Memorable para kay Kim Chiu ang naging pagbabalik niya bilang host ng Pinoy Big Brother.
Kagabi, Sabado, February 12, isa si Kim sa hosts ng live eviction night ng PBB kasama sina Robi Domingo, Melai Cantiveros, Enchong Dee, at Bianca Gonzalez na siyang bagong main host ng programa matapos mag-resign ni Toni Gonzaga.
Nagsilbi itong “bagong era” para sa PBB pagkatapos ng 16 na taon kaya nagkaroon pa ng grand entrance sa opening ng programa ang limang bagong hosts na nakasuot ng all-white.
Rumampa ang limang hosts sa loob ng ELJ Building pagkatapos ipakita ang nakapaskil na “The Kapamilya Way” o ang core values ng ABS-CBN.
Sa huling bahagi ng programa ay ipinakilala ni Bianca ang hosts bilang “Ang Pamilya ni Kuya.”
Sa February 13 post ni Kim sa Instagram, ibinahagi niya ang mga nararamdaman niya habang naghu-host ng isa sa mga mahahalagang episodes ng PBB.
Kalakip dito ang ilang litrato nila sa live show, kasama na ang group hug photo ng limang hosts pagkatapos ng show.
Makikita sa litratong nakangiti ang apat na hosts habang si Bianca ay bahagyang emosyunal.
May ilang group photos din na kasama ng hosts ang staff ng programa.
Saad ni Kim sa kanyang post, “Last night was memorable! Thank you Lord God for guiding us. Maraming salamat sa lahat ng sumusupporta at patuloy na sumusuporta sa kwento ng totoong buhay @pbbabscbntv [heart and house emojis]
“We all did it THE KAPAMILYA WAY!”
Pagkatapos nito, nagpahayag ng pasasalamat si Kim sa mga tao sa likod ng PBB kung saan siya nagsimula 15 taon na ang nakararaan.
April 2006 nang pumasok si Kim bilang housemate sa unang teen edition ng PBB. Itinanghal siya bilang Big Winner ng batch na ito.
Nagpasalamat din si Kim sa kanyang co-hosts sa paggabay sa kanya sa pakikipag-usap sa mga housemates.
Patuloy ni Kim, “I will be forever grateful to this house, to the team behind PBB, to my co-hosts salamat sa pag guide kagabi ate @iamsuperbianca @iamrobidomingo sa mga advice and miga @mrandmrsfrancisco @mr_enchongdee sa pag practice nyo sa akin ng talk to housemates!!! Grabe surreal experience yun. First time.”
Sa huli, sinabi ni Kim na sana ay proud sa kanya si Big Brother.
“I hope I made KUYA proud after 16 years. Sa buong team ng PBB maraming salamat. #gratitude #love #respect #KAPAMILYA andito tayo para sa isa’t isa.”
Unang naging host si Kim ng PBB noong 2018 sa PBB: Otso season ng programa. Naging host din siya ng PBB: Connect noong 2020.
BUSINESS UNIT HEAD THANKS PBB HOSTS
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang business unit head ng PBB na si Raymund Dizon sa hosts ng programa.
Kasama nito ang group picture ng hosts kasama si Dizon, na ipinost niya sa kanyang Twitter account kagabi, February 12.
Saad ni Dizon sa kanyang tweet, “Nuff said!
“Thank you @prinsesachinita @enchongdee777 @iamsuperbianca @MelaiMoMagtweet and @robertmarion! #PBB2ndAdultEviction”
Nag-reply din si Dizon sa tweet ni Bianca tungkol sa live show at nagpasalamat dito.
Matatandaang isa si Dizon sa mga former and present ABS-CBN employees na nagpahayag ng pagkadismaya kay Toni sa ginawa nitong paghu-host sa campaign rally ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Ang partikular na ikinadismaya ni Dizon ay ang pag-introduce ni Toni kay senatorial candidate Rodante Marcoleta, na isa sa mga namuno para hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN noong 2020.
Saad ni Dizon sa kanyang tweet noong February 8, “Dati wala akong pakialam kung sino ang gusto ninyong suportahan pero ang suportahan ang taong nagpasara ng ABS-CBN ay sobrang dagok na lalo na kung sa ABS-CBN ka nagtatrabaho.”
Noong February 9, isang araw pagkatapos ng kontrobersyal na UniTeam campaign rally, at saka inanunsiyo ni Toni ang pag-alis niya sa PBB.
Sa magkahiwalay na statement ay sinabi ng pamunuan ng PBB at ABS-CBN na nirerespeto nila ang desisyon ni Toni at maging ang personal choices nito.
IS PBB MAKING A STATEMENT?
Karamihan naman sa mga nakapanuod ng PBB ay sinasabing gumawa raw ito ng statement pagkatapos ng pangyayari.
Maraming netizens ang nag-tweet nito at karamihan pa dito ay nagandahan sa grand entrance ng PBB.
Isa sa mga nag-tweet ay ang dating ABS-CBN writer na si Noreen Capili.
Nakatrabaho ni Capili si Dizon sa ilang programa noong may sariling drama unit pa si Dizon bilang production manager.
Tweet ni Capili kay Dizon, “Saw clips of the opening, Sir Rayms. What a statement!!!”
Pero ayon kay Dizon, wala raw statement na ginawa ang PBB sa opening.
Maikling paliwanag ng ABS-CBN executive, “No statements just doing it the #KapamilyaWay. [smiling emoji] Thank you po!”