Bayani Agbayani, K Brosas proud of Lunch Out Loud's first anniversary: “Maraming nagsabing ‘Hindi magtatagal 'yan.’”

by Jerry Olea
6 days ago
Bayani Agbayani and K Brosas open up about critics who said that their noontime show, Lunch Out Loud, will not last a year. Bayani says, “Nag-umpisa kami ng October, ang sabi, hanggang April lang kami!” K adds, “Bigyan niyo naman kami ng pagkakataon. Kasi, lahat naman kami dito, even the staff, the cameramen, lahat kami, kailangan ng trabaho.”
PHOTO/S: Jerry Olea

Mag-iisang taon na ang daily noontime show ng TV5 na Lunch Out Loud (LOL) sa Oktubre 19, Martes.

“Salamat sa Diyos!” bulalas ng host na si Bayani Agbayani nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Oktubre 11, Lunes, sa studio ng LOL sa Kalayaan Avenue, Quezon City.

“Actually, ako mismo sa sarili ko… nagpapasalamat ako. Kasi, nag-umpisa ako sa noontime, until now, 2021 na, nasa noontime pa rin ako.

“Sa Seven pa lang, sa Lunch Date, nasa noontime na ako.”

Umere ang Lunch Date mula Hunyo 1986 hanggang Marso 1993 sa GMA-7, bilang kapalit ng Student Canteen.

Ang pumalit sa Lunch Date ay SST: Salo-Salo Together na tumagal hanggang Hunyo 1995, saka pinalitan ng Eat Bulaga.

Pagpapatuloy ni Bayani, “Kasama rin ako sa Salo-Salo Together. Katok, Mga Misis, naging noontime din yun.

“Tapos, paglipat sa Channel 2, ‘Sang Linggo nAPO Sila. Naging Magandang Tanghali, Bayan. Esep-Esep.

“Naikot ko ang mga noontime show, lagi pong opposite sa Eat Bulaga.”

Continue reading below ↓

Nakapag-guest-guest din siya sa Eat Bulaga, at muntik na rin daw siyang mapabilang sa Dabarkads.

Nakasama siya sa Diz Iz It! (Pebrero-Hulyo 2010) na pre-programming noon ng Eat Bulaga. Katapat nito noon ang It’s Showtime ng ABS-CBN.

LOL HOSTS

Kumusta na ang samahan nilang LOL hosts ngayong magwa-one year na ang kanilang programa?

“One year, ang sarap! Lalo kaming naging close! Masarap! Kasi, alam mo, iba naman ang… sa akin, ha, sa pananaw ko, ha,” pasubali ni Bayani.

“Ang pangarap ng bawat artista is maging regular sa isang noontime show. Kasi, iba ang exposure mo, daily.

“Tapos, primetime. Alam mo naman pag tanghali, feeling mo, lahat nakatutok sa ‘yo, nanonood. ‘Yan ang mga pangarap namin.

“E, ako, sa noontime na ako tumanda. Until now, hindi ko na naisip na magkakaroon pa ako ng noontime show.

“Salamat sa Diyos, kasi, andito pa rin ako. Minsan nga, lumilingon ako patalikod, sabi ko, ‘Parang ako na lang yung natira.’

Continue reading below ↓

“Kasi, bukod sa Eat Bulaga, iyong iba, bago na lahat. Sa It’s Showtime, di ba?”

Maliban kay Bayani, bahagi ng Tropang LOL sina Billy Crawford, Alex Gonzaga, K Brosas, Wacky Kiray, Ariel Rivera, KC Montero, Laboching, at Jeff Tam.


LOL hosts (from left): Ariel Rivera, K Brosas, Jeff Tam, Bayani Agbayani, Wacky Kiray, KC Montero, and Laboching

Continue reading below ↓

"MINALIIT KAMI."

Siyempre, masaya rin sila na umabot ng isang taon ang kanilang noontime show.

Sabi ni K, “Ako, sobra akong proud sa aming lahat. Kasi, sa totoo lang, minaliit kami. Totoo naman, minaliit kami noong umpisa.

“Maraming nagsabing ‘Hindi magtatagal 'yan.’”

Singit ni Bayani, “‘Hanggang April lang 'yan.’”

“Oo, naka-screenshot naman, charot!” pagbibiro ni K na sinundan ng maigting na halakhak.

Napahagikgik si Bayani, at ang dugtong ni K, “Charot lang! Siyempre, hindi ko pinatulan. Sabi ko, ‘Lord, naniniwala kami…’ Kasi, kahit after ng taping, minsan, nagba-bonding-bonding kami.

“Lagi kaming keep in touch. Talagang super tight yung aming samahan.

“Kaya… ayun, ngayon, mas matindi ang pagsasamahan namin, yung respeto sa isa’t isa, yung bigayan sa entablado.”

Susog ni Bayani, “Pantay-pantay lahat, walang bida.”

Paliwanag pa ni K, “Tapos, yung pagkakaibigan. Yun. Kaya hindi lang basta yung show, kami mismo, pati yung mga staff and everything.

“Kaya nakaka-proud… na one year and… ilang years pa uli?” pagbaling ni K kay Bayani.

Continue reading below ↓

Sagot ni Bayani, “One year and twenty-four years.”

