Dati ay makakain lang nang tatlong beses sa isang araw ang tanging hangad ng batang si Reymark Mariano.
Pero umaapaw na biyaya ang kanyang natamo matapos matampok ang kuwento niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong Mayo 2021.
Nag-viral ang 10 anyos na bata mula sa Sultan Kudarat dahil sa pag-aararo nito ng dalawang ektaryang lupa gamit ang isang kabayo.
Tinutulungan niyang kumita ang kanyang lolo at lola, na pareho nang may nararamdaman.
Ang ama ni Reymark ay nakakulong dahil sa illegal possession of firearms, habang ang ina niya ay may ibang pamilya na.
Marami ang nahabag sa bata dahil kailangan niyang mag-araro bagamat isa lang siyang musmos.
Kaya pagkatapos ilabas ng KMJS ay dumagsa ang tulong, na ang ilan ay mula sa mga overseas Filipino workers.
At wala pang isang taon, nagbago nang tuluyan ang buhay ng bata.
Left photo shows emotional Reymark when he was interviewed in KMJS. Right photo shows Reymark in one of his videos on his YouTube channel.
REYMARK HAS AN IMPROVED LIFE NOW
Ang buhay ngayon ni Reymark ay malayo na kesa sa dati.
Bumuhos kasi ang donasyon sa kanya matapos maitampok ang kuwento niya sa KMJS.
Naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral, bagama’t online dahil may pandemya pa.
Lahad ni Reymark sa update ng KMJS, January 9, 2022, “Marunong na po ako nang kaunti ng English, magbasa.
“Every month po may nagpapadala po sa akin ng mga kailangan po sa pag-aaral po.”
Nakapagbukas na rin siya ng bank account kung saan pumapasok ang donasyon ng mga tumutulong.
Nakapagpagawa na rin sila maayos na bahay at may kotse pa dahil sa mga donasyon.
Pagbabahagi pa ni Reymark ay magtatayo rin sila ng tindahan sa kanilang lugar.
Higit sa lahat, itinigil na ni Reymark ang kanyang pagtatrabaho sa bukid.
Sabi niya, “Hindi na po ako nag-aararo. Masaya po kasi kung ano gusto ko mabibili ko na po.”
Nang maitampok ang kuwento ni Reymark, ang katuwang niya noon ay ang kanyang kabayong si Rabanos, na hango ang pangalan mula sa tanim nilang labanos.
Pumanaw na si Rabanos, pero nakabili naman sila ng tatlo pang kabayo na makakatulong nila sa kanilang bukid at palaisdaan.
Ibinabahagi naman ni Reymark ang kanyang mga biyaya sa mga kapitbahay nila sa kanilang lugar.
Abot-abot din ang pasasalamat niya sa KMJS dahil sa malaking pagbabago ng kanyang buhay.
“Nagpapasalamat po ako kay Ma’am Jessica kundi dahil sa kanya hindi po ako nakaunlad sa hirap.
“Sa ating mga OFW diyan, salamat po sa nagpadala sa akin ng pera.
“Promise, pagbubutihin ko po ang aking pag-aaral po.”