Hindi napigilan ni Jaya ang mapaluha nang magpaalam siya sa mga kasamahan sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime.
Si Jaya ay resident hurado ng "Tawag Ng Tanghalan" sa It's Showtime mula noong 2016.
Sabi ni Jaya sa mga kasamahan sa It's Showtime: "Nung lumipat ako sa ABS, kayo yung tumanggap sa akin.
"For me, I am going to leave with a heavy heart.
"But I am happy because I've had the honor and privilege to work with very excellent hosts that truly accepted me and loved me."
Noong 2016 lumipat si Jaya sa ABS-CBN matapos siyang maging independent artist sa loob ng halos isang taon.
Bago iyon ay 16 taon naging Kapuso star si Jaya.
Hindi raw malilimutan ng Soul Diva ang magandang oportunidad na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN sa gitna ng mga pagsubok na dinaanan niya sa buhay.
"Ako, nagpapasalamat sa Panginoon dito niya ako dinala. Kita mo, hindi siya nagsara, di ba?
"So, Lord, thank you for this opportunity to still be standing up in the midst of all my trials, ilang taon din iyon.
"Showtime, Tawag ng Tanghalan, ABS-CBN, my heart is with you."
Nagpasalamat din si Jaya kina Vice Ganda, Amy Perez, at iba pang It's Showtime hosts na naging malapit sa kanya.
Marami raw siyang natutunan pagdating sa "excellence" ng mga ito sa kanilang trabaho.
"The staff, lahat ng nakikita ko dito... Pati mga marshals tinatanong ko, 'Saan ba kayo natutulog?' Kinukulit ko. I love you with all my heart.
"Maraming salamat. God bless each and every one of you," dagdag ni Jaya.
JAYA HOPES TO RETURN TO ABS-CBN
Dasal daw ni Jaya na malampasan ng ABS-CBN ang kalbaryong dinadaanan nito sa kawalan ng prangkisa.
Sarado ang broadcast operations ng ABS-CBN, pero may blocktimer agreement ang ilang Kapamilya shows na umeere sa A2Z at TV5.
Sabi ni Jaya, "You will never close, I claim that. Because you've helped so many people, not only the public, but even me na singer namayagpag ng sandali dahil sa pagtanggap niyo."
Umaasa raw siyang sa takdang panahon ay makakabalik pa rin siya bilang Kapamilya.
"I pray that when this station opens up, pagbalik ko again, sana tanggapin pa rin niyo ako.
"Sa lahat ng Kapamilya, maraming salamat for the honor and privilege."
DECISION TO MOVE TO THE U.S.
Noong March 2021, inihayag ni Jaya na nagdesisyon sila ng kanyang asawang si Gary Gotidoc na bumalik sa U.S. upang doon manirahan.
Base ito sa virtual mediacon ng online show na Grateful Tuesdays ni Pinky Tobias sa CS Entertainment Facebook at YouTube Channel.
Inamin ni Jaya na lubha siyang naalarma nang mawalan siya ng regular ng trabaho dala ng pandemya.
Dagdag pa rito ang karanasan ng kanyang asawa na na-stroke at naospital nang ilang araw.
Bagamat gumaling si Gary, sinabi ni Jaya na kinailangan nilang isaalang-alang ang kapakanan ng mga anak.
Todo ang dasal ni Jaya hanggang sa may nagbukas na pinto para makahanap ng trabaho ang stepson niya at asawang si Gary sa U.S.
Nagbenta raw sila ng property sa Tarlac para sa pagpunta nila ng U.S. at pagrenta ng tirahan nila roon.
Sabi ni Jaya, "Things happened and things start to arise when your faith rises.
"That’s the reason why I’m going to the States because I think He’s telling me talaga to 'go there, don’t worry about it.'"