Nagsalita na si Bea Alonzo tungkol sa diumano’y pag-aabandona niya sa produksyon ng ABS-CBN teleseryeng Kahit Minsan Lang.
Ito ang dapat na pagbibidahan ni Bea na teleserye sa ABS-CBN bago ito tuluyang na-shelve. Sinasabing ang COVID-19 pandemic ang dahilan kung bakit ito na-shelve.
Bukod pa rito, marami ring Kapamilya fans and executives ang naglabas ng sama ng loob sa paglipat ni Bea sa GMA-7, lalo na’t may proyekto raw siyang nabinbin, at ito na nga ang Kahit Minsan Lang.
Sa PEP Exclusives interview ni Bea noong Martes, August 17 via Zoom, hininingan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag si Bea tungkol sa sinasabing pag-abandona niya raw sa produksyon ng Kahit Minsan Lang.
Bagamat nalulungkot si Bea sa reaksyon ng ibang tao—lalo na ng mga dati niyang katrabaho—inaasahan na raw niyang may mga tao talagang hindi matutuwa sa kanyang paglipat.
Sabi ni Bea, “Nalulungkot ako because ayun nga, may mga ganung reactions.
“Although siyempre, before making that decision, I knew that you cannot please everybody. So nag-e-expect na ako na may nag-react.
“Siyempre, kapag nandoon ka na sa sitwasyon na iyon, hindi mo maiiwasang malungkot, di ba? Lalo na kasama mo yung mga tao.
“I have been working for ABS-CBN for 20 years and I’ve known some people na naging malapit din sa puso ko, di ba?”
Hindi na nagbanggit si Bea tungkol sa Kahit Minsan Lang o sa kahit na sinong Kapamilyang sumama ang loob sa desisyon niya.
Pero nilinaw niyang malinis ang naging pag-alis niya sa ABS-CBN at paglipat sa GMA-7.
Patuloy ni Bea, “Ako, gusto ko lang sabihin na wala akong ginawang masama and alam ko na malinis kong ginawa every step of the way dito sa ginawa ko.
“Siguro, may mga bagay-bagay na hindi ko kailangang ipaliwanag sa lahat ng tao, but ang gusto ko lang i-share is that nagpaalam ako nang maayos at wala akong inapakang tao.
“Malinis ang konsensya ko kaya siguro ganito rin kagaan iyong pakiramdam ko.”
Ayaw na rin daw ni Bea pagtuunan ng pansin ang mga negatibong komento tungkol sa kanyang paglipat dahil sa lahat ng blessings na natatamo niya ngayon.
Saad ng 33-year-old actress, “Ayoko na ring pag-usapan iyan because I would rather focus on the positive things that’s happening to my life and to be honest, I don’t want to fight with anyone and I’d rather not engage.
“Sa totoo lang, ang dami daming blessings sa buhay ko sa lahat ng aspeto.
“Para sa akin, magpo-focus pa ba ako sa negative? Dito na lang ako sa positive kasi I’m so blessed already.”
Pero sa huli, nilinaw muli ni Bea na alam ng mga bosses ng Kapamilya network ang career move na ginawa niya.
“But having said that, I know na wala akong ginagawang masama and alam ng bosses ng ABS-CBN iyon.”
Inulit din ni Bea na isang taon na siyang walang kontrata sa ABS-CBN, tulad ng una niyang sinabi sa PEP Exclusives noong February 2021 at press conference niya sa kanyang GMA-7 contract signing noong July 2021.
HOW KAHIT MINSAN LANG STARTED AND GOT SHELVED
Taong 2020 nang dapat sana ay magbibida si Bea kasama sina Richard Gutierrez, Rafael Rosell, Jameson Blake, at Christian Bables sa Kahit Minsan Lang.
Nag-umpisa na silang mag-taping ng ilang eksena sa fishport ng General Santos City noong September 2019.
Kasama rin ang Kahit Minsan Lang sa omnibus plug na inilabas ng ABS-CBN noong January 2020.
Subalit nagkaroon ng COVID-19 pandemic, dahilan para mahinto ang produksyon ng teleserye.
Hanggang sa noong September 17, 2020, naglabas ng statement ang ABS-CBN at pamunuan ng Star Creatives na shelved na ang teleserye.
Ayon sa statement, ang restrictions ng COVID-19 pandemic ang dahilan sa pagkaka-shelve ng project.
Naglabas naman ang Cabinet Files noong September 26 na matutuloy pa rin ang proyekto pero si Bea lamang ang papalitan dito dahil takot umanong magtrabaho si Bea habang kasagsagan ng pandemya.
Napabalita pang si Maja Salvador ang papalit kay Bea sa proyekto. Inamin naman ni Maja na inalok sa kanya ang proyekto.
Naka-oo sana siyang gawin ang proyekto pero hindi na rin niya nagawa dahil mas nauna siyang naka-oo sa Sunday Noontime Live ng TV5.
Noong July 2021 naman sa presscon niya sa GMA-7, nagpahayag si Bea tungkol sa pagkaka-shelve ng Kahit Minsan Lang.
Pahayag niya, "I was doing a soap for them. But then, nagkaroon ng pandemic.
"And alam naman natin na maraming pagbabago. So, nagkaroon rin ng pagbabago sa story.
"And we came to a decision na hindi na lang matutuloy yung soap."
ABS-CBN EXECUTIVES ON BEA'S TRANSFER
Nang pumirma ng kontrata si Bea sa GMA-7 noong July 2021, muling nabuhay ang balitang pagba-back out ni Bea sa Kahit Minsan Lang.
Mayroon kasing nag-leak ng unpublished full trailer ng Kahit Minsan Lang sa YouTube at TikTok.
Isa sa mga naglabas ng saloobin ay si Henry King Quitain, creative head ng Star Creatives at isa sa mga direktor ng Kahit Minsan Lang.
Hindi binanggit ni Henry ang pangalan ni Bea, pero maraming fans ang nag-isip na maaaring si Bea ang tinutukoy sa post.
Saad ni Henry sa kanyang public Facebook status: "Pag may iniwan kang project at gumastos na ang kompanya ng milyon.
"Sana bayaran mo na lang yung nagastos. Anyway siguro naman kikitain mo lahat yan.
"Kasi naghihikahos na nga kami, hindi naman biro yung itatapon na lang na pera ng kompanya kasi iniwan mo na lang basta."
Naging headwriter at creative manager si Henry ng maraming series ni Bea sa ABS-CBN, kabilang na ang Ikaw Ang Lahat Sa Akin (2005), Magkaribal (2010), Guns and Roses (2011), at A Love To Last (2017).
Marami rin ang naghinalang si Bea ang pinatamaan ng director at Dreamscape Entertainment business unit head na si Erick Salud.
Ang tweet ni Erick ay tungkol sa aktres na diumano’y tumanggi sa proyekto dahil takot mag-taping habang pandemic, iyon naman daw pala ay lilipat ng network.
Saad ni Erick sa kanyang post (published as is), “So ayun nga. Lumipat nga ang isang aktres. Bakit kaya?
“Eh may project siya na nasimulan at na promote na prior pandemic. Talos say niya, di pa siya ready mag shooting. Ayun pala lilipat.
“AAAARTE!!! Naghihirap ba siya? Eh may big farm nga. Kaloka siya!!!”
Lumabas ang tweet na ito noong gabi ng July 1, ang araw na pumirma si Bea ng kontrata sa GMA-7 kaya marami ang nanghulang si Bea ang pinatutungkulan ng direktor.