“Yes, exactly!” sundot ni K.

Sabi pa ni Bayani, “Kasi, twenty-five years ang ibinigay ni Jesus sa amin na contract. Sabi ni Jesus, e!”

Palatak ni K, “Kausap niya kasi lagi si Jesus, e!”

Pag-ayon ni Bayani, “Kausap ko si Jesus. Sabi ko, ‘Jesus, hanggang kailan ba kami?’ Sabi, twenty-five years. ‘Ngayon, kung healthy pa kayo, paabutin natin ng thirty.’”

SIBAK RUMORS

Natsismis noon na nanganganib nang masibak ang LOL. Halos sabay na nag-react sina Bayani at K na sa umpisa pa lang ng programa nila ay lumutang na iyon.

Himutok ni Bayani, “Nag-umpisa kami ng October, ang sabi, hanggang April lang kami!”

Sabi ni K, “Bigyan niyo naman kami ng pagkakataon. Kasi, lahat naman kami dito, even the staff, the cameramen, lahat kami, kailangan ng trabaho.”

Gumaralgal ang boses ni Bayani, “At saka ang nais lang naman talaga, e, mabuhay yung pamilya namin.

Continue reading below ↓

“Kaya nga nakakakurot din sa puso na… kapwa mo artista, mananalangin na sana, palitan na kayo?!

“Masakit din. Kasi, during pandemic, dapat magdasal tayo na sana, lahat, may trabaho. Kasi, bawa’t isang tao dito ay may binubuhay na pamilya.

“Di bale kung kami lang. E, kung kami lang ang mawawalan ng trabaho, pwedeng makahanap kami ng iba.

“Paano yung sa production? May mga pamilya lahat 'yan. E, retrenched na nga ang naranasan nila, gusto mong matanggalan pa ng trabaho?

“Kami nga, ang panalangin namin, ‘Sana po, lahat ng noontime show, e, tumagal sa ere.’ Hindi kami nananalangin na, ‘Sana, mapalitan namin 'yan.’

“Kasi, kawawa naman yung mga pamilya nung mga nagtatrabaho.”

PRAYER BEFORE THE END OF THE SHOW

Marami ang natutuwa na nagdarasal ang Tropang LOL on cam.

Napangiti si Bayani, “For the first time, ha, kami ang noontime show—hindi ko naman ipinagmamalaki—na nagdadasal on cam bago matapos ang show.

Continue reading below ↓

“At hindi namin yun plinano. Lumabas yun lahat sa mga puso namin. Hindi namin sinabi sa writer, sa staff.

“Basta, nagawa namin yun. At nakita nila na maganda. So, itinuloy na.”

Kuwento pa ni Wacky Kiray, “Actually, ginagawa kasi namin siya every… hindi ipinapakita sa camera… before and after kami mag-show, lagi na kaming nagdadasal.

“Sabi ni Direk, ‘Bakit hindi natin kunan, i-on cam?’ Kaya nabuo yung idea na i-video.”

Dagdag ni Bayani, “Kasi dapat, habang nanonood sila, makakuha rin ang mga bata ng values, e. Hindi puro lang kalokohan.”

Hirit ni Jeff, “Hanggang sa nag-evolve na siya, naisip na namin yung mga viewers naman ang magdasal para sa amin.

“So ngayon, ang nangyayari… may viewers, naka-play sa LED, yun ang nagdadasal for ending.”

Sambot muli ni Bayani, “Saka ini-invite namin lahat ng religions. Kahit sino—Iglesia, Ang Dating Daan, Muslim, Sabadista. Lahat.”

ONE WEEK CELEBRATION

ONE-derful week ang first anniversary celebration ng Lunch Out Loud sa Oktubre 18-23, Lunes hanggang Sabado ng tanghali, sa TV5.

Continue reading below ↓

Mamimigay ang LOL ng isang daang cellphones para sa mga naki-AnniverSELFIE, cash prizes at bagong sasakyan.

Magpapasiklaban ang Tropang LOL sa isang '80s inspired production number.

Guest co-hosts sa anniversary week sina Valerie Concepcion at Isabelle Daza.

Makikisaya ang mga Jukebosses mula Sing Galing na sina Rey Valera at Randy Santiago, maging ang TikToker stars na sina Mannex Manhanttan, DJ Loonyo, Yukii Takahasi, Yanyan de Jesus, at Queenay.

Hahataw si Billy Crawford with Daryl Ong, Thor Dulay, and Kris Lawrence. Sasamahan ng bandang Mayonnaise ang segment na "H.O.P.E."

Bibida sa buwayartista si Ms. Everything para subukin kung papasa ba siya sa mga Artistagators at kay Crocky.

Tuluy-tuloy rin ang pamimigay ng tulong sa "Sagot Mo, Sagot Ko" at "Pera Usog." Magbabalik ang Win-From Home na "Color Game."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Bayani Agbayani and K Brosas open up about critics who said that their noontime show, Lunch Out Loud, will not last a year. Bayani says, “Nag-umpisa kami ng October, ang sabi, hanggang April lang kami!” K adds, “Bigyan niyo naman kami ng pagkakataon. Kasi, lahat naman kami dito, even the staff, the cameramen, lahat kami, kailangan ng trabaho.”
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results