Makalipas ang limang daang (500) araw, muling tumuntong sa APT Studio ng Eat Bulaga! sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Napanood ito ngayong Biyernes ng tanghali, July 30, sa live 42nd anniversary presentation ng longest-running noontime program ng bansa.
May televiewers na napaluha at nanindig ang mga balahibo sa muling pagsasama-sama at pagbabalik sa studio ng mga original host ng Eat Bulaga! dahil naantig ang kanilang mga damdamin sa naganap na reunion at mga nasaksihang eksena.
“Na-miss ko ‘to, Dabarkads! Five hundred days, hindi ako nakatuntong sa APT,” sabi ni Joey, na bakas sa mukha ang kaligayahang nararamdaman.
“It’s nice to be back!” sabi naman ni Vic, na masayang-masaya sa kanyang pagbabalik sa studio ng Eat Bulaga.
“Masaya ako nandito tayo uli sa studio. Muntik na nga hindi matuloy. Buti na lang, ang ECQ, sa August 6 pa.”
Muli kasing ipatutupad sa National Capital Region ang ECQ dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 Delta variant sa ating bansa.
Sabi pa ni Vic, “Para safe, marami tayong health protocols na sinunod.
"At gusto lang naming gamitin ang araw na ito para magpasalamat dahil anuman ang ating pinagdadaanan, pinagdaanan, pinagdaraanan, at pagdadaanan, nandiyan pa rin kayo. Nakikitawa, nakikitsika, nakikiiyak, nakikisaya, at nakikikanta.
“Sa araw na ito, pati sa mga darating na araw, gusto rin naming bigyan kayo ng dahilan para manatili na lang sa inyong mga bahay-bahay.
“Kung meron man siguro tayong hiling na sana, e, matapos na ang pandemic at sana, makapagsimula tayong lahat muli nang malusog, kasama ang mga mahal natin sa buhay.”
Pinuna rin ni Vic ang pormang-vice president ng kanyang kapatid na si Tito, na sigurado na ang pagkandidato bilang bise presidente ng Pilipinas sa halalan sa May 9, 2022.
Sa tatlong original hosts ng Eat Bulaga, si Tito ang pinakahuling ipinakilala.
May dramatic entrance ang senador dahil mistulang Pope itong lumuhod at hinalikan ang sementadong sahig ng studio ng Eat Bulaga.
Sabi ni Tito, “Una sa lahat, nagpapasalamat kami sa Diyos, higit sa lahat, sama-sama pa rin tayo.
“Kahit ano mangyari, kahit saan tayo dalhin ng panahon, sa bahay man o hanggang Zoom lang muna, hindi magbabago na magda-Dabarkads tayo.”
"Welcome home" at "Happy 42nd birthday" ang mga salitang sumalubong kina Tito, Vic, Joey, mula sa kanilang mga Eat Bulaga! co-host at Dabarkads na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Jimmy Santos, Allan K., Pia Guanio, Pauleen Luna, Ryzza Mae Dizon, at Alden Richards.