Will Eula Valdes have onscreen battle anew with Jean Garcia?

Eula Valdes is the newest addition to GMA-7's daytime teleserye The Half Sisters.


Matagal ng umeere ang GMA-7’s Afternoon Prime na The Half Sisters na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Thea Tolentino. Pero, isa sa pinaka-importanteng karakter rito ay ang karakter ni Jean Garcia bilang ina ng dalawa.

Simula sa isang Linggo, magsisimula namang mapanood ang pinakabagong karakter sa serye, si Ysabel na gagampanan ng isa pang mahusay na aktres na si Eula Valdes.

Kahapon, January 29, sa pocket presscon na ibinigay ng GMA para kay Eula sa Studio 7 ng GMA Network, tinanong si Eula kung paano siya nakumbinse na tanggapin ang karakter na Ysabel sa matagal na rin umeereng The Half Sisters.

Ayon kay Eula, “Well, meron pa kasi akong gagawin dapat. Dito rin naman, pero siyempre, no brainer, bakit ka pa mag-iisip, top-rater na yun. At saka, nakatrabaho ko na rin ang cast nila, less problema, less adjustment.

“At saka siyempre, excited din ako to work with Direk Mark [Reyes] again. First time ko to work with him, sa Kamandag, yun ang unang lipat ko dito sa GMA.”

Wala rin daw isyu kay Eula kahit pang-hapon pa ang seryeng gagawin niya. Magte-taping pa lang siya ng The Half Sisters sa isang linggo.

Sabi nga niya, “Okay lang, may ginawa na rin ako before. Sa kabila, meron na rin akong ginawa na afternoon. At saka, alam mo, parang wala ng difference ngayon na afternoon.

“Kasi, nagri-rate na rin siya.”

Ang inaabangan sa The Half Sisters ay ang muling pagtatapatan nila ni Jean Garcia na unang sinubaybayan at masasabing sumikat sa mga karakter nila dati sa ABS-CBN’s Pangako Sa ‘Yo bilang sina Amor Powers at Claudia Buenavista.

Si Jean ang original Claudia samantalang si Eula ang original Amor Powers.

Excited ba si Eula sa muli nilang pagtatapatan?

“Siyempre, maglalaro na naman kami. Sabi ko nga, kami ang original na loveteam talaga. And si Jomari [Yllana] rin, nakatrabaho ko na rin siya sa isang soap before. Actually, excited ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Excited ako to work again,” natawa niyang sabi.

Napapanood naman daw niya ang The Half Sisters, hindi nga lang daw araw-araw, pero, may ideya raw siya sa takbo ng kuwento nito.

Mapapanood ba sila ni Jean dito na parang sina Amor at Claudia?

“I don’t know, pero siyempre, I’m sure hinahanap nila yun.”

Matagal na nilang ginawa ang Pangako Sa ‘Yo at ang mga karakter na ginampanan nila, pero, tila hanggang ngayon, sariwang-sariwa pa rin sa lahat ang mga ito.

Mabilis namang sagot ni Eula, “E paano, inuulit pa rin nila. Papaano namang hindi—papaano namang mawawala, e, sila mismong nagbabalik.”

Natatawang sabi pa niya, “Meron pang same eksena, ibang cast lang na ipinapakita.”

Ano ang pakiramdam niya?

“Oh! Natuwa ako. Kasi, noong time na yun, hindi ko napapanood. Hand to mouth kami. Wala pang cut-off noong time na yun, so hindi namin napapanood. Noong napanood ko, tuwang-tuwa ako.”

BONDING WITH JEAN OFF-SCREEN. Bilang palaging magkasalungat ang mga karakter nila ni Jean sa mga ginagawa nila, sa totoong buhay, maituturing ba nila ang isa’t-isa na magkaibigan naman?

“Okay naman kami, although we have different set of friends. Sa totoong buhay naman kasi, hindi rin naman ako palalabas. Pero, okAy kami niyan. At saka dati, palagi kaming magka-teammates sa volleyball.

“Noong may Star Olympics pa, during that time, magkaibigan na kami. Minsan nga, may mga sleep-over pa kay Maila Gumila, wala pa kaming mga anak noon.”

Ang huling seryeng ginawa naman ni Eula ay ang Ilustrado ng GMA-7. Hindi raw siya naka-network contract kung hindi per-show contract daw siya.

Gusto ba niya ng network contract?

“Depende siyempre sa offer,” pag-amin naman ni Eula.

“Wala pa namang sinasabi. Pero, ang alam ko, yun ngang unang inaalok sa akin, baka after nito, baka maabutan ko pa yung gawin din. Pero, dito rin. Ayoko munang magsabi baka maudlot, e.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung tutuusin, sila ni Jean ay hindi lamang sa mga teleserye nila masasabing nagpapatalbugan, kahit sa kaseksihan, silang dalawa ang mga itinuturing na “hot momma.”

Magpapatalbugan din ba sila ng kaseksihan sa The Half Sisters ni Jean?

“Naku, hindi ko na iniisip ‘yan. Ang sabi ko nga sa stylist, walang sexy na damit. Graduate na kami diyan. Parang—alam mo, wala na rin akong gana sa ganun. Sabi ko sa stylist, ayoko ng may nakalabas-labas diyan na kung ano.”

Eh, sila nga ni Jean ang parang idolo ng mga nanay na gusto pa rin manatiling sexy?

“Naku, hayaan niyo na,” natatawang sagot ng 46-year-old actress.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN