?

“Si Geoff, professional. Noong una, parang na-intimidate ako. Pero noong mag-workshop kami, simple lang din pala siya. Parang hindi artista. Kung ano ang makita mo sa kanya, yun siya.

“Tapos sa trabaho naman, professional. Kapag ka-eksena mo siya, ang galing niya, malalim. Nakikita ko ang mismong character niya. Kaya kahit nag-i-English ako, alam niya na hindi naman ako magaling dun, pero hindi yun ang nakikita ko sa kanya.

“In-character siya. Kaya ako, nagagawa kong ibato ang linya ko na relaxed.”

Mabait din daw si Empress.

“Hindi siya showbiz, hindi artista. Makulit din. Kung ano ang nakikita mo sa kanya, ganyan talaga siya. Kaya alam ko na sa Kailan Ba Tama Ang Mali, magiging maganda ang taping namin kasi, mababait sila, magagaling.”


Bago kay Dion ang karakter niya sa bagong serye dahil mula sa umpisa, mayaman na siya at may pagka-kontrabida rin.

“Ang character ko rito, isa akong CEO [chief executive officer] sa isang ad agency. Madalas ang character ko, poor na yumaman. Dito, mayaman talaga. Kaya kailangan kong pag-aralan ang script. Basahin ng basahin, Taglish siya.

“So, medyo sa totoo, hirap ako ro'n. Kaya palagi kong binabasa ng paulit-ulit para mabuhay ang character.”

Natsa-challenge talaga siya kapag mayaman na karakter ang ginagampanan niya?

“Oo, ito ang challenge sa akin. Kahit sa kotse, nagbabasa ako ng script. Actually, hindi katulad dati, ngayon, natutuwa ako na nagagawa ko na. Minsan, hindi ako makapaniwala na nagawa ko yung scene na yun.”

Konektado kay Max Collins ang karakter niya sa teleserye na ito.

Kumpara sa huling seryeng pinagsamahan nila ni Max na mabait ang karakter niya, ngayon daw sa Kailan Ba Tama Ang Mali?, gagawin naman niya ang lahat para maagaw si Max sa asawa nito na ginagampanan naman ni Geoff Eigenmann.

Sa totoong buhay, ganun ba siya, gagawin ang lahat para makuha ang isang bagay, lalo na kung babaeng minamahal?

“Hindi ako ganun. Yun ang pagkakaiba namin. May respeto ako sa lalaki.”

Nangyari na ba sa kanya yung gustong-gusto niya ang babae, pero, may boyfriend na?

“Nangyari na… pero, noong malaman ko, iniwasan ko na. Mahirap yun. Ayoko ng may kaaway. Kung gagawin ko ‘yan, dapat wala kang karelasyon.”

Itinuturing naman ni Dion na naging maganda ang taong nagdaan sa kanya.

Sabi pa niya, “Masaya, kasi yung 2014, after ng Maghihintay Pa Rin, Innamorata na. Sobrang blessed din at thankful ako sa GMA Artist Center kasi, may show ulit ako. Ibig sabihin, meron silang tiwala talaga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN