Naurong ang unang pagpalaot sa ere ni Julius Babao bilang bagong anchor ng flagship newscast ng TV5 na Frontline Pilipinas.
Nakatakda sana ang pagsahimpapawid ni Babao sa Kapatid network kahapon, Janaury 17, 2022, ngunit hindi ito natuloy.
Naglabas pa nga ng teaser ang TV5 ukol sa kanyang una sanang pag-broadcast nang live.
Sa kanyang Instagram post kahapon, isang follower ni Julius ang nagtanong kung bakit hindi natuloy ang kanyang unang araw sa Frontline Pilipinas kasama si Cheryl Cosim.
Tanong ng netizen: “I thought today was supposed to be your 1st day at Frontline Pilipinas? Did the date got pushed back? Stay safe, Julius”
Ayon kay Julius, dumarami ang COVID cases kaya mauurong ang kanyang stint sa news program ng TV5.
Aniya, “dami may covid kaya postponed”
May lumutang na balitang baka sa February 7 na matutunghayan sa TV5 si Julius.
Si Julius ang ipapalit ng TV5 kay Raffy Tulfo na nagpaalam sa programa noong October 1, 2020 dahil sa kanyang senatorial bid para sa 2022 elections.
Nagpaalam si Julius sa ABS-CBN noong December 31, 2021 matapos ang halos tatlong dekada bilang Kapamilya.